Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Gantimpala ng Diyos”

Hunyo 13, 2021. Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Eleventh Sunday in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Ezekiel 17, 22-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito nga ang ipinasasabi ng Panginoon, “Kukuha ako ng isang usbong ng sedro at aking iaayos. Ang kukunin ko’y yaong pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedro. Sa gayun, lahat ng uri ng hayop ay makapaninirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama’y makapamumugad sa mga sanga nito. Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na mapabababa ko ang mataas na kahoy at maitataas ko yaong mababa; na matutuyo ko ang sariwang kahoy at mapananariwa ko yaong tuyong punongkahoy. Akong Panginoon ang nagsasabi nito at ito’y gagawin ko.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 91, 2-3. 13-14. 15-16
Totoong kalugud-lugod
ang magpasalamat sa D’yos.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 6-10
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, laging malakas ang aking loob. Alam ko na habang tayo’y nasa tahanang ito, ang ating katawan, hindi mapapasaatin ang tahanang galing sa Panginoon. Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay, na nakikita. Malakas nga ang loob kong iwan ang katawang ito na aking tinatahanan upang manirahan sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit. Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Kristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya’y nabubuhay pa sa daigdig na ito.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 4, 26-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.
“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi.

Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”
Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Tayo ba ay nagtitiwala lamang sa Diyos kung may ebidensiya? O nagtitiwala tayo sa kabila ng walang kasiguraduhan? Paano pa magkakaroon ng tiwala kung may patunay na pala? Hindi ba’t kaya nga tayo naniniwala ay dahil wala pang nakikita? At kailangan nating pananalig upang makatawid sa gusto nating puntahan, doon sa pangako ng Diyos para sa atin. Ganito rin sa lahat ng gawain natin na iniaalay sa Panginoon, trabaho, pamilya, at mabubuting gawa basta para sa Diyos.

Hindi mo agad makikita ang bunga. Baka hindi ka pa nga mapasalamatan. Ngunit ang Diyos ay nakikita ang bawat gawa natin. Siya ang nagdedesisyon kung kailan patutubuin at pasisibulin ang halaman sa ating buhay. Ang Kanyang Salita naman ang butil na itinatanim sa ating puso. Kung susundin natin ang Kanyang sinasabi at utos, magiging malago ang bunga natin. Yayabong ito hanggang sa maging pinakamalaki. Kahit pa dumaan sa pinakamasalimuot, pinakamadilim at pinakamasukal na daan.

Ang sinumang nag-aalay sa Diyos ng buhay at ginagawa ang tama alang-alang sa pagsunod sa Diyos ay makakasumpong ng gantimpala at mabubuting bunga dito sa lupa. Ito rin ang magiging tulay natin papunta sa langit. Kaya nga kailangan natin ng matibay na paniniwala sa Diyos na May Gawa ng langit at lupa. Yung nagtatagal at nananatili kahit na kabaliktaran na ng kagustuhan natin ang nangyayari. Doon tayo mas nasusubok. Doon tayo mas nahuhubog upang mas maging malakas.

Hindi sa komportable at walang problema na buhay kung hindi doon sa buhay ng pagsunod sa Diyos. Bagamat puno ito ng hirap at paghihintay, ito lamang ang nagtatagal at pinakamay katuturan sa bandang huli. Sapagkat sa Diyos galing ang lahat ng mabubuti at magagandang bagay. Gawin natin ang ating makakaya na mabuti at tama, sumunod tayo sa Kanya hanggang huli. Tiyak makakasumpong tayo ng biyaya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.
Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?