Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Plano ng Diyos”

 

 

Marso 25, 2021. Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon.

Solemnity of the Annunciation of the Lord (White).

UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14; 8, 10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:

Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 10, 4-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.

Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.
Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon o Happy Solemnity of the Annunciation! Ngayon nga ang pagkakatawang tao ni Jesus sa sinapupunan ni Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Napakagandang palantandaan sa gitna ng ating mga delubyo, at hirap na kinakaharap, dahil siyam na buwan na lamang ay Pasko na. At ngayon ano naman ang koneksyon ng Pasko sa kuwaresma? Si Jesus ay ipinanganak para iligtas tayo at ito ay sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Kaya nga dalawa ang ating Pasko.

Ang darating na ating pinakaabangan ngayon matapos ang 40 araw ay ang “Pasko ng Pagkabuhay”. Lahat ng ito ay nagsimula sa araw na ito sa pag-oo ni Maria. Gaya niya, lahat tayo ay may kanya-kanyang misyon at bokasyon. Lahat tayo ay may mahalagang papel na gagampanan sa ating buhay at ito ay mula sa Diyos. Sana gaya ni Maria, tumugon tayo sa Panginoon nang “oo”. Kahit hindi natin maintindihan ng lubos ay magtiwala tayo sa Kanya. Kalaunan ay maihahayag din ang totoo sa lahat ng bagay.

Sapagkat maraming hindi sigurado sa ating buhay. Subalit asahan mong may iisang sigurado at hindi nagbabago. At ito ay ang pag-ibig ng Diyos, ang Kanyang awa at presensiya. Magtiwala lang tayo lalo kahit natutukso tayo ng takot at pagdududa. Humingi tayo ng tulong ng Mahal na Birheng Maria na nagtiwala sa Panginoon sa kabila ng pagsubok at nanatiling tapat sa kanyang misyon at bokasyon hanggang huli. Tayo rin ay kailangan ng tulong at gabay ng Diyos upang makayanan lahat ng ito sa pagganap ng kalooban ng Diyos para sa atin. Nawa ay alamin natin ito, sumunod tayo ng may buong pag-asa at pagmamahal sapagkat ang plano ng Diyos ang pinakamainam at pinakamaganda para sa atin. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?