Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF Religion

SUNDAY GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pagsunod nang Lubos kay Cristo”


Photo Credit: rmtcumi.wordpress.com

 

Hulyo 15, 2018. Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 85: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Unang Pagbasa: Amos 7:12-15
Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo. Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.”

Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro. Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh.

Ikawalang Pagbasa: Efeso 1:3-14

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo’y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban.

Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob na ibinigay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.

Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.

Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya’t ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!

Ebanghelyo: Marcos 6:7-13

Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan.”

Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”

Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Pagninilay:

Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos sa espesyal na paraan. Maging ang ating buhay ay hindi isang aksidente ngunit nagmula sa paglikha ng Diyos sa atin. Bawat isa sa atin ay kanyang pinili. Kahit ang ating mga magulang noong tayo ay ipagbubuntis pa lamang ng ating ina, ay hindi alam kung anong ating magiging itsura, angking galing, talento, talino at mga pag-iisip at kaugalian. Bukod sa ating kinalakhan, ang mga biyayang ito ng ating sarili at buhay ay tinanggap natin mula sa Diyos. Ang Panginoong May Likha at Makapangyarihan sa lahat ang nagisip nitong lahat sa paglilikha sa atin at bawat detalye ng ating pagkatao habang tayo ay nasa sinapupunan pa lamang ng ating ina.

Ganito nga rin marahil ang ibig sabihin ni Propetang Amos sa unang pagbasa. Si Amos ay galing sa isang karaniwang trabaho na pagpapastol. Ngunit tinawag siya ni Yahweh mula roon, iniwan niya ang kanyang pagpapastol at hinirang bilang isang propeta. Ito ang plano ng Panginoon sa kanya mula pa noong una. Mula sa tahimik na buhay siya ay napunta sa isang bokasyon at misyon na malayo sa siguradong buhay na kanyang tinatamasa noon. Sapagkat ang buhay propeta ay maraming walang kasiguraduhan na bagay. Ito ay walang hanggang tugon sa Panginoon upang gawin ang kanyang kalooban. Ang hindi pagsunod sa sarili ngunit sa Diyos lamang. Kaya naman noong siya’y pinalalayas at inuusig na ng ibang tao sa kanyang ginagawa, ay simple at pawang katotohanan lamang ang kanyang tugon. Hindi siya ang may gawa ng kanyang misyon bilang tagapagsalita ng Diyos, ngunit ang Diyos mismo. Kaya naman Diyos lamang din ang makakapagalis sa kanya sa gawaing iyon.

Sa kasalukuyang panahon, bawat isa sa atin ay isang propeta sa ating sariling paraan. May kanya kanya tayong misyon, kapangyarihan at tungkulin sa ating kinabibilangang bahay, sambayanan, komunidad, grupo, opisina, trabaho at saan pa mang bahagi ng ating buhay. Ang ating bawat gawain, gaano man ito kaliit sa ating paningin ay nakakaapekto sa karamihan. Mapansin man natin ito o hindi. Ang isang kalat na itapon sa kalsada, kung lahat tayo o karamihan sa atin ay may ganitong kaugalian ay nagiging sanhi ng pagdami ng basura sa kalsada at polusyon sa kalikasan. Sa iba, ito ay maliit ngunit kung titingnan natin, ang katotohanan ay malaki ang ating ginagampanang papel sa sosyedad.

Dito ating matututunan na bawat isa sa atin na nilikha ay mayroong saysay at halaga ang ating buhay. Hindi lang para sa atin ngunit para sa ibang tao. Tanungin natin ang sarili, ano ang isa, dalawa o tatlo na ibinigay ng misyon ng Diyos sa akin? Bawat isa nito ay mahalaga ngunit may kaakibat na sakripisyong kailangang gawin bago magampanan. Bilang isang ina na nag-aaruga ng anak ay kailangan ng maraming oras at lakas. Bilang isang ama o kahit sinong magulang na nagttrabaho para sa anak ay kailangan magsakripisyo na malayo sa anak upang makapaghanap-buhay. Lahat tayo ay may kailangang iwan panandali o pangmatagalan para sa ating dapat gampanan na tungkulin.

Higit pa dito, sa ating sariling paraan at kanya-kanyang tungkulin ay Diyos din mismo ang nangunguna, gumagabay at nagbibigay ng kinakailangan nating biyaya at lakas upang magamapanan lahat ng ito. Hindi natin kailangang panghawakan ang mga materyal na bagay sa mundo ngunit tiwala lamang sa Diyos lamang na siyang nagdudulot ng lahat ng ito sa atin. Gaya ng habilin ni Jesus sa kanyang mga alagad, ito ang kasimplehan ng ating buhay. Matuto tayong magbilang ng mga biyayang ating natatanggap at makikita natin napakarami nito at sobra-sobra pa upang mabuhay. Tandaan natin na ang ating buhay ay isa lamang paglalakbay at hindi dito sa mundo ang ating permanenting tirahan ngunit sa langit. Kung ito ay paglalakbay hindi natin kailangan magdala ng maraming kayamanan at ano pa mang sobrang kagamitan dahil lahat ng ito ay magpapabigat lamang ng ating paglalakbay. Ang sapat at simple lamang ang pinakamakapagpapasaya sa ating buhay. Diyos lamang na pinagmumulan ng lahat ng bagay ay sapat na.

Para sa mga lubos na naniniwala ang Diyos ang sentro ng ating buhay dahil Siya ang pinagmumulan ng lahat ng biyaya at buhay sa lupa at sa langit. Tinatawag tayo maging banal hindi lamang sa panglabas ngunit sa pangkalahatan. Ang pagiging banal ay hindi pagdarasal ng mahahaba at basta lamang pagtupad ng obligasyon tuwing linggo at ano pa man sa sariling panukat ng tao o mundo. Bagkus, ang tunay na pagiging banal ay tulad ng mga apostoles. Ang pagsunod sa yapak ni Cristo. Ang paggawa ng kanyang kalooban. Ang paniniwala at pagsunod sa Salita ng Diyos nang walang pag-alinlangan. Kung sinabi ng Panginoon Siya ang magbibigay ng ating lahat ng kailangan, ay nawa ay paniwalaan natin ito. Nasaan man tayo nilagay ng ating Panginoon sa ating kanya-kanyang buhay ay ganapin natin ang ating mga tungkulin nang buong pagmamahal. Sa pamilya, trabaho, opisina, sa eskwelahan at saan pang bahagi ng buhay. Mayroon tayong pakay at halaga na dapat gampanan.

Ano ang aking misyon sa buhay? Mga tungkulin, obligasyon at paraan upang maglingkod? Paano ko ito magagawa ng tama ayon sa Kalooban ng Diyos? Ano ang mga ‘sobra’ sa aking buhay na nagpapabigat ng aking kalooban at buhay?

Panalangin: Magmuni-muni nang tahimik at sabihin ang lahat ng ating dinadala sa kalooban sa Panginoon.

Maria, Ina ng Awa. Ipanalangin mo Kami.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.