Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Maria, Huwaran sa Pananampalataya”

 

 

 

 

 

 

 

Mayo 31, 2021. Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of the Visitation of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
Sofonias 3, 14-18
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias

Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion;
Sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon,
at itinapon niya ang inyong mga kaaway,
nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem:

“Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoon na iyong Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;

at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista.”
Ang Salita ng Diyos.

o kaya:

Roma 12, 9-16b
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti. Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa inyong pag-asa. Magtiyaga kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin.

Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid. Ibukas ninyong lagi ang inyong pinto sa mga taga-ibang lugar.
Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo – idalanging pagpalain at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng loobin. Huwag kayong magmataas, kundi makisama sa mga aba.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

Kapiling n’yo ang butihing
Poong Banal ng Israel.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”

At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!

Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
At itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.

Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria kay Elisabet! Sa Ingles, ito ay tinatawag na Feast of the Visitation of the Blessed Virgin Mary. Matatandaang dumalaw si Maria kay Elisabet matapos ang pag-anunsyo ni Anghel Gabriel na si Maria ay magiging Ina ng Diyos. Bagamat ganito na nga, siya pa ang ginustong maglingkod kay Elisabet habang ipinagbubuntis nito si San Juan Bautista. Ganito kababa ang loob ng ating Inang si Maria kaya siya rin ang pinakakarapatdapat na maging Reyna ng Langit at Lupa, sa tabi ni Jesus dahil sa kanyang kababaang loob.

Kung gusto rin natin ng luwalhati na nagtatagal hindi lamang dito sa lupa kung hindi sa buhay na walang hanggan, matuto rin tayo maglingkod at magpakababa sa Diyos at sa tao.
Alam ng ating inang si Maria na ang mabababa ang loob ang siyang iniaangat ng Diyos. Habang ang mga nagmamalaki, ay Kanyang ibinababa. Ito’y upang malaman ng lahat na ang Diyos ay Diyos. Siya ang pinanggagalingan ng lahat ng bagay at walang sinumang maaring magmalaki sa Kanya. Habang inaamin natin ang ating mga kahinaan sa Diyos, ito ay ating nagiging lakas sapagkat kinakaawaan Niya tayo at binibigyan ng Kanyang lakas na hindi nauubos.

Sa bawat pagsubok o hamon ng buhay, hindi tayo magagapi kung dedepende tayo sa Diyos at hindi sa ating mga sarili. Gayahin natin si Maria na ating ina na siyang lubos na nagtiwala sa Diyos kahit mahirap. Humingi tayo ng kanyang panalangin upang matularan siya sa pagsunod kay Jesus, sa pagsisilbi sa Diyos at sa kapwa, buhat sa pusong purong nagmamahal gaya ng kay Maria. Amen. +

Maria, aming ina, ipanalangin mo kami at ipakita sa amin ang daan
patungo kay Jesus. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?