Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagbabago ng Mundo”

 

 

 

 

Setyembre 5, 2021. Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Isaias 35, 4-7a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
lakasan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa gubat ay bubukal ang tubig
at ang mga batis dadaloy sa ilang;
ang umuusok na buhanginan ay
magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.

IKALAWANG PAGBASA
Santiago 2, 1-5
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mga kapatid, bilang sumasampalataya sa ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao. Halimbawa: pumasok sa inyong kapulungan ang isang lalaking nakasingsing ng ginto at nakadamit nang magara, at isa namang dukha na panay sulsi ang damit.

Kung asikasuhin ninyong mabuti yaong magara ang damit at sabihin sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sabihin naman sa dukha, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y, “Sa sahig ka na lang maupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Tingnan ninyo, mga kapatid kong minamahal! Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 7, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pagbabalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito.

Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Kayang pagalingin ng Diyos ang lahat ng karamdaman. Nakakamangha na ang isang pipi at bingi ay nakarinig na at nakapagsalita na sa kapangyarihan ni Jesus. Hindi ba natin naisip na tayo rin ay kailangang pagalingin ng Diyos? Hindi lamang dahil sa COVID na patuloy pa ring sumasalanta sa mundo. Kung hindi sa sakit ng kaluluwa – ang ating mga kasalanan. Ang mga kasalanan ay tinatanggalan tayo pagmamahal ng Diyos at kapwa. Ito ang pinakakailangang maghilom sa atin sapagkat ginagawa tayong pipi at bingi ng kasalanang ito.

Akala natin ang pisikal lamang ang pagkapipi at bingi subalit tayo rin nagiging ganito lalo sa mundo ngayon na laging abala sa ibang bagay maliban sa Diyos.
Paano tayo nagiging pipi at bingi dahil sa kasalanan? Una, hindi na tayo makapagsalita ngayon ng katotohanan. Napipi na tayo sa pagtanggol sa mga api at sa mga katotohanang itinuturo ng Diyos sa pamamagitan ng simbahan. Paano ba naman kasi tayo makakapagsalita, kung hindi natin inaalam ang totoo? O baka naman minsan puro na salita ngunit wala nang saysay dahil sa mga fake news na nagkalat sa internet na pinaniniwalaan natin. Nalilito na tayo sa totoo, hindi na makapagsalita ng totoo o kung magsasalita ay tila wala nang laman.

Ikalawa, dahil sa pagiging bingi na nagdudulot ng pagkalito natin ay hindi na natin ngayon malaman kung alin ang tunay talaga na mabuti at tama. Nagiging bingi na rin ang marami sa paghihirap ng kapwa natin. Kung tayo’y nagiging makasarili, sarili na lamang din ang ating naririnig.

Kaya naman, ang kahirapan sa mundo ay hindi kagustuhan ng Diyos. Dahil itong lahat sa mga taong nagiging pipi at bingi ng kasalanan lalo ang mga lider ng bansa na nagiging ganito na. Sapagkat isang aksyon nila gaano man kaliit ay napakalaki ng epekto sa populasyon ng bansa. Mas dapat tayong manalangin sa Diyos, gaya ng panalangin ni Jesus “mabuksan!”. Mabuksan nawa ang puso at isip ng marami sa katotohanan ng Diyos. Alamin natin ang katotohanan mula sa Diyos, kung ano ang tinuturo ng Simbahan.

Tiyak hindi tayo maliligaw o malilito. Huwag na kung saan saan tumingin. Higit sa lahat, humingi ng gabay ng Diyos sa bawat bagay sa ating buhay at sa bawat iniisip. Mabuksan nawa sa liwanag kung ano ang ating tamang gawin at ng mga lider sa ating bansa.

Mabuksan nawa ang mga puso, isip, tainga at kaluluwa ng lahat ng tao para makita ang kahirapan ng kapwa. Nang sa gayo’y patuloy tayong magtulungan at mas gumanda at bumuti pa ang mundo. Lahat ito’y sa ating pananalangin, sa tulong at awa ng Diyos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?