Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA NGAYONG LINGGO NG PALASPAS: “Pagsalubong kay Jesus”

Abril 5, 2020. Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon.

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24
Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Mateo 26, 14-27, 66
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Maikling Pagbasa
Mateo 27, 11-54
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, iniharap si Hesus sa goberador. “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ng gobernador. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?” Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nag-taka ang gobernador.

Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ang gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo sinumang mahiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinawag na Kristo?” Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus.

Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”

Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” “Si Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pa nilang isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao, “Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya niya si Barrabas, ngunit ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhud-luhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom. Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa.

Nilibak siya ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila, “Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani?” Ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hintay muna tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga.

Biglang napunit sa gitna ang tabing ng tamplo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami.

Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. “Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” sabi nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo ng palaspas! Ngayon po ay simula na ng Semana Santa. Mababasa natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagpapakasakit ni Jesus. At bilang mga Kristiyano ay tinatawag tayong makibahagi sa mga paghihirap Niya. Ano ang plano mo ngayong linggo na ito? Ano ang kahulugan at halaga sa iyo ng mga mahal na araw na darating? “Mahal” talaga ang mga araw na darating sapagkat napakalaki ng binayaran ng Panginoon para tubusin tayo sa ating mga kasalanan – ang Kanyang Sarili. Inialay Niya buong buhay Niya para sa atin at inihandog ang sariling katawan. Kung babasahin nating maigi napakadaming tiniis ni Jesus. Higit pa sa pisikal na mga sugat at pasakit na kung saan pinuno ng dugo ang kanyang buong katawan ay naroroon din ang sakit ng kalooban. Kinutya-kutya, inalipusta, hinusgahan at nilait-lait. Pinagtatawanan pa. Ang mga taong mismong tinulungan, pinagaling at minamahal Niya ang nagpapako sa Kanya at ipinagpalit Siya sa kriminal. Gaano kasakit ito? 

Walang alam na iba kung hindi si Jesus at ang Kanyang ina. Kung tayo rin ay makikibahagi at magninilay ng mataimtim malalaman at mararamdaman natin kahit mumunting bahagi ng hapis na ito. Mula noon hanggang ngayon ang ating kasalanan ang nagpapahirap at nagpapasakit sa kalooban ni Jesus. Ito ang sumusugat sa kanyang puso, isip, katawan at kaluluwa nang malalim. Marami ito at naitulak siya sa kamatayan ng hirap at pasakit na ito. Tiniis niyang lahat para sa atin. Paano naman kaya tayo? Saan tayo tutungo? Gagawin ba natin ang ginawa ng mga disipulo liban kay Juan, na iniwan ang Panginoong Jesus sa takot? O mananatili tayong kasama Niya sa paanan ng Krus ngayong linggo na ito, kasama ni Maria, ina ng hapis? Mamili tayo. Pagnilayan natin ito. Isipin, pagsisihan ang mga kasalanan at humingi ng tawad sa Panginoon habang may oras pa. Amen. +

Frances Mary Margaret D.J.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.