Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD on DCF: “Ang Aral ng Kabutihan sa Kapwa”


 

Oktubre 17, 2018. Miyerkules. Ika-28 Linggo ng Karaniwang Panahon.
Salmo 1: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag 
hahantong. 

Unang Pagbasa: Galacia 5:18-25

Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa’t isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito.

Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.

Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito.

Kung ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin, siya na rin ang paghariin natin sa ating buhay.

Ebanghelyo: Lucas 11:42-46

“Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.

“Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke.

Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya’t tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”

Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami’y kinukutya ninyo.”

Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila.

Pagninilay:

Ano ba ang tunay na sukatan ng pagiging isang banal? Paano ba masasabing isang mabuting taong tapat sa Diyos? Sila ba ay palaging nakikitang nagdadasal sa simbahan at nakaluhod at makakapal ang mga dinadasal na aklat? Hindi ito ang sukatan kung hindi ang bunga ng mga debosyon at panalangin na ito.

Samakatwid, hindi rin tao ang tagapaghusga ngunit Diyos lamang. Walang makapagsasabing siya’y karapat-dapat sa mata ng Diyos. Ibaba natin ang sarili sa harap ng Panginoon at Siya mismo ang magtataas sa atin pagdating ng panahon.

Sa ating Ebanghelyo ngayong araw, ang mga matataas na pari at tapagturo ng kautusan sa kanilang panahon ang mga sinasabihan ni Jesus na “kahabag-habag” o “kawawa”. Sapagkat alam ni Jesus ang kaparusahang nakaatang sa kanilang dapat tapaglingkod ng Diyos ngunit pinaglilingkuran lamang ang sarili. Mahalaga sa kanila ang panglabas. Ang nakikita ng mga tao upang sila’y papurihan ngunit sa loob nila’y walang tunay na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

Tayong lahat bilang Kristiyano ay tinatawag upang maging mga banal tulad ni Cristo. Hindi lamang ang mga pari, relihiyoso ngunit lalong lalo na ang mga laiko o mga parokyano na siyang pinakamalaking bahagi ng simbahan.
Hindi pagpapakitang tao at hindi lamang pagsisimba ang ating kinakailangan gawin. Ngunit matapos nito ay ang pagsasabuhay ng ating mga natutunan mula sa simbahan – ang ating mga “bunga”. Anu-ano ang mga ito? Sabi ni San Pablo sa unang pagbasa, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.”

Kung palagi ngang nagsisimba at nagbabasa ng Salita ng Diyos ngunit nanatili namang matigas ang puso. Ibig sabihin ay hindi natin binabago ang sarili buhat sa kung ano ang ating natututunan sa pananampalataya, ano ang saysay nito?

Hindi natin maaring husgahan ang ating sarili na tayo’y mga mabuti na at lalo na ang ibang tao na sila nama’y mga masasama. Diyos lamang ang nakapaghuhusga ng lahat. Ang dapat nating gawin ay magpatuloy sa pagsunod sa kautusan. Gawin natin ang tradisyon – ang pagdadasal, pagsisimba at pangungumpisal at lahat ng ito. Ngunit matapos nito’y mayroon pa tayong mas mahalagang misyon. Kailangan nating mamunga. Kailangang maging daan tayo ng biyaya ng Diyos para sa iba dahil tayo’y nakakuha ng marami mula sa kanya.

Maging bukas sa pagpapatawad lalo na sa ating mga kaaway. Buksan din ang ating pinto sa mga nangangailangan dahil alam nating ito ang mga kaaya-aya sa paningin ng Diyos. Hindi sa gusto lamang natin kung hindi ayon sa gusto Niya.

Gumawa tayo ng mabuti sa kapwa. Magmalasakit at tratuhin silang mabuti. Magbigay ng kaunting tulong at magsilbi habang mayroong panahon at lakas. Ipanalangin natin sila at sabihan ng makakapagpalubag loob ng mga nangangailangan.

Panalangin: Panginoon ko, kaawaan mo ako sa aking mga pagkukulang sa iyo. Alam kong mahina ako kaya naman mas kailangan kita ngayon at magpakailanman.
Patnubayan mo ako at ang lahat ng aking mga mahal sa buhay. Turuan mo kami kung ano ang aming dapat gawin upang maging kanais-nais sa iyo. Maria, aming ina, ipanalangin mo kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.