Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

DAILY GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Ating Kabanalan”


 

Oktubre 31, 2018. Miyerkules. Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 145: Ang Poong, Diyos ay tapat, pangako n’ya’y magaganap. 

Unang Pagbasa: Efeso 6:1-9

Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat.
“Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong “Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa.”

Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon.

Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong paggalang, takot at katapatan, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran.

Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo’y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos.

Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.

Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo’y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at siya’y walang itinatangi.

Ebanghelyo: Lucas 13:22-30

Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem.

Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”

Sinabi niya sa kanila, “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok.

Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’

Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’

Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama’y ipinagtatabuyan!

Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”

Pagninilay:

Ano ang tinutukoy na Jesus na makipot na pintuan? Sa iba, ito ay ang daan na hindi tinatahak ng karamihan. Pansinin ninyo ang mundo. Hindi ba’t kung titingnan natin ang kapaligiran – mga patalastas, mga naglalakihang pasyalan at bilihan ng kung anu-ano, makikita natin na ang espiritu ng mundo ay puro patungo sa kung ano ang kagustuhan ng tao? At kung paano matutugunan ang mga ito sa pamamagitan ng pera?

Kaya naman ito ang karaniwang gawi ng mundo – ang guminhawa ang buhay, ang magkaroon ng pera upang maipambili pa ng maraming bagay. Ang tinatawag na “tagumpay” ng mundo ay salungat sa sinasabing “tagumpay” ng Ebanghelyo na ayon kay Jesus. Bakit nga ba nagkaganito?

Sapagkat ang mga tinuturo ni Jesus ay hindi lamang tungkol sa buhay dito sa mundo. Sa ating pananampalataya ay hindi dito sa mundong ito ang ating permanenteng tirahan kung hindi sa langit. Ngunit hindi natin ito makakamtan ng hindi natin ito pinagsisikapan.

Kailangang tayo’y sumunod sa kung ano ang sinasabi ng ating Diyos na Hari ng Kahariang ito, kung paano tayo matatanggap doon. Hindi ayon pananaw ng tao at gawi ng mundo, kung hindi sa Banal na patakaran ng Diyos.

Kaya naman ngayong darating na Todos Los Santos, ating gugunitain sa Nobyembre 1, ang lahat ng mga santong naging matapat kay Jesus at naniwala sa kanya hanggang huli sa kabila ng mga paghihirap. Sila ang mga taong isinabuhay ang Ebanghelyo na siya rin dapat nating gayahin upang maging tunay na Anak ng Diyos at tagapagmana ng kanyang kaharian sa langit.

Hindi sila naging santo dahil lamang sila’y naniwala, at nakinig. Ngunit higit sa lahat ay dahil mayroon silang ginawa matapos nilang mag-aral ng Salita at makinig. Sa mabubuting gawa nasusukat ang lahat ng bagay at hindi lamang sa pagmamalinis ng sarili na ‘hindi naman ako masama’. Ngunit kung wala rin tayong naggawang mabuti. Simula sa ating pinakamaliit ng tungkulin na dapat gampanan sa Diyos at sa kapwa, tulad ng nabanggit sa unang pagbasa magsisimula ang lahat. Ayon sa gawa at nilalaman ng puso habang tayo gumagawa, tayo huhusgahan ng Panginoon pagdating ng araw.

Ngunit kung ang mga tao ngayong ay puro sarili ang inatupag, puro pagpapasarap sa buhay, pagpapayaman ng sarili hindi ng kapwa, at puro kaginhawaan, ano pa ang masasambit nating ginawa natin para sa Diyos sa panahong haharapin natin siya mukha sa mukha?

Ano ang iyong masasabing ginawa mo para sa iyong mga kapatid dito sa lupa, gayong nabanggit na nga sa Ebanghelyo na lahat ng tao lalo na ang pinakaa-api ay may iisang Panginoon at mga kapatid din natin sa Diyos?

Ang makipot na pintuan ay pagiging salungat sa espiritu ng mundo na tinahak ng mga santo. Kung ang mundo ay puro ukol sa pagtugon sa sariling pangangailangan at kagustuhan, ang mga santo na sumunod kay Cristo sa isip, salita at gawa, ay inisip at inuna ang iba sa lahat ng bagay.

Hindi lamang puro mga pari at relihiyoso ang mga santong ito, bagamat marami nga sa kanila ang tinawag sa ganitong buhay. Mayroon ding mga ama at ina, mga namuhay sa mundo bilang dalaga o binata. Ating tandaan na ang tawag ng kabanalan na ito na tawag din ng kaligtasan ay para sa ating lahat na nabubuhay dito.

Kahit pa ang mga mahihirap, hindi nakapagtapos ng pag-aaral at mga may kapansanan at mga may-sakit na inaapi ng mundo ay kasama rin sa mga tawag sa pagiging banal. Walang pinipili ang Diyos kung hindi kung sinong may malinis na pusong tunay na nagmamahal sa kanya.

Ito’y hindi nakikita sa dami ng pera, o ari-arian, na siyang sukatan ng mundo. Kung hindi sa mga taong natulungan at nabago ang buhay. Sa ating pagpapatawad at pagbibigay sa kapwa. Sa pagdadala ng ating mga krus sa buhay nang may galak at hindi poot. Dahil sa kabila ng lahat ay naniniwala tayong mula sa ating mga sugat at pasanin sa buhay ay gagawin tayong mga testigo ng Diyos na ang kanyang awa at grasya ay higit pa sa ating mga paghihirap sa buhay. Kung magiging matapat tayo sa kanya hanggang huli.

Pagnilayan natin ito mga kapatid. Bilang Kristiyano’y lahat tayo ay tinatawag na maging Banal. Mula tayong lahat sa Diyos. Siya ang lumikha at naglalang sa ating lahat. Kaya naman ang maging Banal ay pagiging isa ng ating pagkakakilanlan sa Diyos din na ating pinanggalingan.

Tanungin natin ang ating sarili, “Gaano ba kahalaga sa akin ang pagiging banal?” O naisip kong hindi ito para sa akin? Paano ko maihahanda ang aking sarili sa makipot na pintuan ngunit ang pagtatapos ay kaligtasan?

Ano ang mga balakid? Sabihin natin sa Diyos ang lahat ng ating pagmumuni-muni at ipanalangin nating tulungan tayo na makaalpas sa espiritu ng mundo tungo sa Espiritu ng Diyos na magdadala sa atin ng tunay na kaligayahang hindi maibibigay ng kahit ano at kahit sino sa mundo.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Panalangin: Jesus, kami ay nananalig sa iyo.

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.