Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD: “Ang Tunay na Gawa ng Pag-ibig”


Photo Credit from www.rudecruz.com / A Parábola do Bom Samaritano

THE WORD OF GOD: “Ang Tunay na Gawa ng Pag-ibig”

Oktubre 8, 2018. Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Salmo 111: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Unang Pagbasa: Galacia 1:6-12
Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo’y bumaling agad sa ibang magandang balita.

Ang totoo’y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo.

Subalit parusahan nawa ng Diyos ang sinuman, maging kami o isang anghel man na mula sa langit, na mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral na namin sa inyo.

Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo. Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.

Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko’y hindi katha ng tao. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.

Ebanghelyo: Lucas 10:25-37

Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya’y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”

Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”

Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”

Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”

Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na.
Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya’y naawa.

Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.’”

At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”

“Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng abogado. Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, “Sige ganoon din ang iyong gawin.”

Pagninilay:

Kapag ang isang tao ay tunay na nagmamahal. Hindi nito maaring sabihin na “Mahal kita ngunit kalahating puso lamang”. Kaya nga sa dalawang taong ganap na nagmamahalan at tumatanggap ng Banal na Sakramento ng Kasal, buong puso, buong buhay, buong katawan at buong kaluluwa ang pag-aalay nila ng sarili sa isa’t isa. Sa harap mismo ng Diyos nanunumpa. Walang anumang “Subalit”, “Ngunit”, “Pero”. Ito’y buong buo. Ngunit ito’y hindi nagagawa ng tao lamang ng mag-isa. Kailangan ng Diyos dahil walang perpektong tao na hindi na nagkakamali sa buhay. Subalit hindi ito rason upang hindi maniwala sa ganitong uri ng pag-ibig. Isang pag-ibig na buo, tunay at busilak. Paano malalaman kung ang pag-ibig ay tunay?

Unang una, ito’y mayroong kasamang mabuting gawa na hindi para sa sarili ngunit para sa minamahal. Hindi ito makasarili o nanunumbat. Gusto lamang ng tunay na nagmamahal na mapabuti ang isa at wala nang iba. Pangalawa, kailangan ng sakripisyo at paglilingkod. Hindi maaring puro saya at kagalakan lamang. Kailangang dumaan sa matinding pagsubok upang masiguradong tunay ang pag-ibig. Madaling magmahal kung masaya at ayos naman ang lahat. Ngunit ang tanong ay hindi kaya ito magbabago kung maging mahirap man ang pagdaanan sa buhay?

Kaya maraming taong nawawalan na ng pananampalataya sa pag-ibig dahil sa maling pananaw dito. Kung madaling makuha ang lahat at matapos ay piniling iwanan ka lang kung ikaw ay nahirapan, malamang ay hindi na pag-ibig ang tawag diyan. Ang batayan natin ng pag-ibig ay si Cristo mismo sa Krus na nakapako doon sa Ngalan ng Pag-ibig. Hanggang Kamatayan.

Ganito rin sana ang ating pag-ibig sa Diyos. Ganito ang ibig niyang sabihin nang sinabi niyang ang kanyang pinakamahalagang utos sa lahat ay dapat nating siyang ibigin nang “buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip”. Diyos muna bago ang lahat. Matapos ay ang kapwa tapos huli na ang sarili.

Nakakalungkot na sa panahon ngayon sadyang maraming bagay ang pinagkakaabahalan upang tayo’y mailayo sa kahalagahan ng pag-ibig sa Diyos. Ang lubos na pagmamahal sa pagkain at sa masasarap na pagkain ay isa. Kapag ka sumobra ang pagiging komportable natin sa sarili ay dito na iikot ang ating buhay. Sabi ng ilan, “Bakit pa ako magkakawang gawa kung masaya na ako sa buhay ko? Hayaan mo silang magdusa. ” O kaya naman baka sa pagmamahal din sa magagarang damit o makabagong gadget. Nauubos ang pera dito at wala nang pantulong sa iba.

Sa sosyedad ngayon ay tila mas mahalaga na kung ano ang maaring ipagyabang sa kapwa. Mas matimbang na at inuuna pa kung ano ang makakatugon sa kagustuhan ng sarili. Pagnilayan natin ito kapatid, sa iyong buhay, ano kaya ang mga nakakabalakid na bagay na inuuna mo kaysa sa Diyos? Hilingin natin sa kanya na ito ay kanyang ihayag sa ating harapan at nang habang maaga pa at may panahon pa tayo ay makita natin kung ano ang mas mahalaga sa buhay. Diyos muna. Matapos ay kapwa, at huli ang sarili.

Ganito nga rin ang kwento ng mabuting Samaritano. Hindi niya inuna ang kanyang sarili at ang pagiging komportable. Hindi niya hinayaang panghuhusga ang mamayani sa pagtulong ng hindi naman niya kaano-ano o kauri. Bagkus, ang pag-ibig para sa kapwa ang naghari at nagtulak sa kanyang puso upang kumilos agad.

Siguro sa atin, kung kamag-anak o asawa, kapatid, kaibigan ang naroon sa lugar ng isang taong sugatan at nakahandusay sa kalye ay dali-dali tayong tutulong. Ngunit kung kahit sino lang ay iiwan natin at nilalagpasan. Tulad ng kung paano natin talikuran ang mga taong nanghihingi ng tulong sa atin sa tabi-tabi dahil sa paghuhusga natin sa kanila.

Ngunit ating alalahanin, na si Kristo ay buhay sa ating lahat. Hindi dahil kadugo, kakilala o kaibigan ang halaga ng tao ngunit dahil lahat tayo ay may Kristo sa ating puso. Hindi natin alam na baka si Cristo yun at hindi natin pinansin, tinalikuran pa natin. Ano na lamang ang isasagot natin sa kanya pagdating ng panahon kung anong ginawa natin sa ating kapwa? Paano natin nasabing mahal natin ang Diyos kung puro salita lamang at walang gawa?

Ito ang ating susunod na pagnilayan, “Ano ang aking magagawa upang maipadama ko sa Diyos ang pagmamahal ko sa kanya?” Ipagdasal nating tulungan tayo ng Diyos na ipakita sa atin ang kanyang kalooban at nang tayo’y bigyan din ng kanyang lakas upang sumunod sa kanya.

Panalangin: Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad. Turuan mo akong maglingkod sa iyo. Tulad ng paglilingkod mo sa amin. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Copyright Reflections By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.