Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA at PAGNINILAY: “Kaligayan sa Langit”

 

 

 

 

 

 

 

 

Setyembre 12, 2021. Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
Twenty-fourth Sunday in Ordinary Time (Green)

Cathechist’s Day.

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 5-9a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Binigyan ako ng pang-unawa ng Panginoon,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kaniya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.

Handa akong magtiis
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Diyos ay malapit
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang maghabla sa akin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang bintang.
Ang Poon mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 1-2. 3-4. 5-6. 8-9
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
o kaya: Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
Santiago 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya? Halimbawa: ang isang kapatid ay walang maisuot at walang makain. Kung sabihin ng isa sa inyo, “Patnubayan ka nawa ng Diyos. Magbihis ka’t magpakabusog,” ngunit hindi naman siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang maidudulot sa kanya iyon? Gayun din naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

Ngunit may nagsabi, “May pananampalataya ka at may gawa ako.” Sagot ko naman, “Ipakita mo sa aking ang iyong pananampalatayang walang kalakip na gawa, at ipakikita ko naman sa iyo sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.”
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 8, 27-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako? tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pero. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Lahat tayo ay may kanya-kanyang krus sa buhay. Hindi ito mawawala. Kaya nga nandito si Jesus na bumaba para sa atin upang ipakita sa atin ang tamang daan. Ito ang pagbuhat ng Krus sa araw-araw kasama ng Diyos. Hindi Niya ito tinakasan. Hinarap Niyang lahat mismo ang lahat ng paghihirap ng mundo para maging ehemplo nating lahat. Para na rin sa kaligtasan nating lahat na lubos Niyang minamahal.

Kaya nga, hindi ito naintindihan ng mga disipulo Niya agad-agad. Tayo rin ay hindi agad ito naiintindihan. Minsan o madalas ay pinipilit nating hanapin ang kasiyahan na magtatagal dito sa mundo. Siyang puro pagkadismaya at mas malubhang kalungkutan lamang ang hatid. Sapagkat ito ang kaligayahang ‘di natatapos ay sa langit lamang natin matatagpuan. Kung ang lahat ng kasiyahan sa mundo ay hindi mawawala, hindi na tayo maghahangad pa ng langit. Subalit hindi mundo ang ating permanenteng tahanan. Kung alam nating ang lahat ng kasiyahan sa mundo ay hindi permanente, mas maitutuon natin ang pansin upang makamit ang buhay na walang hanggan.

Paano nga ba makakamit ito? Basta na lamang ba ito darating sa atin? Kailangang buhatin natin ang ating Krus upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gampanan natin nang mabuti ang mga tungkulin sa buhay. Tumulong sa kapwa na hindi tayo matutulungan pabalik kahit pa hindi mapasalamatan. Magpatawad sa mga nakasakit sa atin. Gawin natin ang mga ito sa araw-araw ng ating buhay. Sumunod sa Salita ng Diyos at magmahal. Lahat ng ito ay may kaakibat na Krus o sakripisyo sa buhay. Lahat ng mabuti ay maiaalay natin sa Panginoon. Kung bubuhatin natin ito, kakalimutan ang sarili at iaalay ang lahat sa Panginoon at sa kung ano ang gusto Niyang ipagawa sa atin, tayo ay magkakamit ng buhay na walang hanggan – ang kaligayahang hindi mauubos o matatapos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?