Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Tunay na Kalooban”

Pebrero 18, 2020. Martes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Santiago 1, 12-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mapalad ang taong nananatiling tapat, sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng putong. Ito’y ang buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. Huwag sabihin ninuman kapag siya’y dumaranas ng pagsubok, na tinutukso siya ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay hindi matutukso ng masama at hindi naman niya tinutukso ang sinuman. Natutukso ang tao kapag siya’y naakit at napatangay sa sariling pita. Kapag ang pita ay tumubo at nag-ugat, nagbubunga ito ng pagkakasala. Kapag lumala ang kasalanan, ito’y nagbubunga ng kamatayan.

Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. Bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi niya tayo iniiwan o binabayaan man sa dilim. Niloob niyang tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang mga nilalang.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 93, 12-13a. 14-15. 18-19
Tugon: Mapalad ang tumatanggap ng aral ng Poong tapat.

MABUTING BALITA
Marcos 8, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. “Kaiingat kayo! Ilagan ninyo ang lebadura ng mga Parisang lebadura ni Herodes,” babala ni Hesus sa kanila. Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya niya sinabi iyon.” Alam ito ni Hesus, kaya’t sila’y tinanong niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo’y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakabatid o nakauunawa? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibo? Ilang bakol ang napuno ninyo sa mga lumabis na tinapay?” “Labindalawa po,” tugon nila. ‘At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apatnalibo, ilang bakol na malalaki ang napuno ninyo?” tanong niya. “Pitong bakol po,” tugon nila. “At hindi pa rin ninyo nauunawaan?” wika niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Madalas tayo ay nakakalimot sa mga nagawa ng Panginoon na mabuti para sa atin. Gaya ng mga alagad na kakagawa lang ni Jesus ng himala at hindi na naman siya naintindihan. Sapagkat akala nila ay tinutukoy ni Jesus ang kawalan ng tinapay. Subalit tinutukoy niya ang tungkol kay Herodes. Ang lebadura nitong panlilinlang at pagiging ipokrito. Tayo rin ay pag-isipan itong babala ni Jesus. Nagiging ipokrito rin ba tayo? Kailan? Kailan tayo nagiging mapamintas sa ibang tao at puno rin ng kapintasan sa sarili? Kung saan sana ang kahinaan, doon lalong magparamdam ng pangunawa.

Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.