Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tunay na Kasiyahan”

 

 

 

Setyembre 19, 2021. Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Karunungan 2, 12. 17-20
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

Sinabi ng mga masasamang tao:
“Tambangan natin ang mga taong matuwid,
pagkat hadlang sila sa ating mga balak;
ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan,
at sinasabing tayo’y nagkasala laban sa kaugalian.
Tingnan natin kung ang salita nila’y magkakatotoo,
kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila.
Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos
sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.
Subukin natin silang dustain at pahirapan,
upang malaman natin kung hanggang saan
ang kanilang kagandahang-asal,
at kung hanggang kailan sila makatatagal.
Subukin nating ibingit sila sa kamatayan,
yamang ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 53, 3-4. 5. 6. at 8
Ang D’yos ang s’yang
tumutulong at sa aki’y nagtatanggol.

IKALAWANG PAGBASA
Santiago 3, 16 – 4, 3
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mga kapatid, saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay may malinis na pamumuhay. Siya’y maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, at masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. At namumunga ng katwiran ang binhi ng kapayapaang inihahasik ng taong maibigin sa kapayapaan.

Ano ang pinagmumulan ng inyong alitan at paglalaban-laban? Hindi ba’t ang masasamang nasa na namumugad sa kalooban ng bawat isa sa inyo, at pawang nagkakalaban-laban? Mayroon kayong pinakamimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang ito. Dahil sa inyong pag-iimbot sa mga bagay na hindi inyo, kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi, sapagkat hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap, sapagkat masama ang inyong layunin – humihingi kayo upang gamitin sa kalayawan.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 9, 30-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Hesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya. At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”

Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nitong alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin – hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Natural sa tao ang mayroong hangarin. Subalit simula noong nagkaroon ng unang nagkasala ang tao, ang hangarin na ito ay puro na ukol sa sarili at hindi laging nasa tama. Nagkakaroon na tayo ng inggit, kasakiman, pagiging maramot, at pagkamakasarili. Sa mundo ng mga matatanda, tila ito normal. Subalit sa mundo ng mga bata, walang ganito. Malinis ang kanilang puso at hangarin. Hindi pa nahahaluan ng polusyon ng dumi at kasalanan ng mundo. Kahit magkamali man sila ay madali silang turuan at magpakumbaba. Ito ang gusto ni Jesus na tularan natin. Ang pagiging malinis, inosente at banayad ng mga bata. Sapagkat ang hangarin natin ay nagiging sadyang madudumi ni hindi natin ito napapansin sapagkat tila “normal” na ito sa mundo. Pinapapalakpakan pa. Hindi na natin lubos makita kung ano ba talaga ang tama o mali.

Ang nakikita na lamang natin madalas ay kung ano ang gusto natin, kung saan tayo sisikat. Mas iniintindi na natin ngayon kung ano ang makakapagbigay ng pera, karangalan at kasiyahan sa atin kahit hindi na ito tama. Kahit na may natatapakan na na iba at ]sa dulo ng puso natin ay may pagmamayabang at pag-aangat ng sarili. Magsuri tayo ng ating sarili at hilingin sa Diyos na linisin ang mga kahinaan nating ito. Diyos ang dapat na sentro ng ating buhay at hindi puro sarili lamang. Nang sa gayon, tunay tayong maging mapayapa sa ating pamumuhay. Hindi kailangang laging tumingin o magpasikat sa iba. Kailangan lamang na magpakumbaba at tunay na magsilbi sa Diyos at sa kapwa. Dito tayo magiging pinakamasaya sapagkat para dito tayo nilikha ng Diyos. Hindi para sa ating sarili lamang. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?