Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Maria, Ating Mapagmahal na Ina”

Hunyo 12, 2021. Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Memorial of the Immaculate Heart of Mary (White).

UNANG PAGBASA
2 Corinto 5, 14-21
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, sapagkat ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayun ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito.

Sa pamamagitan ni Kristo, ibinilang niya akong kaibigan – di na kaaway – at hinirang niya ako upang panumbalikin sa kanya ang mga tao. Ang ibig kong sabihin, ang tao’y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito.
Kaya’t ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

*MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin.

At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang Mapagpalang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria! Matapos ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Jesus, ito naman ang ating ginugunita ngayon. Sapagkat ang kalinis-linisang puso ni Maria ay pinakamainam na tularan matapos ng Puso ng ating Panginoong Jesus. Ito ay walang kasing linis, walang bahid ng dumi o kasalanan. Bagamat hindi maitatanggi na lahat tayo ay makasalanan at hindi tulad ni Jesus at Maria na walang mga sala, posible pa ring maging malinis at dalisay ang mga puso natin gaya ng kay Jesus at Maria.

Una, sa pamamagitan ng pananalangin sa lahat ng oras. Hindi lamang sa mahirap o masayang panahon, kung hindi kahit ano pa ang nangyayari at kahit wala ay dumulog tayo sa Diyos. Ikalawa, ang pagninilay sa lahat ng bagay gaya ng ginagawa ni Maria. Hindi siya tulala lang o basta tahimik lamang sa mga nangyayari sa kanyang buhay kasama ni Jesus. Alam niyang kumikilos ang Diyos at pinagninilayan niya ang lahat ng mga bagay upang makita kung paano kumikilos ang Diyos sa kanyang buhay. Iniisip niya kung ano ang mensahe at ibig sabihin ng Diyos sa mga pangyayari sa kanyang buhay kung saan nasa sentro si Jesus. Sa kanyang kalooban ay nangungusap siya sa Diyos sa kanyang puso. Hinihingi niya ang karunungan ng Diyos upang makita nang may liwanag ng Diyos ang lahat ng bagay.

Ikatlo, may buong pananampalataya at pag-asa siya sa Diyos sa araw-araw ng kanyang buhay. Kay Maria ang pinakapurong pag-ibig na maiaalay kay Jesus. Sapagkat siya ang unang nagmahal sa Diyos kasama ni San Jose noong mga panahong nagkatawang-Tao Siya at naging parang isa sa atin. Lubusang minahal ni Maria si Jesus simula pa noong una, bagamat pinili ng Diyos na maging simple at isang mahirap na taong walang kayamanan sa mundo. Naniwala siya. Pinatunayan ang katatagan ni Maria hanggang sa Krus at kamatayan ni Jesus. Hindi nagbago ang kanyang pag-ibig. Napakalinis ng kanyang puso at walang ibang hangad kung hindi ang magmamahal at magbigay ng sarili. Tayo kaya, anong uri ng puso mayroon tayo? Kaya naman mga kapatid, sa pagkukumpara ng ating sarili kay Maria sa pagmamahal kay Jesus, magsisi tayo sa kasalanan at mangumpisal. Sikapin nating gawin ang tama nang makamit natin ang kayamanang hindi nauubos dito sa lupa hanggang sa langit.

Sa lahat ng ito, hingiin natin ang tulong at gabay ng ating Mahal na Inang si Maria. Mag-debosyon tayo sa kanya, at kausapin siya sa pagdarasal bilang ating ina. Mag-rosaryo tayo sapagkat siya ay buhay at naroroon siya kasama ni Jesus na kanyang Anak sa langit. Tayo rin ay mga anak niya na inaabangan niyang lumapit sa kanya upang magpatulong sa daan papunta kay Jesus. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?