Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Pag-ibig na Libre sa Lahat”

Disyembre 6, 2020. Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.

Catholic Handicapped Day / National AIDS Sunday

UNANG PAGBASA
Isaias 40, 1-5. 9-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

“Aliwin ninyo ang aking bayan.” sabi ng Diyos.
“Aliwin ninyo sila.”
Inyong ibalita sa bayang Jerusalem,
na hinango ko na sila sa pagkaalipin’
pagkat nagbayad na sila nang ibayo
sa pagkakasalang ginawa sa akin.
May tinig na sumisigaw:
“Ipaghanda ang Panginoon ng daan sa ilang;
isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos.
Tambakan ang mga lambak,
patagin ang mga burol at bundok
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaningningan ng Panginoon
at makikita ng lahat.
Siya mismo ang nagsabi nito.”
At ikaw, O Jerusalem,
Mabuting Balita ay iyong ihayag,
ikaw, Sion,
yang titipunin;
sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
at papatnubayan ang tupang may supling.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 3, 8-14
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Huwag ninyong kalilimutan ito, mga pinakamamahal: sa Panginoon, ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi niya nais na kayo’y mapahamak.

Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na yaon, ang kalangitan ay biglang mapaparam na may nakapangingilabot na ugong. Matutupok ang araw, buwan, at mga bituin, at ang lahat sa lupa ay malalantad. Yamang ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, italaga na ninyo sa kanya ang inyong sarili at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw ng iyon – araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katarungan.

Kaya nga, mga minamahal, samantalang kayo’y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 1, 1-8
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Ito ang Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na Anak ng Diyos. Nagsimula ito noong matupad ang hula ni Propeta Isaias:

“‘Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo,
ihahanda niya ang iyong daraanan.’
Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’”
At dumating nga sa ilang si Juan, nagbibinyag at nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, “Pagsisihan ninyo’t talkdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan upang makinig. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila’y bininyagan niya sa Ilog Jordan.

Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulut-pukyutan. Lagi niyang sinasabi sa kanyang pangangaral, “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! “Pagsisihan ninyo’t talkdan ang inyong mga kasalanan”. Ito ang buod ng mensahe ni Juan Bautista. Ipinanganak siya upang tuwirin ang daraanan ng Panginoon. Sa pamamagitan ito ng paghahanda sa mga tao upang tanggapin ang Diyos. Paano ba maghanda? Sa dekorasyon ba ito nakikita? Sa mga masasarap na pagkain ba? Sa mga magagandang damit at sapatos o sa mga aguinaldo?

Wala po sa alin sa mga ito kung hindi sa malinis na puso ng ating sarili. Higit sa lahat, maghanda tayo sa pamamagitan ng pagkukumpisal. Doon tayo ay magiging bagong tao na tila ipinanganak muli. Kahit gaano pa kasarap ang iyong handa, balewala ito kung hindi magbabago nang inyong mga puso. Kaya sasabihin ng iba “hindi ko nararamdaman ang pasko”. Bakit, nasaan ba ang pasko? Wala namang bayad ang pasko sa totoo lang. Wala ito kahit kanino kung hindi na kay Kristo na darating. Kung wala Siya ay walang pasko.

Ang diwa ng pasko ay na kay Kristo. Wala itong bayad. Ibinibigay Niya ang Kanyang pag-ibig, awa at pagpapatawad ng libre. Tayo lang naman ang masyadong abala sa mga iba pang bagay na materyal. Subalit wala ang tunay na ligaya at diwa ng pasko sa labas kung hindi sa puso at sa ating ugnayan sa Diyos. Ang relasyon nawa natin sa Diyos ang ating pagtuunan ang pansin una sa lahat at tiyak kahit anong mangyari ay magiging masaya ang pasko dahil si Cristo lang ay sapat na at hindi Siya kailanman mawawala. Sa pamamagitan ng mga sakramento, kumpisal at banal na Misa ay magiging maganda, masaya at sagana ang ating relasyon sa Diyos. Nawa ngayong panahon ng Adbiyento ay mas makapagbigay tayo ng oras sa Kanya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?