Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF Religion

SUNDAY’S WORD of GOD: “Pag-ibig at Paninindigan Hanggang Huli”


 

Agosto 26, 2018. Linggo. Ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Unang Pagbasa: Josue 24: 1-2, 15-17, 18

Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila’y humarap sa Diyos. Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan.

At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”

Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo’y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan.

Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya’t kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”

Ikalawang Pagbasa: Efeso 5:21-32

Pasakop kayo sa isa’t isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo. Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito.

Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.

Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita. Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan. Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili.

Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito’y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. Tayo nga’y mga bahagi ng kanyang katawan.

Gaya ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito’y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya.

Ebanghelyo: Juan 6: 60-69

Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?”

Kahit walang nagsasabi kay Jesus, alam niya na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito. Kaya’t sinabi niya, “Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan?

Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi sumasampalataya.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya.

Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito’y loobin ng Ama.”

Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?”

Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”

Pagninilay:

Maging si Jesus ay nakaranas na maiwan at talikuran ng kanyang mga alagad. Sapagkat hindi matanggap ng iba ang katuruan ni Jesus, sa halip na intindihin ay lumisan na lamang at tumalikod na lamang ang iba. Karamihan sa mga tao ngayon, ay ganito rin kung ayaw tanggapin ang buong katotohan ng katuruan ng Inang Simbahan ay tumatalikod na lamang. Nakakalungkot dahil hindi man lamang sinubukang alamin at intindihin ang katotohan o kung ano ang hindi lubos na maunawaan. Gusto lamang intindihin ng iba kung ano ang may silbi sa kanilang buhay. Kapag ginhawa ay kasama kapag hirap ay alisan na. Hindi ganito ang ating buhay pananampalataya.

Ang Katotohan na ang Diyos ay hindi kailanman nababago. Hindi lahat ay makakatanggap ngunit ito ay bukas sa lahat ng mga taong handang makinig at maituwid ang buhay base sa katotohanan.

Dahil sa pag-uugali ng taong tila alam na ang lahat ng bagay, at hindi na kailangan pa ng anuman, ay hindi tuloy natin nararanasan ang kabuuan ng kaligahayan. Tila parang isang paligsahan o “marathon” ng buhay. Ang tagumpay ay para doon lamang sa mga piniling magpursigi hanggang huli. Para ito sa mga nanindigan, nagtiis, naniwala at naghirap hanggang huli.

Ang mga sumusuko agad at sumusunod sa kawalan ng pasensya dahil ito ay mas madali at komportable, ay patuloy na naghahanap ng hindi alam at balisa sa buhay. Walang kakuntentuhan. Habang ang mga pinipiling magtagal bagamat mahirap ay nakukuha ang kanilang kaligayahan sa pagsisikap na napapalitan ng kaligayahan na hindi nabibigay nang pangmadalian.

Tulad na lamang ng mga tao sa Unang Pagbasa, sila ay nanalig sa Diyos hanggang huli. Tinandaan nila sa kanilang puso ang kanilang pinanggalingan at ano ba ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Tayo kaya ay nakakapagbalik-tanaw at inaalala ang kabutihan ng Diyos sa atin? Maraming tao ang matapos makuha ang kanilang gusto ay tatalikod na sa Diyos. Para bang isang bagay na matapos gamitin o mapakinabangan ay itatapon na sa isang tabi. Hindi ganito ang pagmamahal. Ang tunay nag pag-ibig ay nagtatagal at nananatili hanggang huli. Bagamat hindi ito madali at puno ng sakripisyo gaya ng isang mag-asawa.

Sa panahon ngayon na uso ang hiwalayan, kinaiinggitan pa rin ng karamihan ang mga matatandang mag-asawa na hanggang ngayon ay malambing pa rin at tapat sa isa’t isa. Ngunit hindi nakikita ng ilan ang mga paghihirap at mga bagyong kailangang daan nila bago maging ganito katatag ang relasyon nila hanggang huli.

Sinabi sa kasulatan na magpasakop sa isa’t isa ngunit hindi ibig sabihin ito ay maging sunud-sunuran at maging alipin ng bawat isa nang walang pagpapahalaga sa sarili. Tulad ng pag-ibig ni Cristo sa Simbahan na ibinigay niya ang kanyang sariling katawan upang ang Simbahan ay mabuhay, ganito rin dapat ang gawin ng mga lalake sa kanilang asawa. Sakripisyo. Pagiging matapat. Pagtupad ng mga responsibilidad bilang haligi ng tahanan. Lahat ng ito na sinumpaan sa harap ng altar ay magagawa lamang sa tulong ng Diyos.

Aminin natin sadlak tayo sa kahinaan, madaling mapagod madaling makalimot at may sariling pangangailangan. Kaya nga ang bawat isa mag-asawa ay hindi iintindihin o uunahin ang sarili ngunit ang isa’t-isa. Nang sa gayon ay lahat ng pangangailangan ay mapupunuan. Pansinin na ang mga pagkakagulo sa pamilya at hidwaaan ay bugso ng pagkamakasarili. Kung nakakalimutan na ang pag-aasawa at pagpapamilya ay isang buhay na pagbibigayan at pagmamahalan. Nang sa gayon ang isa’t isa ay mapuno at mabusog ng pag-ibig upang mas makapaglingkod sa mundo sa labas. Bilang mag-asawa, ang pag-aalaga sa inyong mga asawa ay pag-aalaga ng sarili dahil kayo ay iisang katawan lamang. Ito ang ibig sabihin ng pag-iisang dibdib.

Ang kailangan dito ay ang puso na marunong makinig sa isat’-isa. Paano kayo magkakaintindihan kung hindi nag-uusap at puro emosyon o galit? Paano magkaka-ayos kung parehong nakatuon sa mali at pagkundena ng isa’t isa? Kung parehong nagsasalita paano magkakarinigan? Mahirap man magtimpi, mahirap man maging tapat sa lahat ng bagay sa isa’t-isa, ang mga tila maliliit na bagay na ito ang susi sa kapayapaan at pagmamatagal ng buhay mag-asawa.
Madaling magalit, madaling maging sakim at mahirap matimpi at magtiis ngunit para sa dalawang pusong nagmamahalan at nagsisikap walang imposible.

Ganito nga rin ang kwento ni Simon Pedro. Nakita natin ang kanyang pahayag kay Jesus noong tumalikod na ang mga alagad sa kanya dahil hindi siya matanggap. Bagamat alam nating lahat na si Simon Pedro ay nagtanggi kay Jesus noong siya ay hinuli na bago magpakasakit ang ating Panginoon.
Tulad ng karamihan sa atin ay may kahinaan din at natatangay minsan ng ating takot. Ngunit hangga’t gusto nating manatili at pinanghahawakan natin ang ating pinaniniwalaan noong una, babalik at babalik tayo at matutupad pa rin ang pangako ng Panginoon sa atin sa huli. Ang rurok ng kaligayahan at tagumpay ay nakahanda lamang para sa mga handang magsakripisyo at magtiis alang-alang sa pag-ibig na pinaniniwalaan at handang ipaglaban kahit anong mangyari.

Panalangin: Panginoon tulungan mo kaming manatili sa iyo at sa pag-ibig dahil ang aming pagtalima at pagmamahal sa iyo ay ang aming pagmamahal din sa kapwa at sa aming pamilya. Gabayan mo kami at dalhin sa iyong landas ng kapayapaan. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.