Mayo 16, 2021. Paggunita kay San Isidro Labrador.
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.
Memorial of Saint Isidore the Farmer Labrador (White).
Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 23-28
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Matapos tumigil sa Antioquia nang kaunting panahon, si Pablo’y muling naglakbay. Ginaygay niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad.
Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos na ipinangangak sa Alejandria. Mahusay siyang magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Hesus, ngunit ang binyag na nalalaman niya ay ang binyag ni Juan. Siya’y walang takot na nagsalita sa sinagoga ng mga Judio.
Narinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, kaya’t isinama nila ito sa bahay nila at doo’y ipinaliwanag na mabuti ang mga bagay na hindi pa niya alam tungkol sa Daan ng Diyos. At nang ipasiya niyang tumawid sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob. Sumulat sila sa mga kapatid doon na malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga nanampalataya sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos. Sapagkat walang magawa sa kanya ang mga Judio sa hayagang pagtatalo, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Hesus ang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
o kaya: Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 23b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:
“Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko; humingi kayo, at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
“Ang mga ito’y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang gayun; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na yao’y hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan; at hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo, sapagkat iniibig nga kayo ng Ama. Iniibig niya kayo sapagkat ako’y iniibig ninyo at naniwala kayong nagmula ako sa Diyos. Ako’y mula sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo’y aalis ako sa sanlibutan at babalik sa Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
Pagninilay:
Maligayang kapistahan po ni San Isidro Labrador! Ang ating Panginoon ay aakyat na sa langit. Binibilinan tayo ni Jesus na hindi tayo mag-iisa. Kasama natin Siya. Ang Kanyang Espiritu ay mapapasaatin. Mananahan Siya sa atin at mananahan tayo sa Kanya. Ano ang katunayan nito? Sabi ni Jesus anuman ang hingiin natin ay ipagkakaloob Niya.
Kung tayo ay susunod sa Kanyang bilin at gugugulin ang buhay natin para sa Kanya, sa mabubuting gawa at pagtulong sa kapwa, makukuha natin anuman ang ating hilingin dahil ang mga puso natin ay hahangarin na lamang ang kalooban ng Diyos. Hindi natin Siya magagawang ituring na parang isang ATM o mall na gagamitin para makuha ang gusto natin. Bagkus, sa pagkilala natin sa Kanya sa ating pananalangin at pagninilay ay makikita natin kung sino talaga ang Diyos at paano Siya gumalaw sa ating buhay. Kumapit tayo sa Kanya at magtiwala. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +
Reflections By: F.M.M.J.
Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com