Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

SUNDAY’S WORD OF GOD on DCF: “Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Taong Bingi at Pipi”


Setyembre 9, 2018. Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 146: Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Unang Pagbasa: Isaias 35:4-7

Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
Darating na ang Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.”

Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi. Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi. Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig, at dadaloy sa disyerto ang mga batis.

Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa, sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat, ay tutubuan ng tambo at talahib.

Ikalawang Pagbasa: Jaime 2:1-5

Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao.

Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang mahirap na puro sulsi ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Mga kapatid kong minamahal, tingnan ninyo nang mabuti! Hindi ba’t ang pinili ng Diyos ay ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya?

Ebanghelyo: Marcos 7:31-37

Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay.

Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi.

Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi’y, “Bumukas ka!”

Noon di’y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita.

Buong paghangang sinasabi nila, “Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!”

Pagninilay:

Walang imposible sa Diyos kung tayo ay lalapit sa kanya nang may buong pananampalataya. Ano ba ang ating pangangailangan? Ano ba ang ating nararamdaman? Lahat ito ay maari nating sabihin sa Diyos. Huwag nating sarilinin ang ating mga dinadala o isiping wala na tayong pag-asa. Marapat lamang na dalhin natin ang kapangyarihan ng Diyos na kanyang naipamalas sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Tuwing ating titingnan ang Krus, makita nawa natin ang kanyang lakas na ipinamamahagi sa atin.

Ang lakas at pagpapagaling na ito na handang ipagkaloob ng Diyos sa atin, sa pagkakataong tayo ay bukas sa kanya. Ang mundo sa ngayon na sadyang napakagulo at puno ng kasamaan ay kailangan nang pagpapagaling ng Diyos. Kung saan may kasamaan ay wala ang pag-ibig kaya mas kailangan nito ng dampi ng init ng pagkalinga sa oras ng kahinaan ng tao.

“Effata!” Sigaw ni Hesus at bumukas ang hindi nakakarinig na tainga ng dating bingi at pipi. Sumigaw si Jesus sa langit at sinabing “Mabuksan!” at siya ay gumaling. Dito ating matutunan, na kung ating hahayaan ang Diyos na buksan ang ating puso at diwa sa kanya, tayo ay gagaling din.

Paano nga ba buksan ang ating puso sa Panginoon?
Madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Hindi naman maaring literal na ating buksan ang pisikal na puso sa loob ng katawan upang ito ay mabuksan. Ibang “operasyon” ang ating kailangan at ito ay ang pagbubukas natin ng ating damdamin sa Panginoon. Ang damdamin na nasa loob ng ating mga puso. Ang puso ay sumasalamin sa ating tunay na diwa. Sabi nga nila ang hugis ng dalawang tainga, kung ito ay pagdikitin ay tila hugis ng isang puso. Ang tunay na nakikinig gamit ang tainga ay nakikinig gamit ang puso. Itong dalawa ay hindi maaring paghiwalayin. Bagkus, ito ay laging magkasama.

Ang ating tunay na pagkatao, totoong nararamdaman, maganda man o hindi, kapayapaan man o pagkabagabag – lahat ito ay ibuhos natin sa Diyos. Kung ating hahayaang ang Diyos ang magbukas ng ating diwa at wala tayong itatago sa kanya na parang isang matalik na kaibigan na hinihingahan ng sama ng loob sa panahon ng pangangailangan, ay magbubukas din ang kalangitan sa atin.

Sa panahong tayo ay nababagabag at natatakot sa buhay, minsan ay naiisip nating tayo ay mag-isa at wala nang pag-asa. Atin sanang alalahaning tumingin sa langit tulad ni Jesus. Tayo ay magdasal. Tulad Niya ay ihinga natin ang ating mga dinadala sa Panginoon at hindi man tayo sagutin ng Diyos agad, tiyak ay naririnig niya tayo.

Dahil ang Diyos ang mismong nagbigay sa atin ng ating paningin at pandinig. Gusto niyang gamitin natin ito sa makabuluhang bagay. Unang una, sa pakikinig ng kanyang Salita. Pakinggan natin ang Kanyang Salita gamit ang ating puso sa pamamagitan ng pagsusuri at pagninilay: “Ano ang koneksyon nito sa aking buhay? Ano ang gusto ng Diyos na aking baguhin o gawin ayon sa Kanyang Salita?”

Hindi ang taingang kawali ang ating gagamitin kung saan ay pasok sa kanan ay ilalabas naman sa kaliwa. Hindi ganito ang tamang pandinig. Dahil kung ganito ay tila tayo mga pipi at mga bingi na rin at mas kailangan natin ang Diyos sa mga panahong tila hindi natin siya marinig. Lalong mas kailangan nating lumapit sa kanya, at magpursigi sa pagdarasal at paghingi ng tulong sa Diyos. Minsan sa mga ganitong pagkakataon ay sinusubok lamang tayo nang Diyos upang mas lumago sa ating pasensya. Mas matagal na paghihintay ng grasya, mas malaking biyaya ang inihahanda sa atin ng Diyos dahil lagi niya tayong binibigyan ng mas higit pa sa ating inaasahan. Patuloy lamang tayong kumapit sa oras ng matinding kagipitan at karamdaman.

Tanging Diyos lamang na may likha sa atin at may akda ng ating buhay ang pinakamakapagpapagaling sa atin. Hindi lamang sa pisikal na karamdaman na maaring magamot ng tao, medisina at mga doktor ngunit lalong lalo sa mga karamdaman ng isip, puso at kaluluwa na hindi agad agad nakikita ng karaniwang tao. Ang Diyos ay alam itong lahat. Naghihintay lamang siyang tayo ay magpunta sa kanya, at hingin ang kanyang tulong. Ito nga ay ibibigay sa atin anumang oras gustuhin.

Ganito nga tayo kamahal ng Diyos. Manalig tayo sa kanya at hilingin nating tayo ay tuluyang pagalingin lalo sa mga panahon ngayon na mas kailangang kailangan natin siya.
Hayaan nating hipuin tayo ni Jesus gamit ang kanyang Salita. Ibigay natin ang ating buong atensyon sa Banal na Misa at panatilihin natin sa ating puso kung ano man ang ating natutunan sa Kanya.

Pagnilayan natin ang Kanyang salita sa umaga at gabi sa panalangin, nang ating marinig kung ano ang espesyal na mensahe sa atin ng Diyos. Tayo ay mga lubos na minamahal ng Diyos na pinag-alayan Niya ng kanyang buhay. Hinihintay lamang niyang makita at marinig natin mula rin mismo sa kanya kung gaano niya tayo kamahal sa pamamagitan ng kanyang Salita.

Panalangin: Panginoon, buksan mo ang aking puso, isip at diwa. Dampian mo ako ng iyong pag-ibig at hayaan mong ito ay aking madama sa paraang hindi ko pa nararanasan dati dahil ako’y bingi at pipi. Marinig ko nawa ang iyong mensahe ng pag-ibig at baguhin nawa ako nito. Amen. +

Maria, Aming Mahal na Ina, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.