Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Ugaling Kristiyano”

 

 

 

 

 

Pebrero 9, 2021. Martes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Genesis 1, 20 – 2, 4a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid. Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, at lahat ng uri ng ibon. Minasdan niya ang kanyang ginawa, at siya’y nasiyahan. Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.” Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga iyon ang ikalimang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa – maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayun nga ang nangyari. Nilikha nga niya ang lahat ng ito, at siya’y lubos na nasiyahan nang mamasdan ang mga ito.

Pagkatapos likhain ang lahat ng ito, sinabi ng Diyos, “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya, “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – ito ang ikaanim na araw.

Gayun nilikha ng Diyos ang lupa, ang langit at lahat ng bagay na naroroon. Sa loob ng anim na araw, tinapos niyang likhain ang lahat ng ito, at siya’y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinangi, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa lupa at sa langit.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 4-5. 6-7. 8-9
Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.

MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.

Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:

‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Sinabi pa ni Hesus, “Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamang ninyo ang mga turong minana ninyo! Tulad nito: iniutos ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama’t ina’; at ‘Ang magsalita ng masama sa kanyang ama o ina ay dapat mamatay.’ Ngunit itinuturo ninyo, ‘Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina: Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Korban’, alalaong baga’y inihahain ko ito sa Diyos – hindi na ninyo siya pinahihintulutang tumulong sa kanyang ama o ina. Sa ganitong paara’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga turong minana ninyo. At marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ano ang ibig sabihin ng mapagpaimbabaw? Ito ang pagkakalarawan ni Jesus sa mga Pariseo at eskriba sapagkat mas mahalaga sa kanila ang panlabas kaysa ang panloob. Mas mahalaga sa kanilang makita sila ng mga tao na magaling at mabuti ngunit ang totoo sa kanilang kalooban ay hindi. Mga kapatid, bilang mga Kristiyano, tinatawag tayong maging totoo. Ang pagiging totoo at matapat na Kristiyano ay hindi na kinakailangan pang magpanggap. Hindi naghahangad ng papuri ng iba sapagkat alam nating ang papuri na inaasam natin ay mula sa Diyos sa panahon na tayo ay husgahan.

Natural sa isang tao na asamin ang papuri ng iba. Ngunit tayong mga taga-sunod ni Jesus ay dapat na makuntento na nakatago ang kabutihan. Kusa itong magniningning at malalaman ng iba kung gustuhin ng Panginoon. Kung ito ay sasadyain pa nating makita ng iba upang tayo ay papurihan, dito na nagiging masama. O kaya kung tayo ay masyado nang naging mapagmataas sa sarili at naging mapanghusga na sa iba gaya ng mga Pariseo.

Ang “focus” dapat natin ay hindi ang ibang tao, kung ano makikita sa kanila, kung ano maganda o kung ano kapintasan nila. Ang pagtuunan natin ng pansin ay ang ating sarili kung paano tayo mas magiging mabuti. Kung ano ang mga nagawa nating mali at dapat na baguhin. Ito dapat ang pagtuunan natin ng pansin nang tayo ay maging karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?