Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Ang Gantimpala ng Nagbibigay ng Buong Puso”


 

Nobyembre 11, 2018. Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 146: Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Unang Pagbasa: 1 Hari 17:10-16

Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.”

Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”

Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo.

Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:
Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan,
at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang takdang araw
na papatakin na ni Yahweh ang ulan.”

Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 9:24-28
Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo’y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo’y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili.

Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya’y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay.

Itinakda sa mga tao na sila’y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayundin naman, si Cristo’y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya’y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Ebanghelyo: Marcos 12:38-44

Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at nagagalak na sila’y igalang ng mga tao.

Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.

Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.”

Naupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng mga kaloob doon sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghahandog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang biyudang mahirap at naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo.

Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng biyudang iyon, bagama’t siya’y mahirap, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”

Pagninilay:

Magkaibang magkaiba ang pag-iisip nating mga tao at ng Diyos. Sa tunay na buhay kung ito ay nakita nating nangyayari din sa kasalukuyan, ilan kaya sa atin ang mas mamamangha doon sa mga mayayamang malalaking pera ang inialay?

Ilan naman kaya sa atin ang huhusgahan ang isang babaeng kakapiraso lamang at kumakalansing pa ang barya ang inihandog?

Ngunit ang Panginoong Diyos ay tumitingin sa bawat puso ng mga tao. Hindi natin pag-iisip ang pag-iisip ng Diyos ngunit atin itong mamamana kung susuriin natin at pagninilayan ang panghusga ng Panginoon sa atin.
Marami sa atin ang sabi sa sarili, “Tutulong ako kapag mayaman na ako”. O kaya “Magbibigay ako kapag ka nanalo na ako sa Lotto”. Mga bagay na hindi natin hawak at walang kasiguraduhan. Lingid sa kaalaman ng lahat, ay makakapagbigay tayo ngayon. Oo, ngayon.

Magandang pagnilayan at tularan ang biyuda sa Ebanghelyo natin ngayong linggo. Kung tutuusin ay salamin siya ng marami sa atin na nangangailangan din. Oo, sino ba naman ang hindi nangangailangan? Lahat naman tayo ay may mga kailangang tustusan at mga hinahangad sa buhay. Ngunit ang paniniwala sa Diyos ng biyuda ang nagtulak sa kanya upang ibigay ang lahat ng mayroon siya. Dahil may tiwala siyang Diyos ang gagawa ng paraan kahit sadlak na siya at said na said na. May tiwala siya sa pusong hindi siya pababayaan ng Panginoon at maraming paraan ang Diyos na hindi niya alam. Upang siya’y iligtas sa kanyang sinasapit.

Tayo kaya, may ganito ba tayong naiisip tuwing tayo ay naghihikahos at tila hindi na malaman ang solusyon sa ating mga patung-patong na problema? May sapat na tiwala ba tayo sa kanyang pupunan niya ang lahat ng ating kailangan kahit tila hindi mo na alam ang gagawin sa iyong buhay?

Ang sinasabi ng mundo ay mag-ipon ka ng maraming pera, pagsilbihan mo ang sarili mo at bilhin mo ang lahat ng iyong gusto. Matapos mong sundin ito akala mo’y mayaman ka na at naging matagumpay sa buhay. Maya-maya, mararamdaman mong kulang pa rin. Ngunit ang mga nagmamahal sa Diyos, ay malaya sa mga inaalala sa buhay.

Nagbibigay sila ng bukas palad, matapos tustusan ang pangangailangan. Ngunit hindi sila nauubusan dahil Diyos mismo ang gumagawa ng paraan upang bigyan pa sila ng mas marami. Gusto mo ba na dumami ang iyong biyaya at hindi ito maubos? Gawin natin ang kalooban ng Diyos.
Ihandog natin sa kanya ang lahat ng kaya natin na galing sa pusong tunay na nagmamahal sa kanya at sa kapwa. Linisin natin ang puso upang pag-ibig at awa ang mamayani dito hindi kasakiman. Kahit sa anong paraang kaya natin basta may pag-ibig alam nating daig pa natin ang nanalo sa kahit anong tinayaan sa buhay dahil sa Diyos ay walang lugi. Ang mga nananalig sa kanya ay hindi kailanman magbibigo. Maraming sorpresa ang Diyos kailangan lamang natin mag-abang ng may pag-asa. Lagi siyang nagbibigay ng sobra sobra pa sa ating inakala at hiniling. Magtiwala lamang tayo sa kanya.

Gaya ng naunang biyuda sa unang pagbasa. Diyos mismo ang nagpadala sa kanya ng tulong noong akala niya’y katapusan at kamatayan na niya. Mula nga noon, ay hindi na naubos muli ang langis at harina. Isang tanda para sa ating lahat na hindi rin nauubos ang biyaya ng Diyos sa atin kung tayo at matututong magbigay, hindi lamang kapag ka madali kung hindi lalo na kapag mahirap din sa atin.

Unahin natin ang Diyos at uunahin din niya tayo. Ngunit kapag hindi natin inuna ang Panginoon, naririyan pa rin siya upang tumulong. Subalit alalahanin nating nasa atin lagi ang pagpapala kung ilalagay natin ang kalooban ng Diyos na pinakamahalaga sa lahat.

Kahit gaano man kaliit at kawalang halaga sa iyong paningin ang bawat alay natin ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Hindi lamang pera, kung hindi pati ang iyong lakas, oras, talento at serbisyo na inihahandog sa Diyos sa pamamagitan ng pamamahagi ng kapwa – lahat ito ay kaaya-aya sa Diyos.

Kalugud-lugod ito kung magbibigay tayo ng may pagmamahal. Kung saan ang puso puspos ng habag, at hindi natin hinuhusgahan at sinisisi ang mga kapus-palad, ang mga pulubi, pilay at ang mga nanghihingi sa atin. Bagkus, ang mas tinitingnan natin ay ang kanilang pangangailangan. Paano kung ikaw na lang ang makakatulong sa kanila sa oras na iyon?

Hindi mahalaga ang magarbong pagtulong. Gaano man ito kalaki o kaliit, ang mahalaga ay ginawa mo dahil mahal mo at gusto mong mapabuti ang iyong kapwa. Pagnilayan natin ito at kung paano natin maisasabuhay ang Salita ng Diyos. Kapag ito’y ating sinunod masdan mong unti-unting mas mawawala ang iyong mga alalahanin dahil Diyos na mismo ang magbibigay sa iyo ng lahat dahil ibinigay mo rin sa kanya ang lahat. Wala ka nang kakailanganin pa. Hindi ka na mauubusan pa sa Diyos na Tagapagbigay ng lahat sa atin.

Panalangin: Panginoon ko, humihingi ako ng tawad sa kakulangan ko at sa kahinaan ng aking pananampalataya. Gawin mong malakas ang aking puso. Ikaw na rin nawa ang magdikta ng kung ano ang aking gagawin upang ako’y maging masagana dito sa mundo at hanggang sa kabilang buhay. Kasama mo at sa iyo. Amen. +

Maria, aming ina, ipanalangin mo kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.