Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF Religion

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Buhay ng Pagsunod kay Jesus”

Hunyo 29, 2021. Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.

Solemnity of Saints Peter and Paul, Apostles (Red).
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 12, 1-11
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng simbahan. Pinapugutan niya si Santiagong kapatid ni Juan. Nang makita niyang ito’y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. Pagkadakip kay Pedro, ito’y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng pista, kaya’y nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, siya’y taimtim na ipinananalangin ng simbahan.

Gabi noon. Si Pedro’y natutulog sa pagitan ng dalawang kawal. Gapos siya ng dalawang tanikala at may mga tanod pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Siya’y nakatakdang iharap ni Herodes sa bayan kinabukasan. Walang anu-ano’y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon, at nagliwanag na mabuti sa silid-piitan. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro at ginising. “Bumangon ka, dali!” wika ng anghel. Pagdaka’y nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. “Magbikis ka’t magsuot ng panyapak,” sabi ng anghel. Gayun nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka’t sumunod sa akin.” Lumabas naman si Pedro at sumunod sa kanya, ngunit hindi niya alam kung tunay ang nangyayari. Ang akala niya’y nananaginip lamang siya.

Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay; nakarating sila sa pintuang bakal na labasan patungo sa lungsod. Ito’y kusang nabuksan, at lumabas sila. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.
Naliwanagan ni Pedro ang nangyari kaya’t sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo palang lahat! Sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyayari sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-
Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 6-8. 17-18
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.
Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita; naligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Dakilang Kapistahan po ni San Pedro at Pablo! Ang dalawang apostol na ito ay haligi ng Simbahan. Si San Pedro ang kauna-unahang Santo Papa na naging pundasyon ng Simbahan kasama ng iba pang apostol. Si San Pablo naman ang naging misyonero, nagpakalat ng Mabuting Balita sa iba’t ibang pook at nagtayo ng iba’t ibang mga komunidad ng Simbahan noon na naging malaking bahagi ng paglago ng ating Simbahan hanggang ngayon. Ito rin ang matututunan natin sa kanila. Ang ating misyon na panatilihin ang katuruan at katotohanan ng ating Simbahan, gaya ni San Pedro, at ang ipahayag ito sa iba’t ibang tao gaya ni San Pablo.

Sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, tayo ay makakapagpahayag ng Mabuting Balita. Lahat ito ay magsisimula sa pagkakakilala natin kay Jesu Cristo, kung talagang naniniwala tayong Siya ang Anak ng Diyos na namatay para sa atin at Siya rin namang nabuhay para sa kaligtasan ng lahat, buong tapang din natin itong ipahayag gaya ng mga apostol na pundasyon ng ating Simbahan na itinatag ni Cristo. Ibinuhos nila ang lahat hanggang kamatayan kahit na mayroon din silang kahinaan. Umasa sila sa Diyos, nagpursigi sa kabanalan at nanatili hanggang huli. Tayo kaya, ano ang maiaalay natin para sa Panginoon?

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.
Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?