Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD OF GOD on DCF (SUNDAY SPECIALS): “Ang Sakripisyo na Kasama sa Pag-ibig”


Setyembre 16, 2018. Ika-24 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 116: Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal.

Unang Pagbasa: Isaias 50:5-9

Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa, hindi ako naghimagsik o tumalikod sa kanya. Hindi ako gumanti nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.

Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas at luraan ang aking mukha. Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.

Handa akong magtiis, sapagkat aking nalalaman na ako’y hindi mapapahiya. Ang Diyos ay malapit, at siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang ako’y usigin?
Magharap kami sa hukuman, at ilahad ang kanyang paratang.

Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala? Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin, tulad ng damit na nginatngat ng insekto.

Ikalawang Pagbasa: Jaime 2:14-18

Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya?

Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka’t magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang naidudulot sa kanya iyon?

Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kasamang gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.

Ebanghelyo: Marcos 8:27-35

Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”

Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”

“Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?” tanong niya.
Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”

“Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay dapat magdanas ng matinding hirap. Siya’y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya’y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.”

Hayagang sinabi niya ito sa kanila at dahil dito’y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan. Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”

Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.

Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito.

Pagninilay:

Sa madaling salita, anuman ang ating ibigay sa Diyos ay ibabalik niya sa atin higit pa sa ating inaasahan. Ang taong nagdadamot, ay lalong mawawalan at ang taong nagbibigay bagamat siya ay mawalan man panandalian o mabawasan ay mas mabibigyan pa. Kung tingin natin tayo ay mga mapagbigay na, higit na mas malawak ang pusong mapagbigay ng Panginoon kaysa sa atin.

Minsan ay napakahirap intindihin ng mga paraan ng Diyos dahil ibang iba ito sa ating mga tao. Ngunit hindi naman laging dapat ay naiintindihan natin ng lubos ang mga bagay. Minsan ay kailangan lamang natin maniwala sa katotohanan sa kaibuturan ng ating puso.

Para sa Diyos, bawat bagay, gaano man ito kaliit ay mahalaga. Ang sakripisyo ay kaakibat na ng pagmamahal. Ang paghahangad ng buhay na madali ay para mo na ring sinabing ayaw mong magmahal. Gusto mo ng madaling buhay? Sarili mo lang ang intindihin. Ngunit ang ibig sabihin nito ay sarili mo lang din ang iyong iniibig.

Ang totoo ay walang bagay ang madali sa mundo. Lahat ay kailangang paghirapan. Pag-aaral, pagttrabaho, anumang proyekto o adhikain – lahat ito ay kailangang pagsikapan. Kung makukuha natin nang madali ang mga bagay at tila “instant” ang lahat ay ano pa ang matututunan natin sa buhay?

Ngunit kung itinatanggi natin ang ating sarili, sa hirap at pagtitiis ay dito tayo natututo magpasensya, mapagbigay at mas matibay ang puso. Hindi lahat ng bagay na maganda at matamis ay may pakinabang ngunit ang mga mapapait na bagay ay karanasan ay tila gamot sa ating buhay.

Sa ebanghelyo ngayong linggo ay sinabi ni Jesus na pasanin natin ang ating krus sa buhay. Maaring pagnilayan, ano ba ang mga Krus ko sa buhay? Anuman ito, mahirap na katrabaho, kaaway na kapitbahay, pasaway na kaanak, anak o asawa, ay dito tayo lalago kung tayo ay matuto sa ating pakikilakbay kasama ng DIyos. Kung susuklian natin ng mabuti ang bawat masama ay anong tagumpay ang ating tatamasain! Dahil tayo ay lumalaban sa paraan ng Diyos hindi ng tao.

Hindi nalalabanan ng masama ang masama. Kabutihan lamang ang nakakagapi at nakakahilom ng paulit-ulit na pagkakamali sa ating buhay.

Kung halimbawa, may nangttsismis sa iyo at ginantihan mo rin ng tsimis. Wala ka nang pinagkaiba sa iyong kinagagalitan bagkus ay nakisama ka pa. Ngunit kung sasagutin lamang nang nasa tama at walang bahid ng galit o hahayaang manahimik kung kailangan. Kung magiging wais sa mga desisyon at alam kung kailan lang dapat manalangin habang nasa malayo muna, ay hindi ka rin tumapak sa putik na tinapakan ng iba. Bagkus, iniligtas mo ang sarili dito. Ganito ang karunungang itinuturo sa atin ng Panginoon na gusto niyang ibahagi sa atin.

Yakapin natin ang ating mga paghihirap sa buhay na kaabikat ng obligasyon. Sa pamilya man, sa trabaho o sa komunidad. Marami sa atin ay madaling mapagod at magsawa, madaling mapanghinaan ng loob. Ngunit ang paniniwala natin na ang ating ginagawa ay para sa makabuluhan – sa kapwa, sa Diyos at sa ating minamahal, may magiging masyadong mahirap pa ba sa ating buhay?

Kung may kalakip na pag-ibig gaano man kaliit na bagay na ating gawin ay magiging magaan ito. Maging ang mga sakripisyo araw-araw, mula sa paggising nang maaga para sa ating minamahal o paglalaan ng oras sa umaga at sa gabi sa Panginoon, maging ang pakikipag-usap sa Kanya sa buong araw ay hindi na mabigat dahil pag-ibig ang nagdadala ng lahat ng bagay.

Panalangin: Gumawa ng personal na panalangin at ibuhos ang puso sa Diyos tungkol sa mga suliranin ng buhay.
Panginoon, maawa ka sa amin. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.