Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Pagbabalik Natin sa Ama”

Photo Credit: https://cdn2.oceansbridge.com

 

Marso 31, 2019. Ika-4 na Linggo ng Kwaresma. 

Unang Pagbasa: Josue 5:9, 10-12

At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya’t ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal magpahanggang ngayon.

Samantalang ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan.
Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa.

Hindi na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya’t mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain.

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:17-21

Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago.

Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya tayong mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinili niya kami upang ang iba pang mga tao ay maging kaibigan rin niya.

Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao’y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.

Kaya nga, kami’y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami’y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos.

Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya’y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.

Ebanghelyo: Lucas 15:1-3, 11-32

Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito’y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito.”

Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki.

Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian.

Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan.

Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya’t siya’y nagsimulang maghirap. Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya’y pinagtrabaho nito sa isang babuyan.

Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako’y namamatay dito sa gutom!

Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ At siya’y nagpasyang umuwi sa kanila.

“Malayo pa’y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’

Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas.

Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo’y magdiwang. Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga’y nagdiwang.”

“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan.

Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano’ng mayroon sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’

Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan.

Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’

Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. Nararapat lang na tayo’y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”

Pagninilay:

Ngayong linggo ay tinatawag nating “Laetare Sunday”. Nagsusuot ang ating mga kaparian ng kulay rosas gaya ng ginagawa kapag ka ikatlong linggo ng adbiyento o “Gaudete Sunday”. Ngayon, kahit paano’y tayo’y nagdiriwang dahil malapit na rin ang inaasam nating Pasko ng Pagkabuhay. Sa gitna ng kwaresma kung kailan ang ating puso at diwa ay itinutuon sa pagpipigil ng sarili, panalangin at pagtulong sa iba ay isa itong pahinga upang alalahanin na hindi lamang pagpapakasakit at paghihirap ang ating inaabangan kung hindi lalo na, ang mangyayari matapos ang lahat ng ito – ang Pasko ng Pagkabuhay o “Easter Sunday”.

Tulad ng Ama ngayon sa ating Ebanghelyo, napakalaking pagdiriwang ang nagaganap sa kalangitan at maging sa ating puso kung tayo’y nagbabalik sa ating Ama sa Langit. Kailan ang iyong huling pangungumpisal? Malamang ay tinatawag ka na ng Panginoon upang hugasan ang iyong mga kasalanan at lumaya ka sa pagkakalipin na ginagawa nito sa pagkatao natin.

Marami sa atin ay nakakaugnay kumbaga, doon sa unang matapat na anak o doon sa pangalawang nanglustay ng kayamanan. Marahil gaya ng unang anak, hindi natin maamin ang ating mga kasalanan sa Diyos. Bagkus, binibilang na natin ang mga nagagawa nating mabuti sa harap ng Panginoon at ng tao. Hindi natin namamalayang, Diyos mismo ang nagbigay sa ating ng abilidad upang sumunod sa Kanya. Kung hindi tayo masaya at may inggit pa sa puso ay baka kailangan nating magbalik-tanaw at ibaba ang ating sarili sa Diyos.

Kung tayo naman ang alibughang anak, na umaamin sa ating mga kasalanan, kahit gaano pa kalaki ang mga ito sa ating paningin, asahan nating mas minamahal tayo ng Panginoon. Dahil sa tuwing tayo’y nagkakasala ay mas kailangan natin siya. Kung sa tingin nati’y malaki na ang ating kasalanan, higit na mas malaki at mas malawak ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ang tanong ay paano ka tumingin sa iyong kapwa? Naalala pa ba natin na sila’y ating mga kapatid sa Diyos? Natitingnan ba natin sila nang may buong pagmamahal o namumuo sa atin ang inggit sa puso?

Walang ibang makagagamot sa inggit at sa pagmamataas kung hindi ang pagmamahal. Maging masaya tayo para sa iba at huwag nating husgahan ang kanilang pagkakamali. Dahil tandaan nating ang Ama lamang ang dapat maghusga. Sa gayung paraan kung kailan natin hinusgahan ang iba, ay gayon din ang gagamitin upang husgahan tayo.

Bakit tayo magrereklamo na tayo’y wala o hindi minamahal ng Diyos? Kailangan lamang natin manghingi sa kanya at ibibigay sa atin ang lahat kung alam naman pala nating naging matapat tayo sa kanya.

At kung hindi naman ay makakaasa tayo na hindi nagbago ang pagmamahal ng Ama sa atin at lalo pa niya tayong yayakapin ng kanyang walang hanggang awa upang tayo’y hindi na magkasalang muli at hindi na mawalay pa.
Kailangan lamang nating maniwala nang lubos sa pag-ibig ng Diyos Amang palaging naghihintay sa pagbalik natin.
Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.