Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Grasya ng Pagpapatawad”

 

 

 

 

 

 

 

 

Setyembre 9, 2021. Huwebes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita kay Pedro Claver, pari.

UNANG PAGBASA
Colosas 3, 12-17
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi.

Ang mga salita ni Kriso ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at ang mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 150, 1-2. 3-4. 5-6
Kayong lahat na may buhay,
papurihan ang Maykapal.

MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.

“Kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin?

Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”

“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Pedro Claver! Isang banal na pari at lingkod ng Diyos at ng tao. Pinili niya maging alipin ng mga alipin noong kanyang panahon. Ngayon naman siya ay hinihirang bilang isa sa mga banal. Paano nga ba maging banal? Hindi ba’t ang pagiging banal ay hindi pagbabait-baitan at pagpapakitang tao ng pagdarasal? Unang una, totoong kailangan ng dasal. Dito nagmumula ang lahat ng grasya, ito ang pakikipag-usap natin sa Diyos. Ito rin ang dapat na magtutulak sa atin upang gumawa ng mabuti at upang tayo’y makasunod sa Panginoon. Gaya ngayon, sinasabi Niyang mahalin natin ang ating mga kaaway. Mahirap ba o madali? Mahirap, hindi po ba?

Ngunit kung tayo ay mananalangin lagi, at magtitiwala sa Diyos, makakayanan natin sumunod sa pamamagitan ng Kanyang tulong at grasya. Makakayanan nating tunay na magpatawad. Mahirap itong gawin. Mahirap magpatawad. Kailangan din ng oras at panahon. Subalit kahit paunti-unti ay makakaya natin kung tayo ay susunod sa Panginoon at tatalima sa Kanya.
Hindi naman ibig sabihin nito babatiin na agad ang kaaway na parang walang nangyari. “Reconciliation” o pakikipagkasundo na po ang tawag doon. Ang pagpapatawad ay pagpaparaya sa nagawang kasalanan ng tao. Ibig sabihin hindi na natin siya sisingilin sa “utang” na ito.

Kasi madalas ang ating natural, ay sinisingil natin ang tao na ito sa pamamagitan ng poot at pighati sa kanya. Gusto nating maging miserable rin sila kaya kinamumuhian natin sa ating puso. Subalit ang pagpapatawad ay tatanggalin ang kapaitan na ito. Matatanggap natin ang kanilang nagawang masama at mali, at hahayaan nating hilumin ng Diyos ang ating sugat. Siya ang magbabayad para sa nagawa ng ibang tao para sa atin.
Kaya kahit mukhang mahirap ay posible pa rin ito. Ang utos ng Diyos ay hindi para pahirapan tayo subalit para sa ating ikabubuti. Kaya naman, mga kapatid, magtiwala tayo sa Kanya at sumunod ng buong puso sa Kanyang Salita.

Buksan natin ang ating puso sa Kanya at sa pagpapatawad gaano man tayo nasaktan. Huwag nating isara ito. Malalaman nating bukas tayo sa pagpapatawad kung gusto natin at hanggang sa nagagawa nating ipanalangin ang ating mga kaaway na sila ay mapabuti at mapalapit pa sa Diyos. Humingi tayo ng tulong ng Diyos at manalangin sa Kanya nang tayo’y magkaroon ng pusong mapagpatawad gaya Niya na laging nagpapatawad sa atin anuman ang ating nagawang kasalanan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?