Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD on DCF: “Jesus, Kami ay Hilumin Mo”


 

Setyembre 5, 2018. Miyerkules. Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 33: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.

Unang Pagbasa: 1 Taga-Corinto 3:1-9

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo.

Gatas ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman.

Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinasabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba’t palatandaan iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman?

Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago.

Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap.

Kami’y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.

Ebanghelyo: Lucas 4:38-44

Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya’t nakiusap sila kay Jesus na ito’y pagalingin. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito’y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling.

Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.

Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis.

Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo.”

At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.

Pagninilay:

Tayong lahat maging ang ating mga pari, madre, relihiyoso at mga laikong nagsisilbi sa simbahan ay pawang mga sangkapan at instrumento lamang ng Diyos. Diyos ang pinanggalingan at pinagmulan ng lahat. Kapayapaan ang nagmumula sa ating paniniwala sa katotohanang ito at hidwaan naman kung makalimutan natin ang Diyos.

Ang ating angking galing o at ang karunungan ng kahit sino pa man sa mundo ay hindi sa tao nagmumula kundi sa Diyos lamang. Ito nga ang punto ni San Pablo noong kanyang pinangaralan ang mga taga-Corinto na nagkakaroon ng hidwaan at pag-aaway-away dahil sa mga kampihang nagaganap. Kaya naman siya ay pinaaalalahan silang lahat, na kung ganito ang kanilang pag-iisip ay hindi ito galing sa Diyos kundi sa tao lamang. Ang tunay na pananampalataya ay sa paniniwala sa kalawakan ng kanyang Kapangyarihan at hindi ng kahit sinong tao.

Ang mga alitan na ito maging sa ating mga komunidad na nangyayari ngayon ay gawa rin ng diablo na gustong maghasik ng kaguluhan saan mang grupo o maging sa mga pamilya, upang nakawin ang kaligayahang mapapasaatin kung tayo lamang ay magkakaisa sa Diyos.

Gayundin naman tayong lahat ay iniimbitahang huwag matapos ang pagtingin sa tao lamang o sa mga bagay na nakikita lamang sa panlabas. Kung hindi pa natin nararating ang ganitong kamalayan ay mas lalo tayong magsikap sa ating pananampalataya upang palalimin pa ito at maintindihan natin ang Diyos sa kanyang walang hanggang karunungan. Huwag tayong tumigil sa pagdarasal at pagninilay, pakikinig sa Salita ng Diyos na Siyang tinutukoy na pagkain ng ating kaluluwa.

Sa ating pagninilay at panalangin ay magandang tingnan natin saan kumikilos ang mga Diyos sa ating buhay. Pagnilayan natin tuwing umaga paggising at bago matulog kung saan natin nararamdaman ang Diyo na gumagalaw sa ating buhay. Lagi natin tandaan ang kanyang kabutihan sa atin. Lalo pa sa panahon ngayon ng matinding eskandalo sa simbahan. Marami sa ating mga kapatid ang napanghihinaan ng loob. Tandaan natin na hindi galing sa Diyos ang mga ito, kung hindi sa ating iisang kalaban na gusto tayong sirain dahil sa inggit sa atin bilang isang malaking pamilya ng Diyos.

Sabi nga sa kasabihan na kumakalat ngayon sa internet, “Huwag nating iwanan ang simbahan dahil kay Judas”. Totoong hanggang ngayon maraming nagkalat na ganito kahit saan man sa ating komunidad at pamayanan. Ngunit hindi ito dahilan para iwan natin ang simbahan. Kung saan mayroong kaguluhan, mas lalo tayong kailangan, hindi upang makadagdag sa hidwaan ngunit upang maging kasangkapan ng Diyos. Halimbawa, sa inyong pamilya ay mayroong isang taong may sakit, hahayaan ninyo na lamang ba siyang mamatay sa kanyang kalagayan? Hindi ba’t mas lalo kayong kailangan at mas lalo pa ninyong kakalingain ito dahil ito ay oras ng kanyang kahinaan? Ganito rin ang kailangan ng ating Inang Simbahan sa atin ngayon – ang pagkakalinga at hindi ang pangungutya.

Magiging kasangkapan tayo ng Diyos kung tayo ay magdadala ng kapayapaan. Taimtim nating ipanalangin ang simbahan at ang lahat ng ating mga kaparian. Maaring ilabas ang emosyon pagkagalit at pagkadismaya dahil normal itong nadarama ng kahit sinong tao. Ngunit huwag tayong manatiling galit at sama ng loob sa isa’t isa. O magdesisyon dahil sa bugso ng damdamin na ito dahil dito umaatake ang mga kalaban na gusto lamang tayong sirain. Walang maidudulot ang ganitong sama ng loob kung hindi ang pagbigyan ang ating mga kalaban sa kanilang kagustuhan na tayo ay masira.

Ang kalooban ng Diyos ay palaging nasa kapayapaan kahit sa kabila ng hirap. Kung puno ang ating puso ng galit ay hindi makakapagtrabaho o makakapangusap ang Diyos sa atin.
Lahat tayo ay may kanya-kanyang kasalanan din naman. Hindi tayo maaring magturo ng kapwa na hindi natin agad-agad mababago. Kung ating susuriin ang ating sarili at babaguhin natin ang sarili, mas malaki ang maidudulot natin sa ating kapaligiran dahil kahit ano man ang mangyari ay makakapag-isip tayo ng taimtim sa kung ano ang kalooban ng Diyos para sa atin. Tulad ni Jesus na naglalagi sa ilang upang magdasal at nang walang sinumang makakamgambala sa kanya sa gitna ng kaguluhan. Ganito rin dapat ang ating maging ugali. Kaya noong humihiling ang mga tao sa kanya na siya ay manatili, alam niya kung ano ang kanyang isasagot. Claro at malinaw ang kanyang pakay – ang misyon ng Diyos sa Kanya.

Sa gitna ng mga kabi’t-kabilang intriga at mga isyu sa mundo, bago tayo magsalita, kumilos at magdesisyon, ito ay magandang pag-uugali, ang tanungin muna ang Diyos kung ano ang kanyang kalooban at hindi ang kalooban natin. Nang sa gayon, ang ating daan na lalakaran ay matuwid – ito ay daan ng kapayapaang nanatili at hindi naalis sa atin sa gitna ng kaguluhan sa ating kapaligiran.

Manalig tayo sa Diyos at Siya ang magtuturo lagi sa atin ng tamang daan. Siya mismo ang lalapit sa atin upang tayo ay hilumin sa oras na ating kailanganin. Tawagin lamang natin siya at hanapin ang Diyos darating sa atin. Amen. +

Panalangin: Jesus, kami ay hilumin mo sapagkat nananalig kami sa iyo. Maria, aming ina, ipanalangin mo kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita


Reactions:

Join Discussion

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.