Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD on DCF: “Ang Ating Butihing Diyos Ama sa Langit”


Photo by: http://www.turnbacktogod.com

 

Salmo 117: Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.

Unang Pagbasa: Galacia 2:1-2, 7-14

Makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa.

Sa halip, kinilala nila na ako’y pinili ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, tulad ni Pedro na pinili naman upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil.

Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, na ako’y talagang binigyan ng tanging tungkulin na ito, kaya’t tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami’y sa mga Hentil mangangaral at sila nama’y sa mga Judio.

Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha, at talaga namang patuloy ko itong ginagawa.

Nang si Pedro ay nasa Antioquia, harapan kong sinabi sa kanya na mali ang kanyang ginagawa dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya’y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat ng mga Judio na nagbibigay diin sa pagtutuli.

At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”

Ebanghelyo: Lucas 11:1-4

Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya’y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo’y mananalangin, sabihin ninyo,
‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa’y maghari ka sa amin.
Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw.

At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.

At huwag mo kaming hayaang matukso.’”

Pagninilay:

Tampok nga sa ebanghelyo ngayong araw ang itinuro ng Panginoong Jesus na panalangin para sa ating lahat. Madalas natin itong dinadasal sa Banal na Misa at sa Santo Rosaryo ngunit mahalaga ring pagnilayan ito paminsan-minsan. Sapagkat ito ay nakapagandang panalangin na kung ating nanamnamin at dadasalin ng taimtim ay napapaloob ang magandang ugnayan ng Diyos Ama sa Langit at nating mga anak niya sa lupa sa pamamagitan ni Jesus.

Mahalaga ang pananalangin dahil ito ay pakikipagusap natin sa Panginoon. Tayo bilang mga anak Niya ay marapat na lumapit sa Panginoon upang buksan ang ating puso sa kanya. Upang sabihin kung ano ang ating nararamdaman at ihayag ang ating mga kagustuhan at kahilingan sa isang Amang mapagmahal sa lahat. Ang Diyos din ay tumutugon sa atin sa iba’t ibang paraan o pangyayari sa ating buhay. Lalo na sa kapayapaan ng puso. Dito natin madadama ang kanyang kalooban sa kapayapaan ng puso. Hindi ibig sabihin na ang panalangin ay isang daan lamang na tayo lamang ang nakakapagsalita sa Panginoon. Higit sa lahat, kailangan nating makinig din sa Kanya.

Ang panalanging ito ay nag-iisa sa atin at sa ating mga kapatid sa pamamagitan ng mga panalanging namumutawi sa labi ni Jesus. Una, ang pagsamba sa Diyos at sa Kanyang Banal na Pangalan. Tuwing sasambitin natin ito, ibig sabihin ay tinatanggap natin ang Panginoon bilang banal sa lahat. Pinakamakapangyarihan Siya sa lahat. Bilang mga Anak ng Diyos, kung ito pa lang ay ating dadamhin ng buong puso, isa itong matibay at konkretong pagtawag sa Ama ng buong katapatan at paniniwala sa kanyang kapangyarihan. At kahit ano ay maari niyang ibigay sa atin basta nakabubuti. Ibig sabihin naniniwala tayong siya ay Banal at pugad ng lahat ng kabutihan. Kabutihan at kabanalan lamang din ang nagmumula sa kanya at ating matatamo bilang kanyang mga anak, tulad niya na ating Ama sa langit.

“Bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw”. Dahil siya ang nagdulot ng lahat ng mabuti, maging ang ating mga sariling buhay, siya rin ang magpapalago nito at magbibigay ng kung ano ang kailangan natin sa araw-araw. Hindi sobra para bukas, hindi rin kulang ngunit tama lamang na para sa ngayon. Dahil ang Buhay Kristiyano ay ang pagpapahalaga sa kasalukuyan. Wala tayong hawak sa darating, at ang kahapon ay hindi na maibabalik.

Mahalagang ibuhos ang lahat ng lakas, hindi sa nakaraan o sa hinaharap ngunit sa “ngayon” na nasa ating harapan. Ilan ba sa atin ang hanggang ngayon ay alipin ng nakaraan? O kaya ay balisa sa hinaharap? Mamuhay tayo sa kasakuluyan, isang araw bawat isa sa ating buhay – kapiling ng Diyos na siyang gumagabay sa atin sa araw-araw ng ating buhay.

Ang huling ating pagnilayan ay ang pagpapatawad at paglaban sa tukso upang makagawa ng mabuti. Dahil naniniwala tayong sa Diyos galing lahat at tinatawag tayong maging banal katulad niya – isang Amang lubos na mapagmahal at mapagpatawad. Ganoon din tayo mga kapatid, sa ating kapwa. Kung ano ang ating natanggap na kabutihan sa Panginoon, siya rin ating dapat ipamahagi sa iba. Kung tayo ay biniyayaan nang marami sa buhay, pinatawad, at kinalinga pa rin ng Diyos sa kabila ng lahat. Bakit natin ipagkakait sa iba ang pagpapatawad at pagpaparaya gayong tayo’y isang pamilya ng Diyos?

Alalahanin natin ang ating sariling mga kahinaan at kasalanan. Tandaan natin at isapuso ang kabutihan ng Diyos sa atin at ang alaala nawa ng kabutihang ito ng Diyos ang madala natin sa araw-araw. Siya ring ating ipamamahagi sa mga makakasalamuha natin sa araw-araw. Nang sa gayon, ang ating buhay ay magiging isang buong panalangin ng pagpupugay sa Panginoon. Isang buhay na panalangin ng papuri sa Kanya, paghihingi ng tawad at pasasalamat na kahit anong mangyari sa buhay ay hindi tayo pinabayaan ng Diyos. Hindi rin tayo kailanman iiwan ng Panginoon kahit tayo mismo ang tumalikod sa kanya. Pasalamatan natin siya ngayon at magpasawalang hanggan. Amen. +

Panalangin: Dasalin ang “Ama Namin” ng dahan-dahan at mataimtim. Bilang isang Anak ng Diyos na dumudulog sa kanyang Ama sa Langit nang buong pagmamahal at buong puso.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

 


Reactions:

Join Discussion

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.