Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Ang Ating Mahalagang Misyon sa Buhay na Galing sa Panginoon”


Photo Credits: Armen Hareyan

 

Pebrero 10, 2019. Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 138: Poon kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

Unang Pagbasa: Isaias 6:1-2, 3-8

Noong taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa’y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad.

Sinasabi nila sa isa’t isa ang ganito:
“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”

Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.”

At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!”

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:1-11

Mga kapatid, ngayo’y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya.

Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya.

Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa.

Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan.

At nakita rin siya ni Santiago, at ng lahat ng mga apostol.
Sa kahuli-huliha’y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako’y tulad ng isang batang ipinanganak nang di-kapanahunan.
Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos.

Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi sa dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin.

Kaya’t maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.

Ebanghleyo: Lucas 5:1-11

Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos.

May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”

Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.”

Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya’t halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa’t halos lumubog ang mga ito.

Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako’y isang makasalanan.”

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon.

Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag ka nang matakot. Mula ngayo’y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”

Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Pagninilay:

Ang ating mga pagbasa ngayong linggo na ito ay puro tungkol sa pagtawag ng Panginoon. Tinawag ng Panginoon si Isaias para maglingkod bilang propeta o tagapaghatid ng Mensahe ng Panginoon. Siya ang napili upang maging boses ng Diyos sa mga tao. Bagamat siya’y makasalanan, pinili siya ng Diyos.

Ganoon din si San Pablo na nagpapapatay ng mga Kristiyano noon. Isang mamamatay tao na siyang nagsisi at tinalikdan ang dating buhay at nanalig sa Panginoon. Siya’y pinatawad at higit pa, naging isa siya sa pinakatanyag na Apostol dahil siya’y nagtrabaho mula sa panibagong pusong may bago ring natagpuang pag-ibig sa Panginoon. Panghuli naman sa Pagbasa ay si San Pedro, na siyang nagpatirapa sa harapan ng Panginoon dahil hindi niya napagkatiwalaan ng lubos si Cristo noong unang sinabi nitong pumalaot ito. Nagdahilan siya noong una na gamit ang kanyang isip at karanasan. Hindi ang kaisipan ng Diyos.

Para sa Panginoon ay balewala lahat ng ating mga limitasyon sa isip o kung ano mang maabot ng ating mga wari. Ang Diyos ay kayang gawin ang lahat ng imposible sa ating paningin. Kaya naman nagkaroon ng himala at biglang dumami at umapaw pa ang nahuling isda higit sa ating inaasahan. Samantalang buong maghapon at magdamag ay naranasan nilang walang huli.

Tayo rin ay marapat na tanungin ang ating mga sarili, saang bokasyon ba ako tinawag ng Panginoon? Ano ang ibinigay niyang misyon sa akin? Paano ko ito ginagampanan? Lahat tayo ay may kanya-kanyang kinalalagyan ayon sa kanyang plano – gaano man ito kaliit o kalaki sa paningin ng iba ang lahat ng ito ay pantay-pantay at mahalaga sa Diyos. Ang mahalaga’y malaman natin sa pananalangin, saan ba sinabi ni Jesus na ihulog natin ang lambat?

Tinuturuan niya tayo at ginagabayan na ang lahat ng ating kailangan ay ibibigay niya kahit tila hindi natin alam kung saan kukunin at saan manggagaling basta manalig lamang tayo sa kanya.

Ang pagsunod sa Diyos ay kinakailangang iwanan maging ang ating mapagmataas na isipin. Aminin natin sa Diyos na hindi natin alam ang lahat ng bagay. Diyos lamang ang may ganitong kapangyarihan. Kaya naman, sa ating panalangin ay marapat lamang na idulog natin sa kanya ang bawat pangangailangan nang may pananampalataya. Siya na ang bahalang gumawa ng paraan upang tupdin ito. May plano siya para sa atin at ito ang pinakamainam sa lahat. Hindi man natin maintindihan sa ngayon.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.