Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Liwanag ni Jesus”

Pebrero 2, 2020. Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo.

UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”

Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
Tugon: D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayang ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbara, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa kautusan ni Moises, ang mga magulang ni Hesus ay pumunta sa Jerusalem. Dala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,

“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang linggo po sa ating lahat! Hindi naman kailangan ni Jesus na iprisinta sa templo sapagkat siya ay malinis na bilang Panginoon natin. Subalit ayon sa kautusan ni Moses ay pinili pa rin nilang sumunod dahil sa kababaang loob. Dahil dito, nagpuri ng malakas si Simeon dahil pinakahihintay niya ang kaligtasan ng Israel at si Jesus ang Mesiyas na ipinadala ng Diyos. Tayo kaya ano ang pinakahihintay natin? Kapanapanabik ba si Jesus bilang tanglaw ng ating buhay? O marami na tayong kinahuhumalingang ibang bagay? Nawa ay maalala natin sa mga kandila ngayon pista ng Kandelaria na si Jesus ang liwanag ng ating mundo at ating buhay. Siya lang ang kasagutan sa lahat ng ating katanungan at tugon sa lahat ng ating problema. Amen. +

Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.