Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA NGAYONG HUWEBES SANTO: “Ang Huling Hapunan”


Photo Credit: https://adoremus.org

 

Abril 18, 2019. Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon.

Salmo 116: Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.

Unang Pagbasa: Exodo 12:1-8, 11-14

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo.

Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan.

Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop.

Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay.

Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

“Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh.

Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto.

Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito’y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 11:23-26

Ito ang katuruang tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya’y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.”

Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ay ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.”

Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

Ebanghelyo: Juan 13:1-15

Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila’y iniibig niya hanggang sa wakas.

Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio.

Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos.

Kaya’t siya’y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang.

Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?”

Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”

Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.”

Dahil dito’y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”

Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo’y malinis na, subalit hindi lahat.”

Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya’y nangusap sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?

Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa’t isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan

Pagninilay:

Ngayon nga ay papasok na tayo sa Paschal Triduum na nagsisimula ngayon sa Pagmimisa ng Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon. Ito ay nagmamarka ng pagpapakasakit na hahantong sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang tatlong pinakamahalagang yugto sa ating panahon ng kwaresma. Para dito kaya tayo naghanda ng mga sarili sa nakaraang halos apatnapung araw mula noong Miyerkules ng Abo. Ngayon nga ay magtatapos na ito sa Pasko ng Muling Pagkabuhay o “Easter Sunday”. Subalit bago mangyari ito ay sabay-sabay muna tayong makikibahagi kay Cristo sa kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus.

Bilang mga Kristiyano at tagapagmana ng walang hanggang kaharian at kaligayahan na mula sa Diyos, tungkulin natin ito. Tungkulin nating makibahagi kay Cristo at sumunod sa kanya bilang kanyang mga katawan na bumubuo sa simbahan. At si Jesus naman ang ating itinuturing na ulo at lider ng ating simbahan na kinabibilangan. Walang hihigit pa kay Cristo.

Ngayong Ebanghelyo ay tampok ang mga tagpo sa Banal na Hapunan kung saan, nagsimula si Juan sa pagsusulat ng tungkol sa paghuhugas ng mga paa ng alagad ni Jesus. Noong mga panahon ng Hudyo, mahalagang maghugas muna ng mga panlabas na kasangkapan at bahagi ng katawan tulad ng kamay at lalo na ang paa bago pa man kumain. Itinuturing kasi ang paa bilang isa sa pinakamadumi o ito na nga ang itinuturing na pinakamaruming bahagi ng ating katawan. Lalo kapag nakasandalyas tulad noong unang panahon, ito’y puno na ng alikabok at samu’t saring dumi na nakalap mula sa daan.

Ito na nga ang pinakamarumi, subalit mapapatanong ang ilan, “Bakit ito gustong hugasan ni Jesus?” Makaka-“relate” tayo kay Pedro sa ibang paraan. Bakit ba natin ibibigay ang pinakamaruming parte ng ating buhay sa Diyos? Bakit natin isusuko ang pinakamaruming bahagi ng ating puso kay Jesus? Diba’t nakakahiya. Tila parang gusto nating may patunayan sa Diyos sa ibang paraan. Gaya ng kung paano tayo nagpapatunay ng kung anu-ano sa ibang tao. May tawag dito at ito ang pagmamataas sa sarili o “Pride” na puno at ugat ng lahat ng kasalanan. Subalit ang tagpong ito ay isa lamang salamin ng kung ano dapat tayo sa Panginoon – kung ano ang gusto niyang gawin natin sa kanya at sa ating kapwa.

Ano nga ba ito? Gusto niyang ialay natin ang lahat ng madumi sa ating puso at buhay. Gusto niyang kunin lahat ng ito at gawin tayong malinis. Kasalanan, mga kasamaan, poot at galit, inis, mga pagkadismaya, mga tampo sa puso – lahat ng pangit. Lahat ng ito ay tanggap sa atin ng Diyos. Alam na niya itong lahat sa atin. Hinihintay lamang niyang hingin natin ang kanyang tulong at paghilom upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang mga ito nang walang sala. Bilang mga minamahal ng Diyos, gusto niyang isama natin siya sa ating paglalakbay dito sa lupa puno ng putik at alikabok dahil palagi tayong nadadapa at nasasaludsod sa mga matitinik na daan dito sa ating buhay sa lupa.

Kailan mo ba huling binuksan ang iyong puso at kaluluwa sa Diyos nang buong buo at walang pakundangan? Kailan mo nailabas lahat ng kasalanan at bigat ng dibdib kung mayroon sa Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal? Panahon na upang ibaba natin ang ating sarili sa Diyos at maging totoo sa kanya sa at sa ating sarili.
Ngayong nalalapit na ang kanyang pagkamatay sa Krus, alalahanin mong lahat ito’y ginawa niya para sa iyo. Ano pa ang hindi niya ibibigay para sa atin kung binigay na Niya pati mismong katawan, dugo at buhay Niya? Ano pa ang hindi niya tatanggapin sa atin? Ano pa ba ang kailangan nating patunay upang maniwala at bumalik sa Diyos nang lubos?

Lahat ito’y isuko natin sa Diyos, dahil ito’y tanda ng kanyang wagas na pagmamahal sa atin. Namnamin natin ito at damhin natin nang sagad sa pinakailalim ng ating puso nang sa gayong paraan, ganito rin ang ating gagawin sa ating kapwa. Lubos na pagtanggap at pag-akay sa katotohanan. Pagtanggap sa mga maruruming bahagi sa ating lipunan at sa mga tao sa ating paligid. Dahil kapag inamin natin kung saan tayo nagkamali at nagdumi, dito tayo magsisimulang maging malinis. Dito magsisimula ang paghilom na galing sa Diyos. Buksan natin ang lahat sa atin kay Jesus at hayaan siyang pumasok nang tuluyan sa ating puso, buhay at kaluluwa.

Naghihintay ang Panginoon sa atin, huwag nawa nating patagalin ang pagpapaunlak sa kanyang imbitasyong magmahal ng lubos tulad ng kanyang pag-ibig sa atin, habang may oras pa tayo dito sa lupa.

Pagnilayan natin ang mga ito. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.