Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Tunay na Yaman ng Buhay”


Photo Credits: Amicor

 

Marso 21, 2019. Huwebes. Ika-2 Linggo ng Kwaresma.

Salmo 1: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Unang Pagbasa: Jeremias 17:5-10

Sinasabi ni Yahweh, “Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin,

at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.

Ang katulad niya’y halamang tumubo sa disyerto, sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya.

“Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Katulad niya’y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan; ang mga ugat ay patungo sa tubig;

hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito, kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga.

“Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito’y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan.

Akong si Yahweh ang sumisiyasat sa isip at sumasaliksik sa puso ng mga tao. Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay, at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”

Ebanghelyo: Lucas 16:19-31

“May isang mayamang laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman.

At doo’y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham sa langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayaman at inilibing.

Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. Kaya’t sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako’y naghihirap sa apoy na ito.’

Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay maligaya siya rito samantalang ikaw nama’y nagdurusa riyan.

Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya’t ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’

“Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap ko pong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, sa aking limang kapatid na lalaki.

Suguin po ninyo siya upang sila’y bigyang-babala upang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’

Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang sundin.’

Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila’t tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’

Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang sundin ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Pagninilay:

Bakit hindi sapat ang mga salita ng Diyos na ipinararating sa pamamagitan ng mga propeta na ipinadala ng Panginoon? Para sa mga taong nagtitiwala sa sariling kayamanan at kakayanan, mahirap magtiwala sa Diyos.

Mahirap magtiwala sa isang mas Malaki at malawak kaysa sa taong iyon. Dahil siya na ang magaling at wala nang kailangan pa. Kapag ka ganito ay nakakulong na ang ating puso at isip sa mga bagay na lumilipas lamang. Hindi sa iisang dapat naging sandigan – ang Panginoon. Siyang nananatili at hindi nagbabago magpakailanman.
Lahat ng bagay ay lumilipas ngunit ang ating Diyos ay hindi.

Kaya naman ngayon sa ating Ebanghelyo ay ipinapapaalalahanan tayo kung ano ang tunay na mahalaga sa ating buhay. Tayo ay papanaw at lilisan din sa mundo na ito. Subalit ang ating kaluluwa ay babalik sa Panginoon. Babalik ito sa kanya kung tayo ay nanatili sa kanya bilang anak na naglilingkod sa kapwa at nagtitiwala sa kanya.

Tayo kaya sa ating buhay, kanino tayo nagtitiwala? Kanino o saan tayo umaasa? Tandaan natin na ang lahat ng mabubuting bagay ay galing sa Panginoon. Kung tayo’y masagana, mayroon iyong pakay hindi upang pasikatin tayo at magpasasa sa makamundong kayamanan.

Ibinibigay ng Diyos ang mga grasya upang mayroon tayong maipantulong sa ating kapwa – ang ating mga kapatid sa Panginoon. Ngunit kung dito pa lamang, tayo’y bagsak na, paano tayo haharap sa ating Ama sa langit?
Paano natin sasabihin naging anak niya tayo at dapat na magmana ng kanyang kaharian? Kung dito pa lamang sa lupa ay ipinagpapalit na natin ang kayamanang walang hanggan para lang sa mga pagpapasasa sa mga karangyaan dito sa lupa?

Subalit ang ating mga ginagawang sakripisyo ay gagantimpalaan ng Panginoon at ito ang ating magiging tulay sa buhay na walang hanggan. Doon, may ligayang hindi lumilipas.

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret. 

 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.