Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF Faith God Religion

SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Kalakasan ng ating Pananampalataya sa Diyos”


Photo Credit: zenit.org

 

Hulyo 1, 2018. Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 30: Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak. 

Unang Pagbasa: Karunungan 1:13-15, 2:23-24

Ang kamatayan ay hindi gawa ng Diyos. Hindi siya nalulugod sa pagkamatay ng alinmang may buhay. Ginawa niya ang bawat nilalang upang magpatuloy, at lahat ng nilalang niya ay mabuti at mahusay.

Wala silang kamandag na nakamamatay.
Ang kamatayan ay di naghahari sa daigdig na ito, sapagkat ang katarungan ng Diyos ay walang kamatayan.

Sapagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi upang maging larawan niyang buháy. Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.

Ikalawang Pagbasa: 2 Mga Taga-Corinto 8:7, 9, 13-15

Subalit habang kayo’y sumasagana sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin sa inyong pag-ibig sa amin: sikapin din ninyong manguna sa pagkakawanggawa.

Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kahit na mayaman, naging mahirap siya upang mapayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging mahirap.

Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo, kundi upang matulungan ninyo ang isa’t isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila’y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, pareho kayong nakatulong sa isa’t isa. Tulad ng nasusulat,

“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

Ebanghelyo: Marcos 5:21-43

Si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya’y lumuhod sa paanan nito at nagmamakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”

Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya’t halos maipit na siya.
Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya agad sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”

Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”

Subalit patuloy na lumingun-lingon si Jesus sa paghahanap sa kung sinong humipo sa damit niya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”

Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.

Ngunit nang marinig ito ni Jesus, hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinabi. sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang.”

Walang isinama si Jesus noon maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya’y natutulog lamang.”

Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.

Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha Kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, bumangon ka!”

Noon di’y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito’y labindalawang taóng gulang na. Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

Pagninilay:

Gaano ba kahalaga ang ating pananampalataya? Ito ang tanging makakapagsalba sa atin ayon sa ating Panginoong Jesus. Ang kamatayan, sakit, kasalanan ay hindi kailanman nilikha ng Diyos. Siya ang Diyos na buhay at nagbigay ng buhay sa ating lahat. Mula pa noong una, tayo ay binilinan Niyang magparami, mamunga at magbigay din ng buhay sa ating mga gawain. Ito ang daan nan gating pakikisalo sa Kanyang gawain ng pagmamahal at paglilikha ng anumang bagay dulot ng pag-ibig. Gaya ito ng paglikha Niya sa ating lahat kasama na ang buong kalikasan at mga hayop sa lupa. Ito nga ang ating natunghayan sa unang pagbasa mula sa aklat ng Karunungan.
Pangalawa, kung tayo ay naniniwala dito, isa sa daluyan ng pagbibigay buhay sa kapwa ay ang pagtulong sa kanila.

Ang pagbibigay ng bahagi ng ating sarili sa kanila sa pamamagitan ng paglilingkod, serbisyo, pangunawa at pagtanggap at iba pang mga gawaing mula sa puso at mga pagkakawanggawa. Hindi tayo binigyan ng buhay ng Panginoon para lamang sa ating sarili. Kung tayo lamang ay nabubuhay sa ating sarili, kay lungkot naman ng buhay! Pagkat hindi tayo ganito nilikha ng Diyos. Ginawa tayo ng Diyos para sa isa’t isa. Upang magmahalan at magbigayan at dito tayo pinakamagiging masaya sa ating buhay. Bagamat may hirap na kaakibat ang sakripisyo at paglilingkod, pati ang pagbibigayan, ang ligayang dulot nito ay walang katulad.

Ang ating Panginoong Jesus ang ating pinakamagandang halimbawa at patunay ng dakilang pag-ibig na ito. Isang pag-ibig na hindi napapagod ibigay ang sarili nang buong buo sa Kanyang minamahal. Anuman ang kaukulang kailangang gawin upang ipadama ito ay ginagawa lahat ng Diyos. Kahit kailangan Niyang buhayin ang patay, gumawa ng milagro at pagalingin ang sakit na sinasabi nilang wala nang lunas. Lahat ito na gawain ng Panginoon ay upang maipadama ang Kanyang walang hanggang pagmamahal sa atin.

Ipinaliwanag ni San Pablo na kinailangang bumaba dito sa lupa upang tayo ay mailigtas at mapagaling sa ating karamdaman ng kasalanan kalooban at ang ating kahinaan. Iniwan ni Jesus ang perpektong buhay sa langit dahil mas pinipili Niya na magdusa kasama natin upang tayo ay makapiling Niya sa kabilang buhay kung saan ang ligaya ay walang hanggan. Isa itong misteryo at pangako na makakamtan lamang ng mga may pananampalataya at paniniwala gaya ng mga tao na dumulog kay Jesus upang mapagaling sila.

Kaya lamang, ang lahat ng ito ay posible sa mga naniniwala nang lubos at walang duda sa Panginoon. Ito ang pagtatagpo ng kagustuhan ng Panginoon na maramdaman natin ang Kanyang dakilang pagmamahal. Ngunit mararanasan at madarama lamang ito ng mga pusong bukas sa kanya at iniimbitahan Siyang pumasok sa ating mga buhay at puso. At ang daan na ito ay ating pananampalataya na dapat nating alagaan dahil araw-araw, ang ating mga pagdududa, pag-aalala at kakulangang paniniwala ang siyang maghihiwalay sa atin at sa Panginoon. Hindi tayo matutulungan nang lubos kung ayaw nating magpatulong at kung tayo’y nakakulong sa ating sariling kawalang tiwala sa Diyos.

Nawa ay maging bukas tayo sa Panginoon, nang may lubos na paniniwalang walang imposible sa Kanya kung gusto Niya tayong pagalingin sa isang karamdaman, iligtas mula sa kamatayan kahit pa sabihin ng mundo nang walang lunas, ang paniniwalaan pa rin natin ay si Jesus at ang Kanyang kalooban sa atin.

Hilingin natin sa Panginoon na buuin Niya at gawing ganap ang ating pananampalataya upang ito nawa ang maging daan ng ating paggaling sa anumang karamdaman ng ating puso, katawan, isip at kaluluwa.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.