Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD on DCF: “Ang Pakiki-isa Natin sa Diyos”


Agosto 23, 2018. Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 51: Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Unang Pagbasa: Ezekiel 36: 23-28

Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan.

Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin.

Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.

Ebanghelyo: Mateo 22:1-14

Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinhaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo.

Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’

Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay.

Galit na galit ang hari kaya’t pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lunsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.

Pumunta kayo sa mga lansangang matao at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Pumunta nga sa mga pangunahing lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama’t mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, kaya’t sinabi ng hari sa mga lingkod,

‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”

Pagkatapos nito’y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Pagninilay:

Kakaiba ang mga parabula na inihahayag ni Jesus. Nakapagtataka rin dahil kung sa ordinaryong kwento ng mga tao lamang, bakit ang mga inimbitahan sa piging na iyon ay tila walang pakialam sa pag-anyaya sa kanila? Mayroong mga masyadong abala sa trabaho, sa negosyo, at kung saan-saan pa. Bingi ba sila? Bulag? O di kaya naman ay hindi inintindi ang imbitasyon sa kanila?

Sino ba naman ang ayaw dumalo sa isang handaan lalo na kung nakapasasarap ng mga pagkain? Hindi ba’t kapag tayo ay nakaisip ng kasalan, ito ay napakasayang pagdiriwang at handaan? Naghahanda tayo at puno ng galak na magpapaunlak sa imbitasyon ngunit taliwas ito sa nangyari sa Ebanghelyo natin ngayon. Bakit kaya?

Baka naman, hindi nila alam o hindi nila lubos na naiintindihan ang paanyaya sa kanila, kaya mas pinili nila ang ordinaryong gawain higit pa sa espesyal na piging? Ang Diyos ay ang Hari na araw-araw ay iniimbitahan tayo sa piging. Ang piging na ito ay ang Banal na Misa. Ang ikakasal na Anak na Lalaki ay si Jesus. Ang mga dumalo naman na inaanyayahan ay tayong mga miyembro ng simbahan.

Marami sa atin ay hindi na alam kung ano nga ba ang nangyayari sa misa o para saan nga ba ito. Marami sa atin ang nakuntento na sa ating sariling mga lumalagong palayan, trabaho at negosyo at inisip na natin na hindi natin kailangan ng Banal na Misa sa ating buhay. “Hindi na natin kailangan niyan. Masaya na ako sa buhay ko.” Sambit ng ilan.

Tuwing pagdiriwang sa banal na piging na sana ay tuwing linggo tayo ay nakadadalo, iniaalay muli ng Panginoon ang kanyang sariling katawan, dugo at laman sa kamay ng pari, para sa ating lahat. Totoong laman, dugo at katawan ni Jesus ang kanyang inihahanda at ating kinakain sa pagdiriwang na ito.

Para sa mga tao, ito sana ay pagkukunan natin ng pag-ibayong lakas para sa hamon ng ating buhay. Pampalakas ng ating katawan, isip, puso at kaluluwa. Ngunit nakakalungkot isipin na marami sa atin ang pinipiling tumalikod sa Diyos. Ang totoong presensiya Niya sa altar ng simbahan ay harap-harapan nating tinatalikuran. Dahil dito, hindi tayo nakakatikim ng tuktok ng kaligayahan na Diyos lamang ang makapagbibigay. Walang kahit ano man sa mundo kahit anong yaman pa yan o sinong tao pa yan.

Hindi natin naiisip ang inihanda ng DIyos na biyaya para sa ating lahat kung bukas lamang ang ating puso sa kanya. Ngunit alam ito ng mga taong naniniwala at patuloy na kumakapit sa Diyos hindi lamang sa panahon ng pangangailangan, o sa kasagaanan. Ngunit sa lahat ng panahon.

Ang pagkahanda sa ating pagdalo ang sumasagisag sa damit na isinusuot ng mga dumalo sa piging. Naihahanda ba natin ang ating puso na malinis para sisidlan ng Panginoon? Pinagpapahalagahan pa ba natin ang Banal na Misa, ang ating pinakamataas na anyo ng pagdarasal bilang Katoliko dahil nauunawaan natin ito?

Tayong lahat na miyembro ng simbahan ay ang ikakasal sa Panginoon. Hindi lamang tayo basta ordinaryong panauhin na walang gagawin bago ang piging, matapos nito at kahit habang ginaganap ang pagdiriwang ng Banal na Sakramento ng Eukaristiya. Tinatawag tayong maghanda, magnilay, magsisi sa kasalanan at tanggapin ang Diyos ng may malinis na hangarain. Aminin natin ang ating kababaan at ating pangangailangan sa kanya. Siya ang magpupuno ng ating lahat ng pangangailangan. Tulad ng kung paano tayo pinakamabubusog ng lahat ng masasarap na pagkain na inihanda ng Diyos kung pupunta tayo sa kanyang gutom at uhaw. Tayo ay kanyang pupunan nang sobra sobra.

Habang nagdiriwang naman, tayo ay magalak, sumabay tayo sa pagkanta, intindihin natin at namnamin ang bawat Salita ng Diyos. Madalas kasi tayo ay nasa piging ngunit ang ating mukha puso at kaluluwa ay parang nasa isang libing. O kaya naman ay kung anu-anong napapansin natin sa loob ng simbahan na isinisisi pa sa iba at hindi sa ating sarili na siyang pinipilig lumingon o tumingin.

Wala ito sa labas o sa eksternal na aspeto ngunit sa ating mga puso. Kung tayo lamang ay magiging “present” ika-nga, sa “present”. Subukan nating alisin ang ating mga inaaalala at itaas sa Panginoon. Subukan nating makinig gamit ang ating mga puso, madarama natin ang presensiya ng Diyos at ang kanyang sakripisyong ginaganap sa Misa.

Matapos nating mabusog sa piging na inihanda ng Diyos, doon pa lang magsisimula ang ating misyon. Panahon naman upang gumanap sa ating tungkulin. Tulad ng isang pagkakasal, hindi lamang natatapos sa kasalanan at sa handaan, alam nating ito ay simula lamang. Ang totong buhay na ating haharapin kasama ng Panginoon at ng buong pamilya at pamayanan ang siyang ating patutunguhan. Kaya ang isang kasal, na sumisimbulo sa ating relasyon sa Panginoon ay hindi rin madali. Kailangan din itong alagaan na parang isang halaman. Bigyan ng panahon at oras. Siguraduhing ito ay may buhay. Dahil kung hindi, mabahala na tayo at baka ang pananampalataya natin ay tila sinalakay na ng mga uod o kaya naman ay nasalanta ng bagyo.

Kailangan nito ng sapat na atensyon upang mabuhay muli.
Sinabi nga niya “Marami ang tinawag ngunit kaunti ang pili.” Gusto ba natin ng tinawag lang upang manahimik, walang buhay at walang saysay ang kaluluwa? O kaya naman, gusto rin natin na maranasan ang rurok ng kaligayahan kahit pa may kasama itong paghihirap at sakripisyo? Nasa sa atin ang desisyon dahil ang Diyos ay lagi lamang naghihintay sa atin. Inilatag at inihanda na niyang lahat para sa atin. Ubos hanggang kahuli-hulihang patak ng dugo ng ating Panginoong Jesus upang gawing alay para sa ating lahat. Pagnilayan nawa natin ito at pahalagahan.

Piliin sana nating makidalo nang buong puso, buong isip, buong kaluluwa at buong diwa, sa pagdiriwang kasama Niya nang maranasan natin ang kaligayahang nagtatagal dito sa lupa hanggang sa kabilang buhay. Amen. +

Panalangin: Panginoon, patawarin mo ako sa pagsasawalang bahala ko sa iyong paanyaya sa akin. Lubos akong walang alam at mahina. Turuan mo ako ng iyong pagpapala at ito nawa’y aking madala sa lahat ng aking makakasalamuha at sa buo kong pamilya. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.