Daily Gospel on DCF

SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay”


SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay”

Agosto 5, 2018. Linggo. Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 78: Panginoon ang nagbigay ng pagkaing bumubuhay.

Unang Pagbasa: Exodo 16:2-4, 12 – 15

Ang mga Israelita’y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana’y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito’y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin.

“Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo’y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”

Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. Hindi nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”

Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh bilang pagkain.”

Ikalawang Pagbasa: Efeso 4:17, 20-24

Sa pangalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip. Hindi ganyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Cristo. Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutuhan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. Iwanan na ninyo ang dating pamumuhay.

Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.

Ebanghelyo: Juan 6:24-35

Kaya’t nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.

Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya’y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”
Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog.

Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.”

Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”

“Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.

“Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan ni Moises ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.

Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Dahil ang tinapay na galing sa Diyos ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”

Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”

Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.

Ebanghelyo:

Napakahalaga ng pagkain sa ating buhay. Ito ang nagbibigay lakas sa ating katawan. Pinagkukunan ng ating enerhiya para tayo ay makagalaw at makakilos sa araw-araw. Talaga naman tayong mga tao ay likas na mahilig sa pagkain. Lalo na tayong mga Pilipino na kung saan halos sa kahit saang grupo, komunidad, pamayanan at ang bawat pamilya ay mahilig magkaroon ng salu-salo. Kung saan mayroong pagtitipon at pagkain ay laging masaya ang mga tao at busog pa.
Kaya nga naman maging ang mga tao noong panahon ni Jesus, ay hinahabol habol ang ating Panginoon matapos niyang gumawa ng himala at nagpakain ng libu-libong tao. Matatandaang gamit ang kakarampot na tinapay at isda ay napagkasya sa lahat at may sobra pa.

Ngunit kakaiba ang sagot ni Jesus sa kanila noong siya ay hinahanap ng mga taong iyon. Walang makaliligtas sa ating Panginoon . Alam Niya ang laman ng kanilang mga puso. Alam Niyang kaya sila sumusunod dahil kay Jesus ay dahil sa pagkaing kanilang natikman at dahil nabusog ang kanilang mga kumakalam na sikmura.

Subalit hindi ang pagkaing kanilang natikman at hinahanap ang nais ibigay ni Jesus sa kanila. Tinutukoy ni Jesus ang “Tinapay ng Buhay”. Anong kaibahan nito sa karaniwang tinapay na ating kinakain araw-araw?

Ang Banal na Presensiya.

Ang tinutukoy ng Panginoon ay ang pag-aalay ng Kanyang sarili sa hapag-kainan na ating tinatamasa hanggang ngayon tuwing Banal na Misa. Kinailangan Niyang magpakasakit, mamatay, at muling mabuhay upang ating maging pagkain. Ang pagkain sa Katawan at Dugo ni Cristo ay hindi lamang magbibigay sa atin ng lakas sa araw na ating kakailanganin. Si Jesus ang Tinapay ng Buhay na magbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Hindi ito panandalian lamang na pantawid gutom o pantakip ng uhaw. Siya mismo ang ating Buhay. Tanungin natin ang ating sarili, kung si Cristo nga ba na ating tinatanggap tuwing Banal na Misa ay ating tinatanggap din bilang pagkaing kailangan ng ating puso at kaluluwa na sugatan, gutom at uhaw?

Araw-araw ang Diyos ay ating kapiling sa ating kalooban ng ating puso at sa ating labas. Sa lahat ng ating paligid ang presensiya ng Diyos ay naroroon. Lalung-lalo na sa Banal na Eukaristiya kung saan ang kanyang tunay na laman ay ating tinatanggap at tayo ay nagiging kanyang laman. Bahagi tayo ng iisang katawan ni Cristo.

Iilan nga ba sa ating mga Katoliko ang naniniwala sa Totoong Presensiya ng Diyos sa “tinapay” na ating tinatanggap tuwing Banal na Misa? Ito ay napakagandang regalo ng pag-ibig ng Diyos na ating nababalewala.

Paghahanda.

Respeto, malinis na puso at pangungumpisal. Ang kasalanan ay hindi kaugnay ng Panginoon sa ating puso. Anong uri ng tahanan ang ating inihahanda para sa Panginoon? Tuwing tinatanggap natin siya sa Banal na Misa, malinis ba ang ating kalooban at konsensiya? Hindi nga ba tayo nakaggawa ng mortal na kasalanan na hindi natin inihihingi ng tawad? Tandaan natin, na ang mga sugat at dugo na dumanak mula sa Sagradong Katawan ng Panginoon, ay ang ating kasalanan ang siyang dahilan.

Mangumpisal tayo at humingi ng tawad upang ang ating kalooban ay maging kanais-nais na tahanan ng Diyos at hindi isa na namang dahilan upang siya ay ating muling masaktan at masugatan sa pagtanggap natin kung ang ating puso ay puno ng kasalanan.

Kapangyarihan ng Panginoon: Sakramento ng Pag-ibig.

Sakramento ng Pagmamahal ang tawag sa Banal na Eukaristiya. Binigay ni Jesus ang Kanyang sarili upang ating kainin. Siya ang Tinapay ng Buhay. Kung paano tayo nagkasala mula sa ating mga magulang, sa pamamagitan ng pagkain ng ipinagbabawal na prutas ay siya rin dapat tayong kumain ng Katawan ng Panginoon upang tayo ay maging malakas. Bawat pagtanggap ng Katawan at Dugo ni Cristo, ang ating mga sakit ng katawan, puso at kaluluwa ay kayang kayang hilumin ng Diyos na lumikha sa atin na muling bumibisita sa ating puso, isip at kaluluwa. Ngunit kakaunti lamang ang naniniwala, nakakaramdam at nakararanas nito.
Madalas, pagkatanggap natin sa Panginoon, hindi man lamang natin siya kinakausap.

Masyadong abala ang ating puso at isip sa ibang bagay. Hindi man lamang natin siya inaanyayahang magtagal sa ating mga sarili. Pagnilayan natin ang ating pagtanggi sa kanyang presensiya at ang patuloy Niyang pag-aalay ng kanyang sarili sa atin bagamat patuloy natin siyang naitatanggi.

Nawa ay ating maramdaman na ating pagkauhaw at pagkagutom sa buhay ay hindi lamang ordinaryong pagkain ang makakapukaw. Maraming mga tao sa ngayon ay balisa. Hindi malaman o matagpuan ang kaligayahan sa buhay. Ganito ang nangyayari kung nawawala ang Diyos sa ating buhay. Tandaan natin na tayo ay nilikha ng Diyos para sa Kanya at tanging Siya lamang ang makakapukaw ng ating pagkagutom at uhaw na hindi kailanman maibibigay ng mundo.

Kailangan natin si Jesus. Kailangan natin ng Kanyang katawan at dugo upang ang ating mga puso at kaluluwa ay mabusog at hindi na magutom at mauhaw pa kailanman. Pagnilayan natin ito.

Panalangin: Panginoon, nagpapasalamat kami at humihingi rin ng tawad sa iyo. Patawarin mo kami sa aming paulit-ulit na pagtatanggi at pagsasawalang bahala sa iyong pag-aalay ng pag-ibig sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Hilumin mo ang sugat ng aming katawan, puso at kaluluwa sa aming pagtanggap sa iyo.

Salamat sa iyong patuloy na pag-aantay sa amin sa araw-araw. Kahit pa ikaw ay aming talikdan, ikaw ay hindi tumatalikod sa amin.

Nawa ay bigyan mo kami ng bukas na puso upang ikaw ay tanggapin nang bukal sa loob at manatili ka nawa sa amin at sa sentro ng aming buong pamilya. Bigyan mo po kami ng iyong kapayapaan.

Hinihiling naming ito sa iyong Matamis na Ngalan at sa tulong ng panalangin ni Maria Ina ng Awa. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita


Reactions:

Join Discussion

Tagged
Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.