Bible Daily Gospel on DCF Religion

SUNDAY’S WORD OF GOD on DCF: “Ang Tunay na Lakas Natin ay ang Diyos”


 

Agosto 19, 2018. Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 34: Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.

Unang Pagbasa: Kawikaan 9:1-6

Gumawa na ng tahanan itong karunungan, na itinayo niya sa pitong patibayan. Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin, ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain. Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan, upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:

“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:

“Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.

Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Ikalawang Pagbasa: Efeso 5:15-20

Kaya’t mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon.

Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ebanghelyo: Juan 6:51-58

Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan.”

Dahil dito’y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”

Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.

Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya.

Buháy ang Ama na nagsugo sa akin at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.

Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

Pagninilay:

Sino ba ang tunay na may karunungan? Sa ating mundong panglabas at nakikita ng hubad na mata ng tao, iba ang ating pag-iisip. Ang akala natin, ang mga pinakamatatalino at magagaling ay ang mga mayroong pinag-aralan, may disenteng propesyon at mga mayayamang tao sa mundo. Ngunit ang Diyos na May-Ari ng Langit at Lupa, ay hindi ganito ang pagtingin. Hindi mahalaga ang edad, kulay, pinag-aralan, karangyaan sa kanya kundi ang puso. Ang siyang tunay na mayaman sa karunungan ay kung sino ang mayroong Diyos sa puso at alam din ang buong katotohanan ng Diyos.

Hindi sapat sa atin ang malaman lang, ang karunungan o pagkilala sa Diyos ay balewala kung hindi tayo nababago nito. Hindi tayo mababago nito kung hindi natin pinaniniwalaan nang buo ang Salita ng Diyos, na pinagmumulan ng lahat ng karunungan. Kung ang buhay natin ay paulit-ulit at walang pagbabago dahil ayaw nating magbago. Ang mga taong talagang nakilala at nagkamit ng karunungan ng Panginoon ay ang siyang masaya sa kabila ng lahat ng unos at suliranin. Ang mga taong api, mga nasaktan, mga hindi pinapansin o hindi inaalagaan na masaya pa rin dahil sa nakatagpo nila ang Panginoon sa kanilang paghihirap. Parehong-pareho ng paghihirap din ng ating Panginoon sa Krus.

Pansinin na ang mga tunay na masaya sa buhay ay hindi ang kung sino ang may pinakamayaman at pinakamatalino sa lahat. Tayo ay nilikha ng Diyos para sa Kanya. Para sa buhay na walang hanggan. Hindi natin permanenteng tirahan ang mundo na ito bagkus, ito ay sasakyan lamang. Tandaan na ang ating buhay ay paglalakbay tungo sa Diyos. Ang siyang tunay na wais ay hindi nagtatayo ng permanenteng tirahan sa kanyang dinaraanan ngunit naghahanda para sa patutunguhan.

Kaya nga, hindi ba natin itinatanong sa ating sarili? Kahit anong kain natin, nagugutom pa rin tayo. Kahit anong ating makamit, laging may bagong hiling. Dahil ito sa kung paano tayo ginawa ng Panginoon. Ginawa Niyang ang puwang sa ating puso na ating nararamdaman ay walang kahit anong bagay dito sa mundo ang makakapuno. Ang ating puso ay para sa Diyos lamang. Ito ay mapupunan lamang ng kaligayahang nagtatagal kung iibigin natin ang Diyos at maninilbihan sa kanya. Siya mismo na may dulot ng kapayapaan sa ating puso ang ating magiging gantimpala anuman ang pagdaanan. Kaya kung gusto nating tunay na maligaya, magsisimula ito sa sa pagkikilala natin sa Panginoon. Yung totoong pagkilala sa kanya, hindi yung kung ano ang tingin natin ay Diyos ngunit hindi pala. Sino nga ba ang Diyos?

Siya ang Diyos na upang tayo ay maligtas sa kasalanan na tao ang may unang gawa, ay bumaba mula sa kanyang perpektong kaharian sa Langit upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan kapiling niya. Siya ang Panginoon na laging naghihintay sa atin sa Banal na Misa. Laging naroroon sa altar at iniaalay ang kanyang totoong katawan at dugo para sa ating lahat. Sa sobrang lawak nang kanyang pag-ibig ay hindi matanggap ng iba, dahil pinipilit nila itong isipin. Kahit anong gawin, ang pag-ibig ay hindi natin kayang intindihin. Kailangan lamang natin itong paniwalaan at tanggapin. Matapos nito’y matatagpuan natin ang kakaibang ligayang hindi maibibigay ng kahit ano sa mundo. Nasa Diyos ang tunay na karunungan.

Bakit pa tayo maghahabol ng kayamanan at aaksayahin ang ating buong lakas at buong buhay sa pag-iipon ng kayamanan, sobra-sobrang edukasyon kung mawawalan naman tayo ng buhay? Ang mga ibang tao, masyadong abala magtrabaho sa buong buhay nila, ni hindi magawang tumigil, magmuni-muni sa buhay nila. Malalaman na lamang nila tapos na ang buhay nila at hindi sila naging masaya bagamat ginawa nila ang lahat upang magsikap at magtrabaho.

Sapagkat nakaligtaan nila ang punto ng buhay – ang Diyos, ang magmahalan at magbigayan. Dito nagiging makabuluhan ang ating buhay. Hindi tayo nilikha para sa ating sarili.
Hindi ginawa ang tao para lamang magtrabaho at maging alipin ng salapi, pera, karangyaan o yaman. Ang tunay na pagkatao natin ay nakasalalay hindi sa mga materyal at panglabas na bagay ngunit sa ating pagkakakilanlan bilang Anak ng Diyos. Nasa Altar ng bawat simbahan at nasa tabernakulo ng ating puso ang lakas na ating kailangan upang kaharapin lahat ng hamon sa buhay.

Isang pinakamalaking kasinungalingan ang isiping kaya na nating mabuhay ng walang Diyos. Ito ang isinasaksak sa utak ng ating kapaligiran sa kabila ng lahat ng urbanidad, at pag-unlad. Masyado nang naging mapagmataas ang tao sa magagarang damit, sa mga artista at pang-aaliw, nakalimutan na natin ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay ngayon. Ang Tunay na Bukal ng lahat ng yaman ng kalangitan at mundo ay ang tunay na presensiya ng Panginoon sa Banal na Komunyon. Siya ang daan natin papuntang buhay na walang hanggan.

Kung wala ang Panginoon, wala rin tayong patutunguhan. Tayo’y mga nawawalang tupa kung siya’y wala.
Isang beses lamang sa isang linggo ito bilang obligasyon ng isang Katoliko, bakit pa tayo nahihirapang magbigay ng oras?
Nakakalimutan na ba natin na ang Diyos ang pinakapunto ng buhay, hindi ang mundo o kahit sinong tao. Unahin natin ang Panginoon at ang lahat ay idudulot Niya sa atin.

Sa pagkamarupok na likas sa ating tao, madali tayong matangay sa ating suliranin at mga problema sa buhay. Sa kasalukuyang panahon na tila ang gulo na at hindi na natin maintindihan, ang pinakakarunungang ating mababaon ay ang sikaping tanggapin ang Diyos sa ating mga puso. May malinis na puso na nalilinis sa Sakramento ng Kumpisal, at adhikain sa Banal na Misa, ang kanyang totoong katawan at dugo sa Banal na Komunyon. Siya ang ating pinakamatibay na sandigan. Ang Kanyang presensiya sa atin ang ating pinakamabisang magtatanggol sa atin sa kasamaan ng mundo at mga kasinungalingan nito. Ang Katawan at Dugo ni Cristo ang Siyang tanging makapagbibigay sa atin ng lakas sa ating kinahaharap sa buhay. Siya lang din ang tunay na kayamanan ng ating buhay at puso na daan patungong buhay na walang hanggan.

Punto ng Panalangin: Humingi ng tawad sa ating Panginoon sa ating pagkukulang. Sabihin natin ang pangangailangan sa kanya at ang ating pagbabagong dapat gawin sa ating sarili.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.