Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Tunay na Mapalad”

 

 

 

Hunyo 8, 2020. Lunes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari 17, 1-6
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, nagsalita kay Acab si Elias
na taga-Tesbi: “Isinusumpa ko, sa ngalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel na pinaglilingkuran ko: hindi uulan, ni hindi man lamang magkakahamog sa mga darating na taon hanggang hindi ko sinasabi.”
Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias: “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Makaiinom ka ng tubig na batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”

Gayun nga ang ginawa niya: lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Umaga’t hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain. Sa batis naman siya umiinom.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 120, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Sa pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakakapal na tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:

“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad ang mga nahahapis sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga mapagkumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.”
“Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.”
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”

“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayun din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Baliktad ang pagtingin ng mundo at ng Diyos. Nakita natin ang ibang masaklap na maaring mangyari subalit bakit iba yata ang nakikita ni Jesus? Ang mga ito pa ang pinagpala? Ito’y dahil sa Kanyang presensiya at pagpapala. Kinalulugdan ng Diyos ang mga aba, nangangailangan, mga naghihinagpis, mga malinis ang puso, mababa ang loob at mga taong sa Kanya lamang dumudulog sa lahat ng pangangailangan.
Para sa ilan, hindi ganito ang kalakaran sa mundo. Mas sikat, mas maganda. Mas mayaman, mas mataas ang tingin. Sanay ang taong dumedepende sa kanilang sariling lakas, talino at abilidad.

Subalit ang taong nagdadasal at inuuna ang Diyos sa gitna ng kagipitan ay siyang tunay na mapalad. Sapagkat makakamit niya ang kanyang hinihiling at higit pa roon. Wala pong swerte. Dahil ito po ay hindi paniniwalang Katoliko at isa rin ito sa mga bagay na nakakaharang sa pagtanggap ng mga biyaya ng Diyos. Bakit? Dahil imbes na sa Diyos dumulog ay sa “swerte” umaasa ang tao. Ito’y mga diyus-diyosan na hindi makakasalba sa atin. Iwanan natin ang mga ganitong paniniwala at mangumpisal sa Diyos at sa Kanyang simbahan nang tuloy tuloy Niya tayong biyayaan at pagpalain. Itodo natin ang ating paniniwala sa Diyos lamang. Ang tanging asahan lamang po natin ay Kanyang pagpapala. Sa mga humihingi nito nang may buong pananampalataya ay ipagkakaloob ng Diyos ang higit pa sa mga hinihiling natin.

Magkaroon man ng panahon upang mamighati, ito’y lilipas din at bibigyang buhay muli ng Panginoon ang mga naiwanan sa kabila ng sakit. Magkaroon man ng taong umaapak sa iyo dahil sa pagpapakumbaba mo, ang Diyos ang magtataas sa iyo. Magkaroon man ng sakuna, na tila said at wala na ang lahat, Diyos mismo ang magpupuno ng kinakailangan mo. At kung sa lahat ay patuloy kang nagtitiwala, nagsisikap na sumunod sa Diyos at nagsusulong sa katotohanan at kapayapaan, kahit kamuhian ka pa ng mundo, nasa iyo ang gantimpala ng Diyos. Ano pa ang mas gaganda kaysa sa presensiya at pagpapala ng Diyos kahit tila hindi maganda ang mga nangyayari sa paligid? Ituon natin ang pansin natin sa Panginoon na tila ba sa Kanya nakadepende lahat ng bagay. At ito naman ang totoo.

Sa Diyos po nakadepende ang lahat ng bagay. May ginagawa tayo oo pero napakaliit nito kumpara sa gawa ng Diyos sa buhay natin. Makita man natin ito ngayon o hindi. Tayo ay mga instrumento lamang ng Diyos subalit ang kontrol ay wala sa atin o kaninuman kahit tila may kapangyarihan sila, subalit sa Diyos na nasa kaitaasan. Sa Kanya tayo patuloy na umasa at manalangin, at wala nang iba.

Pagnilayan natin ito at pakatandaan.

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal na Diyos!

Reflections: Frances Mary Margaret DJ

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?