Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF Religion

SUNDAY SPECIALS of the WORD: “Ang Pag-ibig sa Diyos ay Higit sa Lahat sa Mundo”


 

Nobyembre 4, 2018. Ika-31 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 18: Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay. 

Unang Pagbasa: Deuteronomio 6:2-6

Ang mga ito’y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito’y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay.

Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo’y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.

“Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang mga utos niya’y itanim ninyo sa inyong puso.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 7:23-28

Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya’t walang katapusan ang kanyang pagkapari. Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

Samakatuwid, si Jesus, kung ganoon, ang Pinakapunong Paring nakakatugon sa ating pangangailangan. Siya’y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan.

Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una’y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao.

Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito’y magpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili.

May mga kahinaan ang mga pinakapunong pari na pinili ayon sa Kautusan ngunit ang Dakilang Pinakapunong Pari na pinili ayon sa panunumpa ay ang Anak na ginawang ganap magpakailanman. At ang ipinangako ng Diyos ay huling dumating kaysa sa Kautusan.

Ebanghelyo: Marcos 12:28-34

Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”

Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon.

Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.’

Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”

Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.”

Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya’t sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Pagninilay:

Paano nga ba natin ipinapadama sa ating minamahal ang ating pag-ibig sa kanila? Siguro kung mayroong isang bagay na sadyang nakaparaming kahulugan at interpretasyon na hindi mabilang at ito ay ang pag-ibig. Kaya nga, hindi sa salita kung hindi sa pamamagitan ng gawa pinakamainam na masasabing mahal natin ang Diyos at mahal natin ang kapwa natin.

Madaling bigkasin ang mga katagang “Minamahal Kita”, ngunit ito’y mahirap gawin. Kinakailangan itong pagtrabahahuhan. Kailangang magbigay ng sapat na oras upang ito’y lumago.

Lingid sa alam ng karamihan ay hindi isang emosyon ang pag-ibig. Dahil kung ito ay isang emosyon hindi ito maiuutos sa atin ng Panginoon dahil ito ang emosyon ay kusa lamang nararamdaman. Ngunit dahil ang pag-ibig ay naiuutos at ito nga ang pinakamahalagang kautusan sa lahat. Sapagkat, dito nagmumula ang lahat ng iba pang mga kautusan maging lahat ng katuruan ng ating simbahan lahat ay ukol sa pagmamahal.

Maging ang Krus mismo ni Jesus na tanda ng paghihirap ngunit tanda rin higit nga ng pag-ibig Niya sa atin. Iisa lang ang ibig sabihin nito, ang pag-ibig ay pinipiling gawin. Dito pumapasok ang isa pang tanyag na kataga ng iba “Love is a Choice”. Ito ay base dapat sa desisyon. Tingnan ninyo, ang kahit anong nagtatagal na relasyon at pag-iisang dibdib sa pagitan ng dalawang tao. Hindi basta basta nawawasak ang ugnayang, pinagiisipan, pinagninilayan, tinutugma sa damdamin, tinutugma sa kalooban at Salita ng Diyos, kinukumpirma sa panalangin sa May-Kapal at hinihintay nang may buong tiyaga. Kahit anong delubyong dumating, hindi sila matitibag dahil nakaugat sila sa katotohanan ng buhay.

Ang katotohanan na laging may pagsubok sa ating buhay. Wala tayong takas dito maging si Jesus ay naghirap noong siya’y nabubuhay. Ngunit ang mahalaga sa tunay na pag-ibig, ay ang desisyong manatili sa piling ng minamahal kahit gaano kahirap. Mula sa pagkapit sa Diyos at pananatili sa ating minamahal. Tangunin ang sarili, “Ano ang tingin ko sa pag-ibig?” “Saan ako nagkamali ng pag-iisip ukol dito at ano ang dapat kong baguhin ayon sa Salita ng Diyos?”

Kahit na mahirap na, kahit na wala na tayong nakukuha at nasasaktan na, mapipili nating magmahal pa rin. Gaya ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Hindi ba ganito siya sa atin? Kahit na tinalikuran na natin siya. Itinatwa, isintabi, pinipili niya pa ring lagi na mahalin tayo.

Malinaw sa Ebanghelyo ngayon na una sa lahat, higit sa anupamang bagay sa lupa o sa mundo, dapat ituon ang ating buong puso, buong kaluluwa at buong lakas upang mahalin ang Diyos. Sa kanya nagmumula lahat ng tunay at nagtatagal ng pag-ibig. Isang kahangalan ang isiping makakatagal ang kahit anong bagay o ugnayan, relasyon ng kahit sino nang wala ang Diyos. Sa mga nagsasabing “Walang Poreber” malamang ay nakaligtaan nilang ilagay ang Diyos sa sentro ng Diyos o nakaligtaan kung doon ba sila talaga sa plano ng Diyos o plano lamang ng kanilang sarili. Ano ang mas mahalaga?

Paano nga ba ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa at lakas? Maraming paraan, depende sa tao. Ngunit isa mga konktretong paraan ay ang pagsusuri ng ating puso, pagbibigay ng pag-ibig sa ating ginagawa at pag-aalay ng lahat ng ito sa Diyos. Halimbawa na lamang sa ating pagsisimba, ibigay natin ang buong atensyon sa Diyos.

Damhin natin ang kanyang presensiya. Pagpahalagahan natin ang Misa at panalangin, hindi dahil may gusto tayong makuha mula sa Diyos o dahil ito ay isang obligasyon ngunit dahil gusto nating makapiling ang ating minamahal na Panginoon sa Banal na Piging at gusto natin siyang tanggapin sa Banal na Komunyon. Ipanalangin nating magkaroon tayo ng pusong mapagpasalamat sa Diyos at tiyak mag-uupamaw ang kagalakan sa ating puso. Nilikha niya tayong sa kanya lamang magkakaroon ng kakuntentuhan sa buhay.

Isa pang paraan ay pagsunod sa kanyang mga Salita at alituntunin gaya ng pagpapatawad at paghingi ng tawad sa ating mga kasalanan at ng kasalanan ng ibang tao. Ang mga ito ay malaking bagay na. Kung sa ating mga nasasaktang tao, nakakahingi tayo ng tawad. Bakit hindi sa Diyos na siyang pinakanasaktan natin sa lahat?

Kung nakakasakit tayo ng iba, nasasaktan natin ang Diyos. Kung nakakasakit tayo ng ating sarili, nasasaktan natin ang Diyos. Sa isip salita at sa gawa. Sa maraming paraang hindi natin na siguro alam ngunit dapat alamin. Hindi ba’t kung mayroon tayong minamahal na lubos, gusto natin siyang paligayahin at pasayahin? Kung nagagawa natin sa tao, higit na dapat nating gawin sa Diyos nang tayo’y mamuhay ng masagana at mahaba hanggang buhay na walang hanggan.

Panalangin: Panginoon, bigyan mo ako ng bagong puso. Yung katulad ng sa iyo at nagmamahal lamang gaya mo. Maria at Jose, ipanalangin ninyo kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.