Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

DAILY GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Mga Minamahal ng Diyos”


 

 

Oktubre 22, 2018. Lunes. Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon. 

Salmo 100: Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang, tayong lahat na nilalang. 

Unang Pagbasa: Efeso 2:1-10

Noong una’y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos.

Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa ating laman, at sumusunod sa masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo’y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob.

Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa pag-ibig niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman.

Sapagkat tayo’y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man.

Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid kong ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa aming mana.”

Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”

Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin.

Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki.

Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya’t magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!’

“Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito’y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’

Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Pagninilay:

Ang sinumang sumobra ang bilib sa sarili ay nakalilimutan na ang Diyos. Ang Diyos na siyang lumikha sa atin. Siyang may gawa ng langit at lupa at pinanggalingan ng lahat ng kayamanan sa mundo. Lahat ng ating angking talento, abilidad at talino ay sa kanya nagmula. Ano ang ating maipagmamalaki sa harap ng Diyos?

Tulad ng nasabi sa Unang Pagbasa, ang sariling kagustuhan ng tao ang ating sinusunod. Buhat ng pumasok ang kasalanan sa atin ay nagnanais tayo lagi na tugunan ang sariling pita, sariling kagustuhan at sariling pagnanasa. Lahat ng iba pang tungkol sa ating sarili lamang. Kaya nga madalas may hindi pagkakaunawaan kapag pinipilit ng isa’t isa ang iba-ibang nais at hindi ito masunod dahil magkakaiba ang gusto at pinipilit ito ng bawat isa.

Ngunit dahil kay Cristo, sa pamamagitan niya at sa pananatili natin sa kanya, mapapagtagumpayan natin itong lahat. Dahil sa pagsunod sa Diyos ay magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa puso. Ngunit ito ay patuloy na proseso kahit panghabang buhay pa. Upang matutunan natin – paano magmahal gaya ng Diyos? Paano magbigay sa iba? Paano maglingkod sa Diyos at sa kapwa? Dahil tayo ay sadlak pa rin sa kahinaan at kasalanan na kung saan, tanging pananatili lamang natin sa Diyos ang ating magiging sandigan.

Sa gayon, ay mas kailangan natin ng Diyos upang magturo sa atin ng daan tungo sa tunay na kayamanan at kasagaanan ng buhay. Ano nga ba ito?
Pagnilayan natin, anong klase ba ng buhay ang mapapasaatin kung nabubuhay lamang tayo para sa sarili? Kung gugugulin natin ang buong buhay natin upang maging marangya ang ating pamumuhay at matapos ay mawawala din ito? Upang tayo’y may maipagmayabang sa iba?

Ganito ang sinasabi at pinapalaganap ng ating kultura ngayon na hindi alam ng karamihan. Ang kultura ng pagtatrabaho at pagbibili ng kung anu-anong maaring ipagmamalaki sa ibang tao. Para lang masabing “Pinagtrabahahuhan ko ito at nararapat lamang na ako’y magsaya”. Ito ang sabi ng ating kultura ngayon. Gaya nga nabanggit sa ebanghelyo. Mga kapatid, hindi naman masamang magsaya.

Nararapat lamang na paminsan-minsan ay damhin din natin ang galak sa ating buhay kasama ng mga mahal sa buhay – lalo sa ating pamilya na nilikha rin ng Diyos. Ngunit kung ito’y sumusobra na at nagiging sarado tayo sa ganitong komportableng buhay, kung ito ang magiging dahilan upang huwag na tayong magbigay. Upang hindi na isipin ang iba o magpalasakit pa dahil kuntento na tayo sa ating mga buhay. Magsimula na tayong magtanung-tanong sa ating mga sarili.

Pagnilayan natin, kung nagagampanan pa ba natin ang ating mas mahalagang tungkulin hindi lamang bilang anak ng mga magulang natin, ngunit lalo na bilang mga Anak ng Diyos?

Ang totoo’y walang kahit anong bagay ang makakapuno ng ating nararamdamang puwang sa loob ng sarili kung hindi ang Diyos lamang at ang pagsunod sa kanya.

Kailan pa kaya tayo huling nag-isip para sa ating kababayang nangangailangan ng tulong? Una sa lahat, nakita ba natin kung gaano tayo minahal ng Diyos at biniyayaan? O baka naman ay hindi na natin ito naisip dahil punong puno tayo ng pagpupuri sa ating mga sarili?
Mayroon ngang kasabihan na ang kayamanan ay hindi madadala sa hukay. Matapos mamatay ang tao ay wala nang silbi ang kanyang kayamanan para sa kanya. Ganito ang kahihinatnan ng mga makamundong yaman sapagkat nasa Diyos lamang ang tunay na yaman na ating dapat ipunin.

Iyong yamang hindi nakikita ngunit napapaloob sa ngiti ng mga taong ating natulungan. Iyong yamang hindi man nahahawakan ngunit nayayakap sa pamamagitan ng mga ulilang ating pinupuntahan at binibisita dahil sa pagmamahal at awa natin sa ating puso. Iyong mga buhay na ating nabago dahil sa kabutihang loob at mga taong hindi natin tinalikuran dahil kailangan ng tulong. Ito ang mga yamang hindi nakikita ngunit sa pamamagitan ng pusong nananampalataya at may pagmamahal sa Diyos at kapwa ay totoong totoo ito.

Ang sinumang may ganitong puso ang siyang tunay na mayaman sa mata ng Diyos at makamamana ng kanyang kaharian dahil mayroon siya mismo ng puso ng Diyos. Ang puso ng ating Panginoon ay matatagpuan hindi sa mga sakim, mga mapagmataas at ganid na tao. Naroroon ito sa mga taong pinakamahahirap, pinaka-api sa lahat at sa sinumang may habag at may ginagawa para sa mga ito.
Ano ang iyong pipiliin ngayong alam mo na ang katotohanan ng Diyos? Pagnilayan natin ito.

Nawa, kahit sa munting paraan, mayroon tayong kaunting pagbabagong magagawa sa ating buhay. Para tayo’y mas makatulong at makapagbigay sa ibang nangangailangan. Hingin natin ang paggabay ng Espiritu Santo at ang tulong ng panalangin ni Maria ating ina. Amen. +

Panalangin: Panginoon, gawin mo ang aming puso na katulad ng iyong Banal na Puso. Puspusin mo ito ng iyong karunungan, tunay na malasakit at pag-ibig sa iyo at sa aming kapwa. Maria, ipanalangin mo kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.