Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD on DCF: “Ang Pagkapit sa Diyos”


 

Setyembre 17, 2018. Lunes. Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Salmo: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.

Unang Pagbasa: 1 Corinto 11:17-26, 33

Ngayon, sa sasabihin ko, hindi ko kayo pinupuri sapagkat ang pagtitipon ninyo ay hindi para sa ikabubuti kundi sa lalong ikasasama. Ito ay sapagkat una sa lahat, sa pagtitipun-tipon ninyo sa iglesiya, naririnig ko na may pagkakampi-kampi sa inyo. Naniniwala ako na maaaring ito ay totoo. Ito ay sapagkat kinakailangang mahayag ang pangkat na nagtuturo ng mga kamalian na nasa inyo nang sa gayon ay mahayag ang mga katanggap-tangap sa Diyos.

Sa pagtitipon ninyo sa isang dako, hindi kayo nagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon. Ito ay sapagkat sa inyong pagkain, ang bawat isa ay kumakain ng kani-kaniyang hapunan nang una sa iba. Kaya ang isa ay gutom at ang isa ay lasing.

Hindi ba mayroon kayong mga bahay upang doon kumain at uminom? O baka naman hinahamak ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya ang mga walang pagkain? Ano ang dapat kong sabihin? Pupurihin ko ba kayo sa ganito? Hindi ko kayo pupurihin.
Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.

Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.

Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.
Kaya nga, mga kapatid, sa inyong pagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa’t isa.

Ebanghelyo: Lucas 7:1-10
Nang matapos na siya sa lahat ng kaniyang pagsasalita sa mga taong nakikinig, pumasok siya sa Capernaum.
Mayroong isang Kapitan na may alipin na kaniyang pinahahalagahan. Ang aliping ito ay may sakit at malapit nang mamatay. Nang marinig ng kapitan ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang mga matanda ng mga Judio.

Ito ay upang hilingin kay Jesus na pumunta at pagalingin ang kaniyang alipin. Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang namanhik sa kaniya. Sinabi nila: Siya na gagawan mo nito ay karapat-dapat. Ito ay sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin. Si Jesus ay sumama sa kanila.
Nang sila ay malapit na sa bahay, ang kapitan ay nagsugo ng mga kaibigan sa kaniya. Ipinasabi niya kay Jesus: Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat upang puntahan mo sa aking bahay.

Kaya nga, hindi ko rin itinuring na ako ay karapat-dapat pumunta sa iyo. Gayunman, magsalita ka lang at ang aking lingkod ay gagaling. Ito ay sapagkat ako rin ay isang lalaking itinalaga sa ilalim ng kapamahalaan.

Mayroon akong nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa: Humayo ka. At siya ay humahayo. Sa isa ay sinasabi ko: Pumarito ka. At siya ay pumaparito. Sa aking alipin ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At ginagawa niya ito.
Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha sa kaniya. Humarap siya sa maraming mga taong sumusunod sa kaniya. Sinabi niya: Sinasabi ko sa inyo, ni sa mga taga-Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananampalataya. Nang bumalik sa bahay ang mga isinugo, nasumpungan nilang nasa mabuti nang kalusugan ang aliping may sakit.

Pagninilay:

Sa bawat isang bahay ay napakahalaga na ang isang pamilya ay kumakain nang sabay sabay. Sa buong araw na may kanya kanyang gawain sa maghapon ay ito lang ang tanging oras upang magkasama.

Nakakalungkot na ang mga iba sa atin ay naipagsasawalang bahala na ito. Maliit na bagay ito kung tutuusin na pang araw -araw na gawain. Ngunit malaking bagay ito kung tutuusin. Sa maliliit na bagay natin naipadarama ang pagmamahal sa isa’t isa hindi sa mga magagarbong bagay.

Halimbawa, ang isang ama ay palaging abala sa araw araw at halos wala nang oras sa anak upang kausapin ito. Ang libreng oras ay sa pahinga o sa barkada ginugugol hindi sa anak at sa pamilya. Ngunit mapera ito at sa kaarawan naman ng anak ay maraming regalo. Ano kaya higit na mas matimbang para sa anak? Maligaya kaya ang anak sa ganitong ama? O di kaya naman ay sa bawat araw ay naghahanap ito ng ama na kakalinga sa kanya at magbibigay ng oras upang maidama naman sa kanyang siya ay mahalaga?

Sa ganoon ding paraan, ang Banal na Misa ay isang hapunan. Ito ay salu-salo nating mga magkakapatid kay Cristo. Ngunit iilan din sa atin ang tingin ito ay mahalaga? 
Bilang isang pamilya, kailan kaya ang huling pagkakataon na tayo ay dumalo sa misa nang sama-sama?

Maghintayan tayo sa isa’t-isa dahil hindi tayo iba. Hindi lang sa pagkaing pangkatawan dapat busugin ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay ngunit lalung lalo na sa pagkaing espiritwal – sa puso, at kaluluwa at ito ay ang mismong Banal na Dugo at Katawan ng ating Panginoong Jesus na tinatanggap tuwing Banal na Misa.

Manalig tayo sa Kanya at magnillay sa kanyang Salita. Ang ating mga mahal sa buhay na tila malayo sa atin ay patuloy nating ipanalangin. Dahil tanging Diyos lamang din ang makakapukaw ng kanilang damdamin. Habang tayo ay patuloy lamang na magpursigi. Huwag nating sukuan ang mga mahal nating kailangang natin hintayin at akayin papunta kay Cristo. Amen. +

Panalangin: Panginoon, bigyan mo kami ng lakas. Kami ay nananalig sa iyo.
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.