Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Diyos na Mahabagin”

 

 

 

 

 

 

Marso 29, 2021. Lunes Santo.
Monday of Holy Week (Violet).

UNANG PAGBASA
Isaias 42, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

“Ito ang lingkod ko na aking itataas,
na aking pinili at kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya
ang aking Espiritu,
at sa mga bansa ay
Siya ang magpapairal ng katarungan.
Mahinahon at banayad kung siya’y magsalita,
ni hindi magtataas ng kanyang tinig.
Ang marupok na tambo’y hindi babaliin,
ilaw na aandap-andap di n’ya papatayin,
at ang katarungan ang paiiralin.
Di siya mawawalan ng pag-asa
ni masisiraan ng loob,
paghahariin niya ang katarungan sa daigdig,
ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik
na maghihintay sa kanyang mga tupa.

Ang Diyos ang lumikha’t nagladlad ng kalangitan,
lumikha ng lupa
at nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
at ngayon ang Panginoong Diyos
ay nagsabi sa kanyang lingkod,
“Akong Panginoon, tumawag sa iyo,
binigyan kita ng kapangyarihan
upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako
ng pakikipagtipan sa lahat ng tao
at magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.

MABUTING BALITA
Juan 12, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Anim na araw bago mag-Paskuwa, si Hesus ay dumating sa Betania, sa bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Ipinaghanda siya roon ng hapunan; naglingkod si Marta, at si Lazaro’y isa sa mga kasalo ni Hesus. Kumuha si Maria ng mamahaling pabango, isang libra ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang pabango. Si Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo kay Hesus, ay nagsabi, “Bakit hindi ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang denaryo ang halaga niyan.” Hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha kaya niya sinabi iyon, kundi dahil sa siya’y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi at kinukupit niya ito. Sumagot si Hesus, “Ano’t siya’y ginugulo ninyo? Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon.”

Nabalitaan ng maraming Judio na si Hesus ay nasa Betania kaya’t pumaroon sila, hindi lamang dahil sa kanya, kundi para makita si Lazaro na kanyang muling binuhay. Kaya’t binalak ng mga punong saserdote na ipapatay rin si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at nananalig kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes na Santo po sa ating lahat! Ituon muna natin ang pansin kay Maria ng Betania na ibinuhos nang walang pasubali, o hangganan ang pag-ibig kay Jesus. Kahanga-hanga ang kanyang ginawa sapagkat ganito ang tunay na nagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Hindi nagbibilang. Hindi iniintindi ang sarili. Hindi iniaangat ang sarili base sa naggawa o ibinigay subalit nagmamahal lang. Iniisip lang ang minamahal at sa Kanya lang nakatingin at naka-“focus” ang pagkatao. Paano naman tayo? Saan o kanino ba ang “focus” natin ngayon? Si Jesus ay malapit nang mamatay sa Krus dahil sa lubos na pag-ibig para sa iyo at para sa akin. Higit sa sinumang taong nabuhay sa mundo, Siya ang may pinaka-karapatan sa iyong oras, lakas, atensyon, pagmamahal at panahon, sapagkat ibinuhos din Niya ang lahat para sa iyo at para sa akin.

Ikalawa, patungkol doon sa kumokontra katulad ni Judas, matututo naman tayo kung paanong “hindi magmahal”. Laging nagbibilang ang taong hindi nagmamahal. Makasarili at walang pakialam sa paghihirap ng taong nasa harapan niya. Ganoon nga siya. Wala siyang pakialam sa Kayamanang kanyang nasa harapan, walang iba kung hindi si Jesus. Hindi mapapantayan ang kahalagahan at importansya ng Panginoon. Subalit para kay Judas ay mas importante ang pera at ang ibang bagay. Saan tayo rito? Ngunit kahit pa ganoon, huwag tayong mahiyang aminin ang ating sala kay Jesus kung mas pinipili natin ang ibang tao at ibang bagay kaysa Kanya. Sapagkat wagas ang Kanyang pasensiya at bukas palad Niya tayong sasalubunging muli kung gugustuhin nating bumalik sa Kanya. Tumalikod tayo sa ating mga maling gawa at lubusang salubungin ang yakap ni Jesus mula sa Krus para sa ating lahat na mga makasalanan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?