
Marso 14, 2024. Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.
MABUTING BALITA
Juan 5, 31-47
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, huwag ninyong tanggapin, ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag.
Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya. At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma’y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, at nakita ang kanyang anyo. Walang pitak sa inyong puso ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo nananalig sa akin na sinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan, sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan.
Ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin, ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo’y magkaroon ng buhay.
“Hindi ako naghahangad ng parangal ng mga tao. Ngunit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya’y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo’y ang parangal ng isa’t isa, at hindi ang parangal na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayong makapaniniwala?
Huwag ninyong isiping ako ang magsasakdal sa Ama laban sa inyo; si Moises na inaasahan ninyo ang siyang maghaharap ng sakdal laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, ako’y paniniwalaan din sana ninyo, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Minsan ang tao’y kailangan pa ng maraming patunay para maniwala sa Diyos ngunit hindi ito totoong pananalig. Kapag hindi natin nakikita ang bagay at kapag walang kasiguraduhan, dito natin maipapahayag ang tunay nating pananampalataya.
Wala na tayong paniniwalaan pa kung nariyan na. Kaya nga, sa panahong ito ng Kuwaresma, mahalaga ring mapagtibay natin ang tiwala natin sa Diyos na sinusubok sa dilim – kung saan may problema, may nawala at may panalanging hindi pa ibinibigay.
Ang Diyos ay Pag-ibig at Awa. Huwag sana tayong maging mga taong walang pag-ibig sa Diyos gaya ng sinabi ni Hesus sa ebanghelyo. Sino ang mga taong ito? Sila ang mga taong ang tingin sa Diyos ay tagapagbigay lang ng kung anong kailangan at walang tunay na relasyon sa Kanya. Sila ang mga taong lumalapit lang kapag may kailangan o yung mga taong sinasamahan si Hesus at aktibo sa Simbahan kung may okasyon at masaya gaya ng Pasko pero kapag ordinaryong araw ay naglalaho na.
Hindi na nila ginagawa ang natatanging obligasyong magsimba tuwing Linggo at nakakalimot na ring makipag-usap sa minamahal – ang Diyos. Maging kabaliktaran nawa tayo nito at sikapin nating buksan ang buhay at puso sa grasya ng Diyos para panibaguhin tayo sa paraang gusto Niya at makabubuti sa atin.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

