Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: ‘Bukas na Puso at Isip”

 

 

 

 

Marso 16, 2024. Sabado sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.

MABUTING BALITA
Juan 7, 40-53
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga nakarinig kay Hesus ang nagsabi, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Ito nga ang Mesias!” sabi ng iba. Ngunit sumagot naman ang iba pa, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Mesias? Hindi ba sinabi ng Kasulatan na magmumula ang Mesias sa lipi ni David, at sa Betlehem na bayan ni David ipanganganak?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Ibig ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas humuli sa kanya.

Ang mga kawal na bantay sa templo ay nagbalik sa mga punong saserdote at sa mga Pariseo. “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” tanong nila sa mga bantay. Sumagot sila, “Wala pa pong nagsalita nang gaya niya!” “Kayo man ba’y nalinlang din?” Tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniwala sa kanya? Wala! Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya – mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, na nagsadya kay Hesus noong una.

Tinanong niya sila, “Labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa, hindi ba?” Sumagot sila, “Ikaw ba’y taga-Galilea rin? Magsaliksik ka’t makikita mo na walang propetang magmumula sa Galilea.”
At umuwi na ang bawat isa.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Ang mga tao’y hindi naniniwala kay Hesus at malapit na Siyang patayin. Isang linggo na lamang at papasok na tayo sa Semana Santa o Holy Week. Handa na ba tayo? Unang unang dapat ihanda ay ang pusong malinis. Magagawa lamang ito ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal.

Suriin natin ang sarili at tingnan ang ating kasalanan sa Diyos at sa kapwa. Humingi tayo ng tulong mula sa Espiritu Santo upang makita kung saan tayo nagkulang sa Panginoon at sa ibang tao. Mahirap makita ang sariling kasalanan kung tayo’y mapagmataas at makasarili. Tanging grasya lamang ng Diyos ang makakatulong sa atin sa ganitong paraan.

Tulad na lamang ng mga Pariseo na ang tigas ng puso. Hindi nila makitang mali sila sapagkat wala silang pinaniniwalaan kundi ang sarili. Mali sila sapagkat hindi lang basta taga-Galilea si Hesus. Siya’y ipinanganak sa Bethlehem, isang patunay na Siya’y mula sa lipi ng Haring David at ito’y nakasaad sa propesiya. Hindi na ito nalaman pa ng mga tumutuligsa sa Kanya sapagkat ayaw na nilang makinig. Hindi na sila nalinawan pa dahil pinanghawakan na ang sariling alam na mali. Sarado na ang kanilang puso at isip.

Maraming tao sa ngayon na nawalan na rin ng kamalayan sa kasalanan. Sarado na rin ang isip at puso nila. Huwag sana tayong mapabilang sa mga ito. Hindi na alam ang kasalanan sa hindi. Isang dahilan ay dahil sobra na itong talamak sa mundo subalit hindi mundo ang basehan kundi ang turo ng Diyos na nasa Simbahang Katolika. Dapat natin itong patuloy na aralin at hindi ituon ang bagay sa mundo na walang kahihinatnan gaya ng mga hindi natatapos na uso, palabas at buhay ng mga artista. Masaya nga saglit, pero para saan? Nawa’y malaman natin paano isentro ang buhay sa pinakamahalaga – iyong tunay na magpupuno sa atin at para sa Diyos.

Dapat maging mas wais tayo upang hindi tayo maging tulad ng mga Pariseo na akala tama sila, iyon pala ay mali. Matapos ay naging dahilan ito para hindi nila matanggap si Hesus at ang kaligtasang alay Niya. Ngunit tayo’y makatatanggap kung tayo’y nagpapakababa.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Bukas po ay araw ng Linggo. Magsimba po tayo dahil ito po ay ating obligasyon.

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?