Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Buhay at Liwanag”

Marso 29, 2020. Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 12-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos: “Magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Tugon: Sa piling Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 8-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:

Ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo si Kristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan a inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang mulang bumuay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Juan 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Nagpasabi kay Hesus ang mga kapatid na babae ni Lazaro, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa iyon ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”

Si Hesus ay napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa inyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.”

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Hindi lahat ng ating paghihirap ay natatapos sa paghihirap lamang. Ang buhay natin ay may katapusan. Ngunit ang katapusan na ito ay ang simula ng buhay na walang hanggan. Lahat ng paghihirap ay may katapusan. Kailangan lamang itong daanan. Gaya ng paghihirap natin ngayon na tila humahaba dahil sa nag-iba ang ating buhay. Hindi na kagaya ng dati, subalit nanatili pa rin tayong nananalig sa Panginoon. Umaasa tayo at nagtitiwala sa Kanya. Katulad ni Marta na nagpahayag ng pananampalataya kay Jesus. Tayo ba naniniwala ba tayo sa kakayanan ni Jesus? Mahirap man ang daanan, ginagawa laging maganda ni Jesus ang huli.

Dahil mga anak tayo ng Diyos hindi tayo kabilang sa mga taong walang buhay kung hindi may liwanag sa dilim. Nakikita ba natin ito? Ang mga grasya ng Panginoon sa gitna ng delubyo. Pakinggan natin Siya at manatili tayo sa Kanya. Amen. +

Frances Mary Margaret D.J.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.