Bible Daily Gospel on DCF Religion

THE WORD of GOD on DCF: “Ang Katotohanan ng ating Pagkakakilanlan sa Diyos”


 

Agosto 25, 2018. Sabado. Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Salmo 85: Sa ati’y mananatili paglingap ng Poon lagi.

Unang Pagbasa: Ezekiel 43:1-7

Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. Doon, nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, parang dagundong ng malaking baha.

Nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatiang yaon. Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. At ako’y dumapa sa lupa.

Ang nakakasilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo’y punung-puno ng kaluwalhatian ni Yahweh.

Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. Ang sabi, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel. Ang pangalan ko’y di na nila lalapastanganin, ni ng kanilang mga hari, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa kanilang mga yumaong hari.

Ebanghelyo: Mateo 23:1-12

Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral.

Pinagpapasan nila ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.

Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga tanging upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang iginagalang sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit kayo, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid.
Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.

Ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.”

Pagninilay:

Ang lahat ng mabuti sa atin – ang ating talino, talento, abilidad, mga yamang pangkalooban at panglabas, lahat ito ay galing sa Diyos. Maging ang ating buhay ay mula sa Kanya. Hindi naman natin piniling mabuhay. Ang Diyos na May Likha at Akda ng lahat ang pumili sa atin upang mabuhay sa mundo.

Kaya naman, kung tayo at ang ating puso ay mas pahahalagahan ang ibang bagay, dangal, papuri, mga mamahaling ari-arian upang tayo ay itaas ng tao, nakalilimutan natin ang Diyos na siyang nagdulot ng lahat. Nakakalimutan natin ang ating pinagmulan. Sinuman sa ating may hawak ng kahit anong magarbong titulo ay nasa mundo lamang nakatali. Ang tunay na sukatan ng Diyos at ay kabutihan at pag-ibig na laman ng ating puso na hindi nasusukat ng kahit ano man sa mundo.

Ganito nga ang mga Pariseo noon. Silang mga matataas na pari at may mga posisyon noon. Iginagalang ng tao dahil sa kanilang papel ngunit ang puso ay malayo sa kanilang ginagampanang pagsisilbi para sa kapakanan ng tao. Higit pa sa kanilang katungkulan, ay minahal nila nang higit sa Diyos ang pribilehiyong kasama ng kanilang posisyon sa mamamayan. Pangalan, awtoridad, titulo, magagarang kasuotan na kanilang pinagkaiba sa ordinaryong mamamayan upang ipakita sa tao na sila ay madasalin, masigasig at malapit sa Diyos ngunit ang totoo nito, ang lahat ng ito ay buhat sa pagmamahal sa sarili.

Hindi literal ang ibig sabihin ni Jesus sa pagsasabing huwag silang tawaging ama o guro ang sinuman. Higit na mas malalim ang ibig sabihin ng Panginoon dito at ito nga ay ang pagpapahalaga sa ating puso na tayo at Diyos lamang ang nakakakita at nakakaalam. Wala tayong ibang dapat ilagay sa sentro ng ating mga puso na higit pa sa kaysa sa Diyos. Siya ang ating pinagmulan, ang ating pagpapatuloy at ang ating kahihinatnan dito hanggang sa buhay na walang hanggan.

Aminin nating tayong mga tao ay madalas mayroon din ganitong pagnanais sa ating puso. Gustong papurihan, gustong itaas at mahalin ng kapwa. Kaya naman ang iba, ginagawa ang lahat, magkamal ng kayamanan, kagandahan o ano pa upang purihin lamang ng tao.

Kung sa ganito nga natin ibubuhos ang ating buong buhay ay isinasara natin ang ating sarili sa tunay na pagmamahal ng ating kapwa. Tandaan natin ang katotohanan na doon lamang natin masusubukan ang tunay na pag-ibig ng kapwa sa atin, kung tayo ay wala ng lahat ng ito. Walang yaman, walang kagandahan o walang kahit ano. Saka lamang natin malalaman kung sino ang ating tunay na nagmamahal sa atin sapagkat wala nang dahilan. Kung ipinangangalandakan natin kung ano ang mayroon tayo, tayo mismo ang nag-aakit sa iba na tayo ay magustuhan hindi lamang sa kung sino tayo ngunit kung ano ang mayroon tayo.

Masaklap o mapait man sa umpisa ngunit lahat ng ugnayan at relasyon bago magtagal ay kailangan munang masubukan. Mayroon munang kailangang panganib na kailangang daanan. Ngunit sa kabila ng kadiliman na ito, Diyos mismo ang magaangat sa ating buhay. Matitira at matitira ang mga taong totoo na magmamahal sa atin sa hirap man o sa ginhawa bagamat hindi madali sa umpisa, sa ganitong paraan lamang nabubuo ang mga relasyon at ugnayang nagtatagal. Nalalagpasan ang bawat pagsubok nang mas matibay at may angking aral.

Kaya huwag tayong matakot maging ating sarili lamang. Basta totoo lamang tayo sa ating sarili, ito ay magniningning na parang diyamante sa puso ng taong karapat-dapat para sa atin. Kung ibinababa natin ang sarili sa Diyos at sa harap ng ating kapwa, pansinin nating, masakit man sa mapagmataas ng puso ng iba ang ialay ang sarili upang apak-apakan ng iba, sila mismo ang makakakita ng ating kababang loob, ang tunay nating puso at abilidad, at sila mismo ang pupuri sa atin.

Hindi na natin kailangan pang magpaekstra, magpapansin o ano pang ating gawin. Kung ating malalaman na ang ating mismong pagkatao at ang ating halaga ay wala sa papuri o sasabihin ng ibang tao ngunit nasa Diyos mismo. Ang halaga natin ay nakasalaysay sa ating walang hanggang pagkakakilanlan bilang Anak ng Diyos noong tayo’y nabinyagan bilang Kristiyano.

Kung tunay tayong nagmamahal sa Diyos, lahat ng ating kailangan, siya ay magbibigay. Kailangan lamang natin matutuong buksan ang ating puso sa kanya at magtiwala tulad ng isang anak na nagtitiwala sa magulang. Mas higit pa dahil ang ating Ama ay Diyos mismo na may hawak ng lahat.

Nakakalungkot na dahil lamang sa kakulangan ng ating pandama sa nag-uumapaw na pag-ibig na ibinigay sa atin ng Diyos ay kaya tayo pilit na naghahangad ng papuri ng iba
Pagnilayan natin ang pag-ibig sa atin ng Diyos sa panalangin at pagbabasa ng kanyang salita. Isa-isa, namnamin natin ang bawat salita niya.

Pagnilayan natin ang Krus sa tuwing makikita natin ito at palalimin natin ang misteryo ng kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Hindi na natin kakailangan ng papuri o pag-abruba ng iba. Dahil mula pa noong tayo ay nilikha ng Diyos tayo ay naaprubahan na Niya. Tayo ay minamahal na Niya ng lubos higit sa ating mga kakulangan.

Hilingin natin sa Panginoon na madama natin ang pag-ibig na ito at maitanim sa ating mga puso upang mapuno tayo mismo ng Kanyang pag-ibig na kahit anong sabihin ng iba, hindi na tayo lilingon o magdarahop dahil babalik at babalik tayo sa katotohanan ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
Amen. +

Panalangin: Panginoong Jesus, kami ay nananalig sa iyo. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.