Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Sunod kay Cristo”

Abril 29, 2021. Paggunita kay Santa Catalina de Siena.

Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

Memorial of Saint Catherine of Siena, Virgin and Doctor of the Church (White).

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 13-25
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Mula sa Pafos, si Pablo at ang kanyang mga kasama ay naglayag, at dumating sa Perga ng Panfilia; ngunit humiwalay sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. Mula sa Perga, nagpatuloy sila at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Matapos ang pagbasa sa ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong iaaral sa mga tao, magsalita na kayo!” Kaya’t tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik.

“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, at pinagtiisan sa ilang sa loob ng halos apatnapung taon. Pagkatapos niyang lipulin ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ipinagkaloob sa kanila ang lupain ng mga iyon sa loob ng halos apatnaraa’t limampung taon.

“Pagkatapos, sila’y binigyan niya ng mga hukom hanggang kay Propeta Samuel. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saulo na anak ni Cis. Naghari si Saulo sa loob ng apatnapung taon. At nang siya’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit taga-alis ng panyapak.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

MABUTING BALITA
Juan 13, 16-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa ng kanyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo: ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa nagsugo sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin, mapapalad kayo.
“Hindi para sa inyong lahat ang sinasabi ko; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit dapat matupad ang nasasabi sa Kasulatan, ‘Ako’y pinagtataksilan ng taong pinakakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung ito’y mangyari na, ay manalig kayo na ‘Ako’y si Ako Nga.’ Tandaan ninyo: ang tumatanggap sa sinugo ko’y tumatanggap sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Maligayang Kapistahan ni Santa Catalina de Siena! Walang sinumang alipin ang nakahihigit sa kanyang panginoon. Kung ang Panginoon nating Diyos ay naparito upang magsilbi, ano naman ang gagawin natin? Matutuwa lamang ba tayo na tayo ay pinagsisilbihan? Hindi. Dapat lamang na tayo ay magsilbi rin. Ito ang ating magiging ligaya – ang pagsisilbi sa ibang tao at sa Diyos. Para doon tayo nilikha bagamat masakit sa ating makasariling mga sarili.

Ang Diyos ang ating ehemplo at modelo. Kung paano Siya namuhay, bilang Kristiyano ay dapat tayong sumunod. Kaya nga tayo tinatawag na Kristiyano ay ibig sabihin mga taga-sunod ni Cristo. Paano ka makakapagsilbi sa paraang kaya mo? Iyon ang iyong isipin. Diyos ang nagbibigay at magbibigay pa ng iyong kailangan. Ang mahalaga ay sumunod ka lamang sa Kanya, ikaw ay tiyak na magiging masagana. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.