Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Lakas ng Diyos”

 

 

 

Mayo 20, 2021. Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Thursday of the Seventh Week of Easter (White)
or mass of St. Bernardine of Siena, Priest (White).

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, ibig matiyak ng pinuno kung ano nga ang sakdal ng mga Judio laban kay Pablo, kaya’t pinagpulong niya kinabukasan ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin, saka kinalagan si Pablo, ipinanaog at iniharap sa kanila.
Alam ni Pablo na doo’y may mga Saduseo at Pariseo, kaya’t sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako’y Pariseo, anak ng mga Pariseo. Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay ako’y nililitis ngayon.” Matapos itong sabihin ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan.

Sapagkat ang sabi ng mga Saduseo, hindi muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu, subalit ang mga Pariseo nama’y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskribang kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol. “Wala kaming makitang pagkakasala ng taong ito. Ano kung may isang espiritu o isang anghel na nagsalita sa kanya?”
At nang maging mainitan na ang kanilang pagtatalo, natakot ang pinuno na baka lurayin nila si Pablo, kaya’t pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok sa kuta.
Kinagabihan, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gawin mo sa Roma.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
o kaya: Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 17, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, tumingala si Hesus at nanalangin, “Amang banal, hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin. Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayun, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.”

“Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama’y sumakanila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Malapit na nga ang Linggo ng Pentekostes dahil sa darating na linggo na ito. Ipinapanalangin tayo ni Jesus na maging iisa. Paano? Mangyayari ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan Niya, tayong lahat ay nagiging Anak ng Diyos. Sa pamamagitan din Niya, nagiging Katawan at Dugo ni Jesu Cristo ang tinapay na ating tinatanggap sa Banal na Eukaristiya. Tayong lahat ay bahagi ng katawan ni Jesus. Hindi na tayo alipin kung hindi kaisa ng Diyos at mga anak Niya. Kaya naman, paano mo mas madarama ang pagiging isa nito kasama ng Diyos?

Manalangin, magnilay, sumunod sa Salita, gumawa ng mabuti, mag-isip ng mabuti, magsalita ng mabuti at magpatawad. Kaya minsan ang hirap madama ng pagiging isa natin sa Diyos sapagkat gusto natin ng ating sariling daan. May katigasan ang ating ulo sa kagustuhang sundin ang sariling gusto kahit alam ang tama at bilin ng Mapagmahal na Diyos sa atin. Subalit sa pamamagitan ng paghingi ng ating tawad sa kumpisal, sa mga Sakramento gaya ng Banal na Eukaristiya at mga panalangin, ay magkakaroon tayo ng lakas upang mas maging kaisa ni Jesus sa lahat ng bagay kahit napakarami nating kahinaan. Magtiwala tayo sa Kanya hindi sa ating sariling kakayanan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?