Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos”


Photo Credit: homedecorators.me

 

 

Enero 24, 2019. Huwebes. Ika-2 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 40: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo. 

Unang Pagbasa: Hebreo 7:25-8:6

Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

Samakatuwid, si Jesus, kung ganoon, ang Pinakapunong Paring nakakatugon sa ating pangangailangan. Siya’y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan.

Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una’y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao.

Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito’y magpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili.

May mga kahinaan ang mga pinakapunong pari na pinili ayon sa Kautusan ngunit ang Dakilang Pinakapunong Pari na pinili ayon sa panunumpa ay ang Anak na ginawang ganap magpakailanman. At ang ipinangako ng Diyos ay huling dumating kaysa sa Kautusan.

Ito ang buod ng aming sinasabi: tayo ay may Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan.

Siya’y naglilingkod doon sa tunay na Dakong Banal, sa toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.

Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya’t kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog.

Sa lupa ay hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. Ang paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.”

Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya’y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.

Ebanghelyo: Marcos 3:7-12

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila’y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon.

Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa.

Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya.
Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!”

Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.

Pagninilay:

Maraming mga taong lumalapit sa Diyos mula noon ngayon. Likas na sa tao na nilikha ng Diyos ang maghanap ng Diyos at sa panahon ni Cristo, natagpuan ng mga tao ito sa Kanya. Siya ay naging propeta, tapagpagaling, guro at marami pang iba. Sa atin ding buhay, mayroon din ba tayong paghahanap sa Panginoon na nakikita sa ating sarili? Bakit natin hinahanap ang Diyos? Kung hindi naman, anong dahilan?

Noong nabubuhay si Jesus bilang tulad natin at hanggang ngayon sa pamamagitan ng kanyang Simbahan nagdadagsaan ang mga tao. Katulad noong nangyari kay Jesus na kinailangan niyang proktektahan ang sarili dahil sa napakaraming tao. Para sa misyon sa mga tao kaya nagpunta ang Panginoon at nagkatawang tao para makasama nating lahat. Ang misyon Niya ay ang pagalingin tayo at pangaralan upang maging handa tayong gumawa ng mabubuting desisyon sa buhay.

Kaya naman sa bawat isa sa atin ang pagsunod nating lahat sa Panginoon ay isang tanda ng ating “uhaw at gutom” sa Panginoon. Naghihintay ang karamihan ng himala mula sa Diyos subalit ang totoo’y sa araw-araw ay matatagpuan natin ito ngayon pa lamang kung tayo’y mas magiging mapanuri sa mga bagay sa ating buhay. Ikaw ba ay hindi nagkakasakit? O nagkasakit ka ba ngunit nakatagpo ng lunas? Marahil ang karunugan ng doktor at ang mga gamot din ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging instrumento nila ng Diyos. Subalit sa Diyos galing ang lahat ng bagay na mabuti na natatanggap natin. Siya ang tumutugon at dumirinig ng ating mga panalangin. Kailangan lamang natin maghintay.

Ang Sakripisyo ng Diyos na ginugunita natin sa Misa ay sapat na para sa ating lahat. Ito ang patunay ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa atin. Magtiwala tayo sa Diyos anuman ang ating kaharapin. Kung ang Kanyang sariling dugo at buhay ay naialay para sa lahat, paano pa kaya ang iyong hinihiling na isang maliit na bagay kumpara sa lahat ng naggawa ng Diyos sa sanlibutan at para sa ating lahat?

Pasalamatan natin siya at nawa’y humingi tayo ng gabay upang sundan ang kanyang mga yapak. Saan man tayo dalhin ng hinaharap nang hindi natin alam, ang mahalaga ay sigurado tayong kasama natin ang Panginoon saan man, kailanman at anu pa man ang mangyari sa tin.

Walang makapaghihiwalay sa atin sa kanya. Ito ang totoo at sigurado sa mundo.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.