Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Tunay na Lakas mula sa Diyos”


 

Agosto 12, 2018. Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon. 

Salmo 34: Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.

Unang Pagbasa: 1 Mga Hari 19:4-8

At mag-isa siyang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.” Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog.

Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” Nang siya’y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli.

Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo’y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai, ang Bundok ng Diyos.

Ikalawang Pagbasa: Efeso 4:30-5:2

At huwag na ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo ng Diyos, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo’y tutubusin pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa.

Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa’t isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

Dahil kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.

Ebanghelyo: Juan 6:41-51

Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya masasabi ngayong, ‘Bumaba ako mula sa langit’?”

Kaya’t sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’

Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, ngunit sila’y namatay.

Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan.”

Pagninilay:

Madalas ang ating sariling pang-unawa ang nakakabalakid sa ating pananampalataya at sa pagtanggap ng pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos at ang Kanyang pag-ibig para sa atin ay isang misteryo. Napakalawak nito para intindihin nang buo. Ngunit kung bukas ang ating puso at isip, ito ay ating mauunawaan sapat lamang upang Siya ay ating matanggap sa ating puso, para sa kaligtasan ng ating kaluluwa.

Ang tinutukoy dito ay ang Banal na Eukaristiya. Ang mismong Banal na Katawan at Dugo ni Jesus na ating tinatanggap tuwing Banal na Komunyon. Ikalawang linggo na ngayon na ang ating ebanghelyo ay tungkol sa Tinapay ng Buhay na si Jesus. Marahil ay panahon na upang tayo ay sukatin ang ating sariling pananalig. Gaano kahalaga ba sa akin ang tunay na laman at dugo ni Cristo? Ako ba ay naniniwala nang buong puso sa Sakramentong ito na nasa puso ng ating pananampalataya?

Marahil, ay nahihirapan tayong paniwalaan kung paanong nagkasya ang Panginoon sa isang maliit ng tinapay na ating nakikita sa simbahan. Kung paanong bumaba ang Diyos mula sa lupa upang maging ating pagkain na magbibigay buhay na walang hanggan at mabuhay sa ostiya na ating tinatanggap. Kung paanong Diyos pa ang nag-alay ng kanyang buhay para sa ating ginawang kasalanan. Hindi ito lahat masasagot ng lohika, agham o ano pang makamundong katwiran. Ito ay maiintindihan lamang ng isang pusong marunong magmahal.
Kung ang mga magulang nga na lubos na nagmamahal ay maraming sinasakripisyo para sa anak, ni minsan hindi na makakain ang sarili o kaya wala nang maibili para sa sarili kundi para na lamang lahat sa anak.

Paano pa kaya ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng pag-ibig sa puso ng mga tao at magulang? Ang mga bayani nga, ginugunita sa pagkamatay nila alang-alang sa bayan. Paano pa ang Diyos na bumaba sa langit upang tayo ay mabuhay?

Ang Diyos ay makapangyarihan at kayang gawin ang lahat ng naisin. Mailigtas lamang tayo alang-alang sa pagmamahal sa atin. Kahit pa siya ay mag-alay ng buhay para sa ating lahat. Ngunit itong lahat ay balewala kung walang tatanggap. O kung may tumatanggap man sa atin pero hindi tayo naniniwala. Ang lahat ng ito ay walang katuturan. Ang ating pagsawalang bahala ay nakakalungkot sa ating Diyos, alam natin ang pakiramdam ng sakit ng hindi minamahal tulad ng pagmamahal natin sa isang tao. Naisip kaya natin na kung tayo ay tila nanlalamig ang puso sa Diyos ay parehong sakit ang ating idinudulot sa Kanya at mas higit pa?

Laging naghihintay ang Diyos sa atin sa simbahan upang tanggapin siya kahit ganun pa man. Nawa ay linisin natin ang ating mga puso sa pangungumpisal at pagbabago ng ating puso at kaluluwa upang maging karapat-dapat sa Panginoong ibinigay ang lahat-lahat hanggang sa huling patak ng Kanyang dugo para sa atin.

Sa ating buhay at pakikipag-ugnayan sa Diyos, kailangang tayo ay maniwala muna kahit hindi natin nakikita, at saka natin mararanasan at mararamdaman. Para sa iba, madalas subukin ang Diyos. Parang ang mga Pariseo noon na kalaban ni Jesus. Walang pananalig sa kanilang puso, gusto agad ng patunay. Napakahirap pa ba talaga kahit hanggang ngayon para sa atin upang tanggapin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos?

Ito nga ay isang misteryo at hindi natin mauunawaan ng ating utak pangtao kumpara sa karunungan ng ating Panginoon na siyang gumawa ng lahat ng bagay sa langit at lupa. Kung ang ating sarili pa nga kaya, ay hindi natin maintindihan. Maging kung paano ng aba tumitibok ang puso nang walang tigil mula pagkabuo ng tao sa sinapupunan hanggang sa kamatayan, paano pa kaya ang Diyos? Kailangan lamang natin matutong magmahal at ito ay ating mauunawaan at matatanggap sa ating puso.

Ang Eukaristiya ay tunay na laman at dugo ng ating Panginoon. Ito ang isang regalo at himala na araw-araw ay ebidensiya ng kanyang pag-ibig sa atin na nasa lahat ng simbahan. Para sa mga totoong naniniwala at nanalig sa kanya, ang pagtanggap ng Banal na Komunyon nang may malinis na puso ay maraming biyayang kaakibat. Kung paanong siya ay lumikha sa atin, kayang kaya din niya tayong pagalingin kung may sapat tayong pananampalataya. Anumang ating karamdaman sa kalooban at sa ating puso, isipan at katawan ay kaya niyang hilumin.

Ang Katawan ng Diyos sa Eukaristiya at Banal na Komunyon ay naghihilom at naggagamot tulad ng ating nababasa at naririnig sa Kanyang Salita. Ito rin ang nagbibigay sa atin ng lakas ng espiritwal, upang malabanan natin ang mga tukso at mga masama sa ating buhay. Dahil ito mismo si Cristo.

Hindi man natin maintindihan ng buo ang kanyang kapangyarihan at pag-ibig ay hindi na mahalaga. Ang mahalaga lamang ay ating tinatanggap sa puso kung ano ito sa atin. Gaano katindi ang aking paniniwala sa Salita ng Diyos na nararanasan ko sa Misa?

Sa unang pagbasa, natunghayan natin na si Elias ay binigyan ng pagkain ng Diyos mula sa langit sa pamamagitan ng anghel. Dahil dito siya ay nakapaglakbay ng 40 araw at 40 gabi. Samantalang tayo, na tumatanggap ng Banal na Katawan at Dugo ni Cristo sa Misa tuwing linggo at kahit araw-araw pa ay magkakaroon ng Buhay na Walang Hanggan. Kung ang pagkain nga dito sa lupa, nabibigyan tayo ng sapat na lakas upang tayo ay makapagtrabaho at makagawa ng ating tungkulin, paano pa kaya ang Katawan ng ating Diyos?

Tandaan natin na kung wala ang Panginoon, wala rin tayong magagawa. Siya ang ating Buhay. Ang Buhay na Walang Hanggan. Wala nang iba pa. Alalahanin nawa natin ang pag-ibig Niya sa atin na napapaloob araw-araw at tuwing linggo sa Banal na Eukaristiya at ito sana ang ating maging sandigan at panggalang sa lahat ng ating kinakaharap habang nandito sa mundo at hanggang sa buhay na walang hanggan. Amen. +

Panalangin: O Diyos na Mahabagin at Mapagmahal sa lahat, na siyang nag-alay ng buhay para sa pagmamahal sa akin. Ang iyong dugo at katawan ay aking tunay na pagkain tungo sa buhay na walang hanggan. Kaawaan mo ako at tulungan sa aking kinakaharap sa kasalukuyan.

Bigyan mo nawa ako ng lakas upang makaganap sa aking mga tungkulin sa buhay ngayong darating na linggo, sa araw-araw ng aking buhay at hanggang sa matanggap kitang muli sa Banal na Komunyon. Ikaw ang lakas ko Panginoon, ngayon at magpasawalang hanggan. Gabayan mo ang ako at ang lahat ng aking minamahal sa buhay. Ito ay dalangin naming sa Ngalan ni Jesus. Maria, Aming Ina, Ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.