Catholic Church Daily Gospel on DCF Religion

THE WORD OF GOD on DCF: “Pinatatawad Tayo ng Diyos”


 

Setyembre 20, 2018. Huwebes. Ika-24 Linggo na Karaniwang Panahon.

Salmo 118: Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’yay walang maliw.

Unang Pagbasa: 1 Corinto 15:1-11

Ebanghelyo: Lucas 7:36-50

Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag. Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro.

Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango.

Nang ito’y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”

Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”
“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.

Kaya’t nagpatuloy si Jesus, “May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa.

Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”

Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad sa mas malaking utang.”

“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito?

Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok.

Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.

Kaya’t sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal.”

At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”

Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”

Pagninilay:

Kung lahat sana ng tao ay maniniwala at tatandaang ganito nga magpatawad ang Diyos – hindi nagbibilang ng mali, binubura ang kasalanan kapag tayo ay nagsisi at tumalikod nang tuluyan sa kasamaan, baka magunahan pa lagi ang mga tao sa pangungumpisal ng kanilang kasalanan sa pari.

Ngunit sadyang pinangungunahan tayo ng takot, duda at pangamba. Ganito nga ang gawa ng diablo. Pagdating sa paggawa ng kasalanan ay tinatanggal niya ang hiya at pinupuno niya tayo ng kasinungalingan. “Wala namang makakakita” o kaya ay “Maliit na bagay lang yan”. Bubulungan pang “Hindi mo kailangang mangumpisal o humingi ng tawad, maiintindihan ka niya”. Ngunit paano natin mapapatunayan sa Diyos na tayo ay nagsisisi kung hindi tayo pupunta mismo sa kanya sa paraang kanyang ginawa para sa atin – sa Banal na Sakramento ng Kumpisal?

Kung tayo ay humihingi ng tawad, hindi ba’t tulad ng babae na ito sa Ebanghelyo, gumagawa tayo ng kanais-nais sa ating hinihingan ng tawad – hindi sa kung ano lang ang komportable at madali para sa ating sarili. Kung sa ating mahal sa buhay na nasaktan natin ay nagpupursigi tayong suyuin at amuin, bakit hindi natin maggawa sa Diyos pa na nagbigay ng lahat-lahat sa atin?

Pagnilayan natin ito. Kung paanong madaling gumawa ng mali para sa atin ngunit sa pagpapatawad ay laging may balakid. Gusto ng kalaban na ilayo tayo sa mabuti, hanggang sa lumaki nang lumaki ang ating kasalanan. Hindi mo malaman ikaw ay nahulog na sa bitag ng kalaban ng ating kaluluwa. Ngunit sa sandaling kailangan nating magsisi, dito niya pinupuno ng sobrang hiya na ayaw na nating humarap sa Diyos.

Kailan kaya natin papaniwalaan at tatanggapin ang buong katotohanan na ang Diyos mismo ang Awa at Pag-ibig? Hindi siya tulad nating mga taong mapagimbot ng galit. Alam niya ang ating kahinaan, ang ating damdamin at mga puso. Lubos ang kanyang awa sa atin. Tingnan mo na lang ang Krus, ito ang matibay na ebidensiya ng kanyang awa at pagmamahal sa atin. Ito ay walang hanggan at para sa lahat ng tao. Hindi namimili ang Diyos, hindi tulad nating mga tao.

Sa Ebanghelyo ipinahahayag kung gaano sana kaganda at katamis ang pagpapatawad ng Diyos sa atin. Magandang pagnilayan kung paano tayo magiging tulad ng babae na ito na makasalanan at ibinababa ang sarili sa Panginoon? Buong puso siyang nagsisisi at napupuno ng luha ang puso dahil ito ay tumatagos sa damdamin. Kailan ba nagiging ganito ang ating pagkukumpisal? O dahil ito ay pinagsasawalang bahala natin at naniniwala tayo sa kasinungalingan ng ibang sekta ay naging mapagmataas ang ating puso at matigas?

Tandaan natin na ang mga pinakamakasalanan sa atin ang pinakahinahanap at nililingap ng Panginoon. Habang ibinababa natin ang ating sarili sa kanya, habang ibinibigay natin nang buong buo at bukas ang ating puso – bukas at walang tinatagong kahit ano sa kumpisal, ay lalo tayong itataas ng Diyos. Siya mismo ang magpupuno sa atin ng kanyang biyaya at galak.

Ngunit kung tayo’y mapagmataas ay nalulungkot ang Diyos, dahil hindi na natin siya nabibigyan ng puwang upang tulungan tayo at paligayahin tayo sa kanyang lawak ng awa at pagmamahal.

Walang pinipili ang oras ng pagpapatawad ng Panginoon. Lagi siyang handang magpatawad sa atin. Ang mga pari ay bintana lamang sa pagitan ng Diyos at ng ating kaluluwa at sila ay hinirang ng Diyos sa pamamagitan ng simbahan upang maging mga buhay na instrumento ng Panginoon. Ang kanilang tungkulin ay walang iba kung hindi sabihin sa atin kung ano ang ibig sabihin ng Panginoon sa atin, para matulungan tayo na lumago. Para matalikuran natin nang tuluyan at hindi na ulitin pa ang mga sanhi ng pagkakasala. Ngunit kailangang tayo’y lumapit nang buong puso at tunay sa ating damdamin.

Ang Sakramento ng Kumpisal at ang pagpapatawad ay pagpapagaling ng ating mga sugatang kaluluwang nasaktan dahil sa ating sariling kasalanan. Hayaan nating hilumin tayo ng Panginoong Jesus.

Suriin nawa natin ang ating sarili at tandaan na kahit kailan ay maari tayong magpunta sa malapit na simbahan at tanggapin ang sakramentong ito. Damhin natin ang kanyang awa at pag-ibig na iniaalay niya sa ating lahat.

Panalangin: Magsabi ng personal na palangin. Humingi ng tawad sa ating mga kasalanan. Kung maari ay suriin ang budhi at ihanda ang sarili para sa pangungumpisal. Lalo kung matagal nang hindi nahuhugasan ng Diyos ang ating mga puso at kaluluwa sa Banal na Sakramentong ito.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.