Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Ang Buhay na Salita ng Diyos”


Photo Credits: Bellator Christi

 

Enero 27, 2019. Ika-3 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 19: Espiritung bumubuhay, ang salita ng Maykapal.

Unang Pagbasa: Nehemias 8:2-4, 5-6, 8-10

Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita’y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig.

Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel.

Kaya’t nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa.

Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti.

Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya’y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama’y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.

Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.

Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.

Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.

Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila’y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya’t huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan.

Sinabi nila sa mga tao, “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12:12-30
Si Cristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba’t ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan.

Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.

Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya’t hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan?

Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya’t hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig?
Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban.

Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. Ngunit ang totoo’y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.

Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan.

Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pahalagahan. Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa’t isa.

Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.

Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro.

Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba’t ibang mga wika. Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba’t ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito.

Ebanghelyo: Lucas 1:1-4, 4:14-21

Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita.

Kaya’t matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.

Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya.

Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat.

Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, at doo’y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakakita.

Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
at upang ipahayag na darating na ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon.”

Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”

Pagninilay:

Ang Panginoong Jesus ay ang tinatawag nating “Salitang Nagkatawang Tao”. Tuwing pagdarasal ng Orasyon o “Angelus” ay binabanggit natin ito sa ikatlong bahagi ng tugunan “Ang Salita ay Nagkatawang Tao, at nanahan kasama natin”. Sa ingles ay “The Word Made Flesh, and dwelt among us.” Hindi ito isang idiyoma o talinghaga, ngunit ang Diyos Anak ay talagang Siyang Salita ng Diyos.

Kaya naman masasabi nating ang Diyos ay mismong nasa Salita. Ang Kanyang presensiya ay nananalaytay sa buong Banal na Kasulatan o sa Bibliya. Hindi ito para isantabi lamang sa isang bahagi ng bahay na maalikabok at iniipis na. Bagkus, ilagay natin ito sa sentro ng ating pamamahaya na kung saan lahat ay nakakakita at madaling mabasa ito kung kailan gustuhin.

Nasubukan ninyo na bang magbasa ng Bibliya o magbuklat man lamang sa panahong wala na kayong maintindihan sa nangyayari sa inyong buhay? Kung hindi pa’y, panahon na upang magkaroon tayo ng bagong kamalayan tungkol sa tila isang “sulat ng pag-ibig” na iniwan ng Diyos sa atin. Ano pa ba ang iba nating magiging gabay kung hindi ang Kanyang Salita na purong katotohanan lamang?

Kaya naman sa napakaganda nating salmong tugunan inaawit natin paulit-ulit “Espiritung bumubhay, ang Salita ng Maykapal”. Diyos lamang ang nakapagbibigay buhay. Wala nang iba. Ang Salita Niya ang magdudulot sa atin ng buhay gaano man kadilim ang ating pinagdaraanan sa ngayon. Sa Banal na Misa, pinagsasaluhan natin ito, sa loob ng isang oras sa isang linggo pinakikinggan at pinagninilayan. Ngunit matapos noon, ano na? Bilang Kristiyano, saan na natin mas pinipiling makinig? Sa TV, radio, sa kapit-bahay o sa Bibliya? Kaya naman pansinin ang isang sosyedad na kinalimutan ang Diyos at ang Kanyang Salita. Tila walang direksyon, napakagulo at walang kapayapaan. Sa paglalagay natin ng Diyos sa sentro natin at ang kanyang Salita sa sentro ng ating buhay lamang natin mararanasan ito.

Ngayong ipinagdiriwang ang ating National Bible Week, mahalagang tanungin natin ang ating sarili, “Gaano kahalaga sa akin ang Salita ng Diyos?”

Sana ngayong linggo ay hingin natin ang tulong ng Panginoon. Kung gusto nating malapit sa kanya at magkaroon ng masaganang buhay dito sa lupa at hanggang kabila, matuto tayong magbasa ng Bibliya. Magsimula tayo sa araw-araw na pagbasa ng Ebanghelyo sa internet man, o sa pagdalo ng Banal na Misa. Tulad ni Jesus, maging katuparan tayo ng kanyang Salita dahil nakikinig tayo, iniintindi ang salita ng Diyos at pinagninilayan sa puso habang nagdarasal. Higit sa lahat, na siyang pinakamahalaga ay ang pagtupad at pagsunod natin sa nasasaad sa Salita ng Diyos. Wala nang ibang daan kung hindi ang Panginoon lamang at ang kanyang simbahan.

Sikapin natin na mapalapit sa kanya habang tayo’y nabubuhay at mayroon pang panahon na magsisi at mabalik-loob sa Diyos.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.