Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF Religion

THE WORD OF GOD on DCF: “Ang Halaga ng Buhay ay sa Pag-ibig”


 

Setyembre 19, 2018. Miyerkules. Ika-24 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 33: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos. 

Unang Pagbasa: 1 Corinto 12:31-13:13

Kaya’t buong sikap ninyong hangarin ang mga kaloob na mas dakila. At ngayo’y ituturo ko sa inyo ang walang katulad sa lahat.

Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag.

Kung ako man ay may kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya na anupa’t nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.

At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa.

Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.

Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang mga wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan.

Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan nating magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ngunit pagdating ng ganap, mawawala na ang di-ganap.

Noong ako’y bata pa, ako’y nagsasalita, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako’y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata.

Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.

Kaya’t ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Ebanghelyo: Lucas 7:31-35

Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? Ang katulad nila’y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!

Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!’

Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya’y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’

Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya’y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’

Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.”

Pagninilay:

May mga taong walang kakuntentuhan sa buhay. Sila ang uri na tila wala nang kahit sinong tama para sa kanila kung hindi ang sarili. Ito ay mga taong sinasabing “sala sa init, sala sa lamig”. Ganito nga ang sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo ukol sa mga taong ayaw sa kanya at kay Juan.

Ang totoo nito ay palaging may masasabi ang tao na hindi maganda ukol sa kanilang kapwa, kung ang kanilang puso ay sarado. Kaya nga sa mga taong sa papuri ng ibang tao dumedepende ng kanilang halaga, tiyak na durog na puso lamang ang mapapala nila sa mga taong ganito ang pag-uugali. Ngunit si Jesus ay hindi kailangan ng anumang papuri.
Kaya niya ito sinabi ay upang maggising ang kanilang pag-iisip. Tayo kaya, hanggang ngayon, ano ang ating mga pag-iisip na tila sarado na? Yung parang sarado na tayo sa mga bagay at ayaw na natin makinig sa iba? Nanigas na ba ang ating puso sa Salita ng Diyos at naisip nating alam na natin ang lahat at hindi na kailangan pang matuto pa?

Tandaan natin na kung kailan tayo nagiging mapagmataas ay dito nagsisimula ang ating pagkahina. Ngunit kung tayo ay nananatiling mababa at alam ang katotohanan ng ating kahinaan, mayroon tayo laging puwang sa pagkakamali. Hindi tayo mapapahiya tulad ng ibang mayayabang na hindi alam ang hanggananan ng kanilang kakayanan. Dahil iisa lang ang pinagmumulan ng lahat ng pag-ibig at lakas at ito ay walang iba kung hindi sa Diyos. Walang tayong sariling kakayanan ngunit sa Diyos lamang galing ang lahat.

Kaugnay nito ang napakagandang sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto ukol sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay hindi mapagmataas. Hindi makasarili. Ang isang tunay na nagmamahal ay nakikinig sa kanyang iniibig sapagkat gusto niyang mapasaya ito. Ganoon sana tayo sa Diyos. Kung ating mahal ang Panginoon ay sisikapin nating intindihin ang kanyang salita at sumunod sa kanya dahil gusto nating mapaligaya siya. Tulad ng ating pagpapasaya sa ating mga magulang, mga mahal sa buhay at sa pamilya. Angkop lagi ang pagmamahalan sa katotohanan at sa kababaan ng loob, tungo sa pagbibigayan.

Kaya masakit magmahal dahil mayroon itong kaakibat na sakripisyo. Lagi tayong itinutulak nito palabas sa ating sarili. Upang lumago na parang isang halaman na sa takdang panahon, sa ilalim ng sikat ng araw at ulan, tumutubo ang mga dahon at ugat nito. Ganoon din tayo. Lagi tayong mayroong bagong natututunan. Kung tumigil na tayong matuto ay baka sumara na ang ating puso tulad ng mga tao sa Ebanghelyo ngayong araw.

Kung lahat sana tayo ay ang Salita ng Diyos ang basehan ng pag-ibig, gaano man ito kahirap at puno ng sakripisyo, mas magiging maganda sana ang mundo. Bagamat mahirap magpakababa, magbigay at magpatawad, dahil likas sa taong makasalanan ang mapagmataas,makasarili at mapag-imbot ng galit. Kailangan ng sakripisyo upang magmahal ng totoo.

Ngunit para sa isang tunay na nagmamahal anumang paghihirap ay balewala. Mayroong pananampalataya at pag-asa na nagpapapanatili ng pag-ibig na ito. Pag-asang matatapos din ang lahat ng hirap. Pananampalatayang Diyos ang bahala sa lahat at ano pa man ang unos na dumating sa buhay.

Pag-ibig pa rin ang mananatili hanggang sa huli at hanggang sa buhay na walang hanggan.
Kung kasama ang Diyos lahat ay posible, kahit gaano tayo kahina, laging pag-ibig at katotohanan ang magwawagi sa huli.

Panalangin: Panginoong Jesus, turuan mo kami ng iyong pag-ibig gaya ng ipinamalas mo sa amin sa Krus, sa pag-aalay mo ng iyong sarili. Nawa ay ialay din namin lagi ang aming sarili sa iyo at sa aming kapwa na nangangailangan ng tulong. Maria, aming ina, Birhen ng Awa, ipanalangin mo kaming mga makasalanan. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.