Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

DAILY GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Paghihintay natin sa Diyos”


Photo Credit: https://rapturewatcher.files.wordpress.com

 

Oktubre 23, 2018. Martes. Ika-29 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 85: Ang Poo’y nagsasalita na bayan n’yay papayapa. 

Unang Pagbasa: Efeso 2:12-22

Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo’y nabubuhay kayo sa mundo na walang pag-asa at walang Diyos.

Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati’y malayo sa Diyos ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil ang mga Judio at ang mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin.

Pinawalang-bisa niya ang Kautusang pawang mga utos at alituntunin upang ang mga Judio at mga Hentil ay maging iisang bayan na lamang, at sa ganito’y maghari ang kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan.

Naparito nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil, at sa inyong mga Judio. Dahil kay Cristo, tayo’y kapwa nakakalapit sa presensya ng Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.

Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan.

Tulad ng isang gusali, kayo’y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus.

Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon.

Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Ebanghelyo: Lucas 12:35-38

“Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito’y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto.

Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan.

Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man.

Pagninilay:

Sa panahon ngayon, talamak pa rin ang diskiriminasyon kahit saan. Tingnan lamang natin ang ating paligid. Ilang beses ba natin tingnan ng may panghuhusga ang ating kapwa na hindi gaanong mapalad tulad natin – ang mga pulubi at mga may kapansanan?

Pati na rin ang mga ibang lahi na iba ang balat at itsura, nakakaapekto sa pagtingin ng tao sa isa’t isa. Bakit nagkaganito pa rin? Tila hindi na tayo nakaalpas sa makamundong pagtingin ng mga tao. Kung ganito pa tayo tumingin sa ating kapwa ibig sabihin ay hindi pa nakatuon ang ating buong puso at pagkatao sa Diyos.

Ganito ang pangyayari kapag nakakalimutan nating tayong lahat ay Anak ng Diyos. Ang tamang paghihintay sa ating Panginoon na napapaloob sa buhay natin sa mundo, ay ang paglalagay sa Diyos sa sentro ng ating puso at buhay. Hindi natin titingnan ang iba ng masama. Maging ang kapintasan o kamalian ng iba. Mas mainam na tayo ay magbilang ng ating sariling kasalanan upang humingi ng tawad sa Diyos. Dahil lahat tayo’y pawang makasalanan. Diyos lamang ang perpekto at siyang nararapat na tagapaghusga hindi tayong mga tao.

Kaakibat nito ang pagtatanim sa ating puso, na ang lahat ng tao ay mahalaga sa mata ng Diyos dahil pare-pareho tayong nilikha, tingnan natin ng may pagpapahalaga ang isa’t isa. Walang diskiriminasyon ngunit may respeto, kabaang loob at pagpapatawad sa isa’t isa. Ito ang marka ng tunay na Anak ng Diyos – ang pagiintindi sa kanyang kalooban. Ang pagiisip tulad ng pagiisip ng Diyos hindi ng tao.

Sa gayong paraan, sa ating Ebanghelyo, tinatawag tayong laging maging handa. Ito ang paraan ng ating paghahanda sa Panginoon. Ang pagsisikap na maging mabuti hindi ang pagpayag sa masama o kasalanan. Alam natin dapat kung ano ang mahalaga sa ating buhay – ang Diyos at kapwa. Dahil ang buhay natin sa mundo ay paglalakbay lamang. Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito sa mundo.

Habang may panahon pa, gawin natin ang nararapat dahil hindi natin hawak ang oras natin. Huwag na nating hintayin pang malapit na tayo sa kamatayan bago magsisi ng kalasanan sa kumpisal kung maari naman ngayon na. Huwag na nating hintayin na matanda na tayo bago pa magkawang gawa at manalangin sa Diyos. Lalo kung maari naman ngayon kahit unti-unti basta lagi-lagi. Mas marami pa ang maitutulong nito sa atin.

Bilang Anak ng Diyos, na gamit ang kanyang karunungan, dapat ay marunong tayong tumimbang ng kung ano ang mahalaga. Magkaiba ang taong abala sa maraming bagay ngunit walang direksyon o nakakaligtaan ang mahalaga sa buhay. Kaysa ang taong marunong magnilay at tumigil paminsan-minsan upang masigurado niyang siya’y nasa tamang landas na inihanda ng Diyos para sa kanya.

Ang buhay na inialay at kasama ang Panginoon ang pinakamainam na buhay na ating mararanasan dahil siya ang may likha sa atin. Alam niya higit sa lahat, higit pa sa ating sarili ang makakapagpasaya sa atin.

Manalig tayo sa kanya at ialay ang lahat ng ating pangarap sa kanya at mga alalahanin sa buhay. Amen. +

Panalangin: Panginoon, turuan mo ako ng karunungan upang ikaw ay aking mahintay at masundan. Walang halaga ang aking buhay kung hindi rin lang nakasentro sa iyo. Gabayan mo ako at ang lahat ng aking mahal sa buhay. Maria, aming ina, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.